The chat will start when you send the first message.
1Ito ang mga pangitain ni Obadias.
Ganito ang sinabi ng Panginoong Diyos tungkol sa bansang Edom:
Narinig namin mula sa Panginoon
na nagsugo siya ng mensahero
sa mga bansa,
“Tumindig kayoʼt salakayin natin ito!”
2“Makinig kayo!
Gagawin ko kayong pinakamahina
sa lahat ng bansa
at kayoʼy labis na hahamakin.
3Sinasabi ninyong walang
makakapagpabagsak sa inyo
dahil nakatira kayo sa lugar
na mataas at mabato.
Sa pagyayabang ninyong ito,
dinadaya lamang ninyo
ang inyong mga sarili.
4Sapagkat kahit lumipad pa kayong
tulad ng agila
at magpugad sa mga bituin,
ibabagsak ko pa rin kayo sa lupa,”
sabi ng Panginoon .
5“Hindi baʼt kapag pinasok
ng mga magnanakaw
ang iyong bahay,
ang kinukuha lamang nila
ay ang kanilang magustuhan?
At hindi baʼt ang mga namimitas ng ubas
ay nag-iiwan ng ilang bunga?
Ngunit kayong lahat
ay lilipulin ng inyong mga kaaway.
6Hahanapin nila at kukunin ang lahat
ng nakatagong kayamanan
ng mga lahi ni Esau.
7Lilinlangin kayo
ng mga kakampi ninyong bansa.
Ang mga bansang nakipagkaibigan sa inyo
ay siya ring sasalakay sa inyo,
at palalayasin nila kayo sa inyong bayan.
Silang mga nakisalo sa inyo
ang siya pang palihim
na maglalagay
ng bitag laban sa inyo.
8“Ako, ang Panginoon , ang nagsasabi
na sa araw ng paghatol ko sa inyo,
lilipulin ko ang marurunong sa inyo.
Mawawala ang karunungan sa Edom
na tinatawag na Bundok ni Esau.
9Manginginig sa takot
ang inyong mga sundalo
sa lungsod ng Teman,
kaya mamamatay kayong lahat
na nakatira sa Bundok ni Esau.”
10Dahil sa inyong pagmamalupit
sa lahi ni Jacob na inyong kapatid,
malalagay kayo sa kahihiyan
at lilipulin magpakailanman.
11Pinabayaan lamang ninyo
ang Jerusalem
nang salakayin ito
ng ibang bansa.
Pinabayaan ninyong kunin
ang kanilang mga ari-arian
at paghati-hatian sa pamamagitan
ng palabunutan.
Kayoʼy tulad nila na mga kaaway ng Israel.
12Hindi sana ninyo ikinatuwa
ang panahon ng kapahamakan
ng mga taga-Juda na inyong kalahi.
Hindi sana kayo nagalak
sa panahon ng kanilang pagkawasak.
At hindi sana kayo nagmayabang
sa panahon ng kanilang kahirapan.
13Hindi dapat sana kayo pumasok
sa lungsod ng aking mga mamamayan
sa panahon ng kanilang kasawian
at kumuha ng kanilang mga ari-arian.
At hindi sana kayo natuwa
sa panahon ng kanilang paghihirap.
14Hindi sana kayo nag-abang
sa mga sangang-daan
upang patayin ang mga tumatakas
mula sa Jerusalem.
At hindi sana ninyo sila ibinigay
sa mga kaaway
sa panahon ng kanilang kasawian.
15“Malapit na ang araw
ng paghatol ng Panginoon
sa lahat ng bansa.
At kung ano ang inyong ginawa sa iba,
ganoon din ang gagawin sa inyo.
Kung paano ang pagtrato nʼyo sa iba,
ganoon din ang magiging pagtrato
nila sa inyo.
16Kung paanong pinarusahan
ang aking mga mamamayan
sa aking banal na bundok,
parurusahan din ang lahat ng bansa.
Matinding parusa
ang ibibigay ko sa kanila
hanggang malipol silang lahat.
17“Ngunit may matitirang mga Israelita
sa bundok ng Zion,
at magiging banal muli ang lugar na ito.
Maibabalik sa mga lahi ni Jacob
ang mga lupaing dati nilang pag-aari.
18Ang mga lahi nina Jacob at Jose[#1:18 : Si Jacob ay kumakatawan sa mga mamamayan ng Juda, at si Jose naman ay kumakatawan sa mga mamamayan ng Israel.]
ay magiging tulad ng apoy
na lilipol sa lahi ni Esau,
tulad ng pagsunog sa dayami.
At walang matitira sa lahi ni Esau.”
Ito ang sinabi ng Panginoon .
19“Sasakupin ng mga taga-Negeb[#1:19 : Ang timog ng Juda.]
ang bundok ni Esau,
at sasakupin ng mga nakatira
sa kaburulan sa kanluran
ang lupain ng mga Filisteo.
Sasakupin din ng mga Israelita
ang lupain ng Efraim at Samaria,
at sasakupin naman
ng lahi ni Benjamin ang Gilead.
20Sasakupin ng nga Israelitang
galing sa pagkabihag
ang lupain ng Canaan
hanggang sa Zarefat.
Ang mga taga-Jerusalem
na binihag sa Sefarad
ay sasakupin naman
ang mga bayan ng Negeb.
21Aakyat sa Bundok ng Zion
ang mga tagapagpalaya ng Israel
upang pamahalaan ang mga taong
naninirahan sa Bundok ni Esau.
At ako, ang Panginoon ,
ang siyang maghahari.”