1Nang maalala namin ang Zion,
umupo kami sa pampang ng mga ilog ng Babilonia at umiyak.
2Isinabit na lang namin ang aming mga alpa
sa mga sanga ng kahoy.
3Pinaaawit kami ng mga bumihag sa amin.
Inuutusan nila kaming sila ay aliwin.
Ang sabi nila, “Awitan ninyo kami ng mga awit
tungkol sa Zion!”
4Ngunit paano kami makakaawit ng awit ng Panginoon
sa lupain ng mga bumihag sa amin?
5Sanaʼy hindi na gumalaw ang kanan kong kamay
kung kalilimutan ko ang Jerusalem!
6Sanaʼy maging pipi ako kung hindi ko aalalahanin
at ituturing na aking kaligayahan ang Jerusalem.
7Panginoon , alalahanin nʼyo ang ginawa ng mga taga-Edom
nang lupigin ng Babilonia ang Jerusalem.
Sinabi nila,
“Sirain ninyo ito at wasakin nang lubos!”
8Kayong mga taga-Babilonia, kayoʼy wawasakin!
Mapalad ang mga taong lilipol sa inyo
gaya ng ginawa ninyong paglipol sa amin.
9Mapalad silang kukuha ng inyong mga sanggol,
at ihahampas sa mga bato.