The chat will start when you send the first message.
1Panginoon , magpapasalamat ako sa inyo nang buong puso.
Aawit ako ng mga papuri sa inyo sa harap ng mga diyos.
2Luluhod ako na nakaharap sa inyong templo at magpupuri sa inyo
dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
Sapagkat ipinakita nʼyo na kayo
at ang inyong mga salita ay dakila sa lahat.
3Nang humingi ako ng tulong,
akoʼy inyong sinagot.
Akoʼy binigyan ninyo ng lakas ng loob.
4Magpupuri sa inyo, Panginoon , ang lahat ng hari sa buong mundo,
dahil maririnig nila ang inyong mga salita.
5Silaʼy aawit tungkol sa inyong ginawa,
dahil dakila ang inyong kapangyarihan.
6Panginoon , kahit kayoʼy dakila sa lahat,
nagmamalasakit kayo sa mga aba ang kalagayan.
At kahit nasa malayo ka
ay nakikilala mo ang lahat ng mga hambog.
7Kahit na sa buhay na itoʼy may mga kaguluhan,
ang buhay koʼy inyong iniingatan.
Pinarurusahan nʼyo ang aking mga kaaway.
Inililigtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
8Tutuparin nʼyo Panginoon ang inyong mga pangako sa akin.
Ang pag-ibig nʼyo ay walang hanggan.
Huwag nʼyong pabayaan ang gawa ng inyong kamay.