The chat will start when you send the first message.
1Minamahal ko kayo Panginoon ,
kayo ang aking kalakasan.
2Panginoon , kayo ang aking matibay
na batong kanlungan
at tagapagligtas.
Kayo, O Diyos, ang aking matibay
na batong kanlungan
na nag-iingat sa akin,
kayo ang aking pananggalang,
tanggulan at matatag na kuta.
3Karapat-dapat kayong purihin, Panginoon ,
dahil kapag tumatawag ako sa inyo,
inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.
4-5Ang kamatayaʼy parang lubid
na nakapulupot sa akin
at parang bitag sa aking daraanan,
na para ring malakas na agos
na tumatangay sa akin.
6Kinakabahan ako!
Humingi ako ng tulong sa inyo,
Panginoon na aking Diyos.
At mula sa inyong Templo,
pinakinggan nʼyo ang panalangin ko.
7Dahil sa inyong galit ay lumindol,
maging ang pundasyon ng mga bundok ay nayanig.
8Umusok din ang inyong ilong,
at ang inyong bibig ay bumuga ng apoy
at mga nagliliyab na baga.
9Binuksan nʼyo ang langit at kayoʼy bumabâ,
at tumuntong sa maitim at makapal na ulap.
10Kayoʼy sumakay sa isang kerubin,
at mabilis na lumipad na dala ng hangin.
11Ginawa nʼyong talukbong ang kadiliman,
at nagtago kayo sa maitim na ulap.
12Mula sa ningning ng kanyang presensyaʼy
lumitaw ang makakapal na ulap,
at bumagsak ang mga yelo at nagliliyab na baga.
13Ang tinig nʼyo, Kataas-taasang Diyos na aming Panginoon ,
ay dumadagundong mula sa langit.
14Pinana nʼyo ng kidlat ang inyong mga kalaban
at nataranta silang nagsitakas.
15Sa inyong tinig at matinding galit,
natuyo ang dagat at nakita
ang lupa sa ilalim nito,
pati na rin ang pundasyon ng mundo ay nalantad.
16At mula sa langit akoʼy inabot nʼyo
at inahon mula sa malalim na tubig.
17Iniligtas nʼyo ako sa kapangyarihan
ng aking mga kalaban na hindi ko
kayang labanan.
18Sinalakay nila ako sa oras ng aking kagipitan.
Ngunit sinaklolohan nʼyo ako, Panginoon .
19Dinala nʼyo ako sa lugar na walang kapahamakan
dahil nalulugod kayo sa akin.
20Pinagpala nʼyo ako
dahil akoʼy namumuhay sa katuwiran.
Sa kalinisan ng aking kamay
akoʼy inyong ginantimpalaan.
21Dahil sinusunod ko ang inyong kalooban,
at hindi ko kayo tinalikuran,
Panginoon na aking Diyos.
22Tinutupad ko ang lahat ng inyong utos.
Ang inyong mga tuntunin ay hindi ko sinusuway.
23Alam nʼyong namumuhay ako nang walang kapintasan,
at iniiwasan ko ang kasamaan.
24Kaya naman akoʼy inyong ginagantimpalaan,
dahil nakita nʼyong matuwid ang aking pamumuhay.
25Tapat kayo sa mga tapat sa inyo,
at mabuti kayo sa mabubuting tao.
26Tapat kayo sa mga taong totoo sa inyo,
ngunit tuso kayo sa mga taong masama.
27Inililigtas nʼyo ang mga mapagpakumbaba,
ngunit ang nagmamataas
ay inyong ibinababa.
28Panginoon kong Diyos, kayo ang nagbibigay
sa akin ng liwanag.
Sa gitna ng kadiliman
kayo ang aking tanglaw.
29Sa tulong nʼyo, kaya kong salakayin
ang grupo ng mga sundalo,
at kaya kong akyatin ang pader
ng kanilang tanggulan.
30Ang pamamaraan nʼyo,
O Diyos ay walang kamalian.
Ang inyong mga salita ay maaasahan.
Kayoʼy katulad ng isang kalasag
sa mga kumakanlong sa inyo.
31Sapagkat kayo lang, Panginoon ,
ang tunay na Diyos,
at wala nang iba.
At kayo lang talaga
ang aming Batong kanlungan.
32Kayo, O Diyos, ang nagbibigay sa akin ng kalakasan,
at nagbabantay sa aking daraanan.
33Pinatatatag nʼyo ang aking paa
tulad ng paa ng usa,
upang maging ligtas ang pag-akyat ko
sa matataas na lugar.
34Sinasanay nʼyo ako sa pakikipaglaban,
at ang aking brasoʼy nakakabanat ng panang tanso.
35Ang katulad nʼyo ay kalasag na nag-iingat sa akin.
Inaakay nʼyo ako sa pamamagitan
ng inyong kapangyarihan,
at dahil sa tulong nʼyo, naging tanyag ako.
36Pinaluwang nʼyo ang aking daraanan,
kaya hindi ako natitisod.
37Hinabol ko ang aking mga kalaban
at inabutan ko sila,
at hindi ako tumigil
hanggang sa naubos ko sila.
38Hinampas ko sila hanggang sa magsibagsak,
at hindi na makabangon sa aking paanan.
39Binigyan nʼyo ako ng lakas sa pakikipaglaban,
kaya natalo ko ang aking mga kaaway.
40Pinaatras ninyo ang aking mga kaaway
at pinatay ko ang mga galit sa akin.
41Humingi sila ng tulong,
ngunit walang tumulong sa kanila.
Tumawag din sila sa inyo Panginoon ,
ngunit kayoʼy hindi tumugon.
42Dinurog ko sila hanggang sa naging alikabok na lang
na inililipad ng hangin,
at tinatapak-tapakan na parang putik sa kalsada.
43Akoʼy iniligtas nʼyo sa mga rebelde,
at ginawa nʼyo akong pinuno
ng maraming bansa.
Kahit ang mga hindi nakakakilala sa akin,
pinaglingkuran na nila ako ngayon.
44Yumuyukod sila sa aking harapan.
Naririnig pa lang nila ang tungkol sa akin,
sumusunod agad sila sa utos ko.
45Nawawalan sila ng lakas ng loob,
kaya lumalabas sila sa kanilang pinagtataguan
na nanginginig sa takot.
46Buháy kayo, Panginoon !
Karapat-dapat kayong purihin at dakilain,
O Diyos na aking batong kanlungan
at Tagapagligtas!
47Kayo, O Diyos, ang naghihiganti para sa akin,
at ipinapasailalim mo ang mga bansa
sa aking kapangyarihan.
48Inililigtas nʼyo ako sa mararahas kong kalaban,
at pinagtatagumpay nʼyo ako sa kanila.
49Kaya pararangalan ko kayo sa mga bansa.
O Panginoon , aawitan ko kayo ng mga papuri.
50Sa hinirang nʼyong hari
ay nagbigay kayo ng maraming tagumpay.
Ipinapadama ninyo ang inyong wagas na pag-ibig
sa inyong hinirang na si David
at sa lahat ng kanyang lahi, magpakailanman.