The chat will start when you send the first message.
1Tunay na mabuti ang Diyos sa Israel,
lalo na sa mga taong may malilinis na puso.
2Ngunit akoʼy muntik nang bumagsak;
ang mga paa koʼy muntik nang madulas.
3Sapagkat kinainggitan ko ang mga mayayabang,
nang nakita ko ang pag-unlad
ng mga masasama.
4Hindi sila dumaranas ng pagdurusa;
silaʼy malulusog at masisigla.
5Ang mga pagdurusang karaniwang
nararanasan ng tao
sa mundong ibabaw ay di nila naranasan.
Hindi sila dumaranas ng hirap,
di tulad ng kanilang kapwa.
6Kaya ipinapakita nila ang kanilang kayabangan at kalupitan.[#73:6 : Sa literal, nagsusuot sila ng kuwintas ng kayabangan at damit ng kalupitan.]
7Ang kanilang puso ay puno ng kasamaan,
at ang laging iniisip ay paggawa ng masama.
8Kinukutya nila at pinagsasabihan
ng masama ang iba.
Mayayabang sila at nagbabantang mananakit.
9Nagsasalita sila ng masama
laban sa Diyos at sa kanilang kapwa.
10Kaya ang mga mamamayan ng Diyos
ay lumilingon sa kanila
at pinaniniwalaan ang kanilang
mga sinasabi.
11Sinasabi nila, “Paano malalaman ng Diyos?
Walang alam ang Kataas-taasang Diyos.”
12Ganito ang buhay ng masasamâ:
wala nang problema, yumayaman pa.
13Bakit ganoon?
Wala bang kabuluhan
ang malinis kong pamumuhay
at paglayo sa kasalanan?
14Nagdurusa ako buong araw.
Bawat umaga akoʼy inyong pinarurusahan.
15Kung sasabihin ko rin ang sinabi nila,
para na rin akong nagtraydor
sa inyong mga mamamayan.
16Kaya sinikap kong unawain
ang mga bagay na ito,
pero napakahirap.
17Ngunit nang pumunta ako
sa inyong santuwaryo,
doon ko naunawaan ang kahihinatnan ng masama.
18Tunay na inilalagay nʼyo sila
sa madulas na daan,
at ibinabagsak sa kapahamakan.
19Bigla silang mapapahamak;
mamamatay silang lahat
at nakakatakot ang kanilang kahahantungan.
20Para silang isang panaginip
na sa pagsapit ng umaga ay wala na,
O Panginoon.
Makakalimutan na sila
kapag silaʼy pinarusahan nʼyo na.
21Nang nasaktan ang aking damdamin
at nagtanim ako ng sama ng loob,
22para akong naging hayop
sa inyong paningin,
mangmang at hindi nakakaunawa.
23Ngunit patuloy akong lumapit sa inyo
at akoʼy inakay nʼyo.
24Ang inyong mga payo
ang nagsisilbing gabay ko,
at akoʼy dadalhin ninyo
sa marangal na hantungan.
25Walang sinuman sa langit
ang kailangan ko
kundi kayo lamang.
At walang anuman sa mundo
ang hinahangad ko
maliban sa inyo.
26Manghina man ang aking
katawan at isipan,
kayo, O Diyos, ang aking kalakasan.
Kayo lang ang kailangan ko
magpakailanman.
27Ang mga taong lumalayo sa inyo
ay tiyak na mapapahamak.
Ang mga nagtaksil sa inyo
ay lilipuling lahat.
28Ngunit ako, minabuti kong
maging malapit sa Diyos.
Kayo, O Makapangyarihang Panginoon ,
ang pinili kong kanlungan,
upang maihayag ko ang lahat
ng inyong mga ginawa.