1Mga kababayan, ang mga turo koʼy[#78:1 : O Mga mamamayan ko.]
inyong pakinggan.
Sundin ninyo ang aking mga salita.
2Tuturuan ko kayo sa pamamagitan ng paghahalintulad.[#78:2 : O mga talinghaga, o kawikaan.]
Sasabihin ko sa inyo ang mga lihim
na katotohanan ng nakaraan.
3Napakinggan na natin ito at nalaman.
Sinabi ito sa atin ng ating mga ninuno.
4Hindi natin ito ililihim sa ating mga anak;
sasabihin natin sa mga susunod na henerasyon
ang kapangyarihan ng Panginoon
at ang mga kahanga-hanga niyang gawa.
5Ibinigay niya ang kanyang mga kautusan kay Jacob;
ginawa niya itong batas ng Israel.
Iniutos niya sa ating mga ninuno
na ituro ito sa kanilang mga anak,
6upang itoʼy malaman din
ng susunod na henerasyon
at ituturo rin nila sa kanilang mga anak.
7Sa ganitong paraan, magtitiwala sila sa Diyos
at hindi nila makakalimutan
ang kanyang mga ginawa,
at susundin nila ang kanyang mga utos.
8Hindi sila magiging katulad
ng kanilang mga ninuno
na matitigas ang ulo, suwail,
hindi lubos ang pagtitiwala sa Diyos,
at hindi tapat sa kanya.
9Bagamaʼt may mga pana ang mga taga-Efraim,
umaatras naman sila sa oras ng labanan.
10Hindi nila pinanindigan ang kasunduan nila sa Diyos,
at tumanggi silang mamuhay
ayon sa kanyang mga utos.
11Kinalimutan nila ang mga kahanga-hanga
niyang ginawa
na ipinakita niya sa kanila.
12Nasaksihan mismo ng ating mga ninuno
ang mga himala na ginawa ng Diyos
doon sa Zoan sa lupain ng Ehipto.
13Hinawi niya ang dagat
at pinadaan sila roon;
ginawa niyang parang magkabilang pader ang tubig.
14Pinatnubayan niya sila
sa pamamagitan ng ulap tuwing araw
at sa pamamagitan ng liwanag ng apoy naman
tuwing gabi.
15Biniyak niya ang mga bato sa ilang
at dumaloy ang tubig
at binigyan sila ng maraming inumin
mula sa kailaliman ng lupa.
16Pinalabas niya ang maraming
tubig mula sa bato
at ang tubig ay umagos gaya ng ilog.
17Ngunit patuloy pa rin silang nagkasala sa kanya.
Naghimagsik sila sa Kataas-taasang Diyos doon sa ilang.
18Sinadya nilang subukin ang Diyos
sa pamamagitan ng paghingi nila
ng mga pagkaing gusto nila.
19Kinutya nila ang Diyos
nang sabihin nilang,
“Makakapaghanda ba ang Diyos
ng pagkain dito sa ilang?
20Oo ngaʼt umagos ang tubig
nang hampasin niya ang bato,
ngunit makapagbibigay din ba siya
ng tinapay at karne sa atin?”
21Narinig ito ng Panginoon at galit na galit siya.
Nag-apoy sa galit ang Panginoon laban sa lahi ni Jacob,
22dahil hindi sila sumampalataya sa kanya,
o nagtiwala sa pagliligtas niya.
23Ganoon pa man, iniutos niyang bumukas ang langit,
24at pinaulanan sila ng pagkaing manna.
Ibinigay ito sa kanila upang kainin.
25Kinain nila ang pagkain ng mga anghel,
at sobra pa sa kaya nilang kainin
ang ibinigay ng Diyos sa kanila.
26Pinaihip niya ang hangin
mula sa silangan at sa timog
sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
27Pinaulanan din sila ng napakaraming ibon,
na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat.
28Pinadapo niya ang mga ito sa palibot
ng kanilang mga tolda sa kampo.
29Kaya kumain sila at nabusog,
dahil ibinigay sa kanila ng Diyos
ang gusto nila.
30Ngunit habang kumakain sila at nagpapakabusog,
31nagalit ang Diyos sa kanila.
Pinatay niya ang makikisig
na mga kabataan ng Israel.
32Sa kabila ng lahat ng ginawa ng Diyos sa kanila,
nagpatuloy pa rin sila sa pagkakasala.
Kahit na gumawa siya ng mga himala,
hindi pa rin sila naniwala.
33Kaya agad niyang winakasan ang kanilang buhay
sa pamamagitan ng biglaang
pagdating ng kapahamakan.
34Kapag pinarurusahan sila ng Diyos
at ang iba sa kanilaʼy namamatay,
nagbabalik-loob sila at agad lumalapit sa kanya.
35At naalala nila na ang Diyos
ang kanilang Batong kanlungan,
ang Kataas-taasang Diyos
ang kanilang Tagapagligtas.
36Ang papuri nilaʼy sa bibig lamang nagmumula
pawang kasinungalingan ang kanilang mga salita.
