The chat will start when you send the first message.
1Panginoon , dinggin nʼyo ang aking panalangin.
Dinggin po ninyo ang aking pagsusumamo.
Tulungan po ninyo ako dahil kayo ay matuwid at tapat.
2Huwag nʼyong hatulan ang inyong lingkod,
dahil walang sinumang matuwid sa inyong harapan.
3Tinugis ako ng aking mga kaaway.
Tinalo ako at inilagay sa madilim na bilangguan;
tulad ako ng isang taong matagal nang patay.
4Kaya nawalan na ako ng pag-asa,
at punong-puno ng takot ang puso ko.
5Naalala ko ang inyong mga ginawa noong una;
pinagbulay-bulayan ko ang lahat ng inyong ginawa.
6Itinaas ko ang aking mga kamay sa inyo
at nanalangin,
kinauuhawan ko kayo tulad ng tuyong lupa
na uhaw sa tubig.
7Panginoon , agad nʼyo akong sagutin.
Nawawalan na ako ng pag-asa.
Huwag nʼyo akong layuan, baka akoʼy mamatay.
8Bawat umaga, ipaalala nʼyo sa akin
ang inyong pag-ibig,
dahil sa inyo ako nagtitiwala.
Ipakita nʼyo sa akin ang tamang daan
na dapat kong daanan,
dahil sa inyo ko ipinagkakatiwala ang aking buhay.
9Panginoon , iligtas nʼyo ako
sa aking mga kaaway,
dahil sa inyo ako humihingi ng kalinga.
10Turuan nʼyo akong sundin ang inyong kalooban,
dahil kayo ang aking Diyos.
Patnubayan sana ako ng inyong butihing Espiritu
sa landas na walang kapahamakan.
11Iligtas nʼyo ako, Panginoon , para kayo ay maparangalan.
Dahil kayo ay matuwid, iligtas nʼyo ako sa kaguluhan.
12Alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin na inyong lingkod,
lipulin nʼyo ang aking mga kaaway.