37Hindi sila naging tapat sa kanya
at hindi nila pinahalagahan ang kasunduan niya sa kanila.
38Ngunit dahil maawain ang Diyos,
pinatawad ang mga kasalanan nila
at hindi sila nilipol.
Maraming beses niyang pinigil ang kanyang galit
kahit napakatindi na ng kanyang poot.
39Naisip niyang mga tao lamang sila,
parang hangin na dumadaan
at biglang nawawala.
40Madalas silang maghimagsik
sa Diyos doon sa ilang
at pinalungkot nila siya.
41Paulit-ulit nilang sinubok ang Diyos;
ginalit nila ang Banal na Diyos ng Israel.
42Hindi nila inalala
ang kanyang kapangyarihan
sa araw na iniligtas niya sila
mula sa kanilang mga kaaway,
43noong gumawa siya ng mga himala at tanda
roon sa Zoan, sa lupain ng Ehipto.
44Ginawa niyang dugo ang mga ilog nila,
kaya wala silang mainom sa mga tubig nila.
45Nagpadala rin siya ng napakaraming langaw
na nagpahirap sa kanila
at mga palaka na puminsala sa lupain nila.
46Ipinakain niya sa mga balang
ang kanilang mga pananim at mga ani.
47Sinira niya ang kanilang mga tanim na ubas
at mga punong sikomoro
sa pamamagitan ng pagpapaulan ng yelo.
48Pinagpapatay niya ang kanilang mga hayop
sa pamamagitan ng kidlat
at pag-ulan ng malalaking yelo.
49Ipinaranas niya sa kanila
ang matinding poot at galit niya,
at nagpadala siya ng mga anghel
na nagdulot ng sakuna.
50Hindi pinigilan ng Diyos ang kanyang poot.
Hindi niya sila iniligtas sa kamatayan.
Sa halip ay pinatay sila
sa pamamagitan ng mga salot.
51Pinatay niyang lahat
ang mga panganay na lalaki sa Ehipto;
Oo, ang bawat panganay sa lahi ni Ham.
52Ngunit parang mga tupa na inilabas niya sa Ehipto
ang kanyang mamamayan
tulad sa kawan ng mga tupa,
silaʼy pinatnubayan niya sa ilang.
53Pinatnubayan niya sila,
kaya hindi sila natakot.
Ngunit ang mga kaaway nila
ay nalunod sa dagat.
54Dinala niya sila sa lupaing kanyang pinili,
dito sa bulubunduking lugar na kinuha niya
sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
55Itinaboy niya ang lahat
ng naninirahan doon,
at hinati-hati ang lupain
sa mga lahi ng Israel
upang maging pag-aari nila
at maging tirahan.
56Ngunit sinubok pa rin nila ang Kataas-taasang Diyos,
naghimagsik sila at hindi sumunod
sa kanyang mga utos.
57Tumalikod sila sa Diyos
katulad ng kanilang mga ninuno.
Tulad sila ng isang sirang pana
na hindi mapagkakatiwalaan.
58Ginalit nila ang Diyos
dahil sa kanilang mga sambahan
sa matataas na lugar
Pinanibugho nila ang Diyos dahil sa kanilang
mga diyos-diyosan.
59Alam ng Diyos ang ginawa ng mga Israelita,[#78:59 : Sa literal, Narinig.]
kaya nagalit siya at itinakwil sila nang lubusan.
60Iniwanan niya ang kanyang tolda sa Silo,
kung saan siya nananahan dito sa mundo.
61Hinayaan niyang agawin ng mga kaaway
ang Kahon ng Kasunduan
na simbolo ng kanyang kapangyarihan
at kadakilaan.
62Nagalit siya sa kanyang mga mamamayan
kaya ipinapatay niya sila
sa kanilang mga kaaway.
63Sinunog ang kanilang mga binata,
kaya walang mapangasawa
ang kanilang mga dalaga.
64Namatay sa labanan ang kanilang mga pari,
at ang mga naiwan nilang asawa
ay hindi makapagluksa.
65Pagkatapos, parang nagising ang Panginoon
mula sa kanyang pagkakahimlay;
at para siyang isang malakas na tao
na pinatapang ng alak.
66Itinaboy niya at pinaatras
ang kanyang mga kaaway;
inilagay niya sila sa walang hanggang kahihiyan.
67Itinakwil niya ang lahi ni Jose,
hindi rin niya pinili ang lahi ni Efraim.
68Sa halip ay pinili niya ang lahi ni Juda
at ang bundok ng Zion na kanyang minamahal.
69Doon niya ipinatayo ang kanyang Templo,
katulad ng langit at lupa
na kanyang itinatag, magpakailanman.
70-71Pinili ng Diyos si David
na maging lingkod niya.
Kinuha siya mula sa pagpapastol ng tupa
at ginawang hari ng Israel,
ang mga mamamayang kanyang hinirang.
72Katulad ng isang mabuting pastol,
inalagaan niya ang mga Israelita
nang may katapatan
at mahusay silang pinamunuan.