Pahayag 12

Ang Babae at ang Dragon

1Pagkatapos nito, isang dakilang tanda ang lumitaw sa langit: isang babaeng nakadamit ng araw at nakatuntong sa buwan. May korona sa kanyang ulo na may labindalawang bituin.

2Buntis siya at manganganak na, kaya dumadaing siya dahil sa matinding sakit.

3May isa pang dakilang tanda akong nakita sa langit: isang malaking pulang dragon na may pitong ulo at sampung sungay na may korona sa bawat ulo.

4Tinangay ng buntot niya ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at itinapon sa lupa. Tumayo ang dragon sa harap ng babaeng manganganak na upang lamunin ang sanggol sa oras na isilang ito.

5At nanganak nga ang babae ng isang sanggol na lalaki na siyang “maghahari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kamay na bakal”. Inagaw agad ang sanggol at dinala sa Diyos doon sa kanyang trono.[#12:5 Salmo 2:9.]

6Ang babae naman ay tumakas sa ilang, sa isang lugar na inihanda ng Diyos para sa kanya, upang maalagaan siya roon sa loob ng 1,260 araw.

7Pagkatapos nito, nagkaroon ng digmaan sa langit. Nakipaglaban si Miguel at ang mga kasamahan niyang anghel sa dragon. At lumaban din ang dragon at ang kampon nʼyang mga anghel.

8Subalit hindi sapat ang lakas ng dragon kaya natalo sila at pinalayas sa langit.

9Kaya itinaboy ang malaking dragon; ang ahas noong unang panahon na diyablo o Satanas na nanlilinlang sa buong mundo. Itinapon siya sa lupa kasama ang kanyang mga anghel.

10Pagkatapos, narinig ko ang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi:

“Dumating na ang kaligtasan at kapangyarihan,

at ang kaharian ng Diyos

at ang awtoridad ng Mesias.

Sapagkat ang umaakusa sa ating mga kapatid

na nagpaparatang sa kanila araw at gabi

ay ibinagsak na sa mundo.

11Nagtagumpay na ang ating mga kapatid

sa pamamagitan ng dugo ng Kordero

at ng kanilang patotoo.

Hindi nila pinahalagahan ang kanilang buhay

maging sa harap ng kamatayan.

12Kaya magalak kayong mga naninirahan sa kalangitan!

Ngunit nakakakilabot ang sasapitin ninyo,

kayong mga nasa lupa at dagat

sapagkat bumaba na sa inyo ang diyablo.

Siyaʼy puno ng galit

sapagkat alam niyang ang oras niya

ay maikli na lamang.”

13Nang makita ng dragon na itinapon na siya sa lupa, tinugis niya ang babaeng nanganak ng sanggol na lalaki.

14Ngunit binigyan ang babae ng dalawang pakpak na tulad sa malaking agila upang makalipad sa isang lugar sa ilang na inihanda para sa kanya. Doon siya aalagaan sa loob ng tatloʼt kalahating taon, malayo at ligtas sa dragon.

15Kaya mula sa bibig ng dragon, nagbuga ito ng tubig, na parang ilog upang tangayin ang babae sa agos nito.

16Ngunit tinulungan ng lupa ang babae. Bumuka ang bibig nito at hinigop ang tubig na galing sa bibig ng dragon.

17Lalo pang nagalit ang dragon kaya nilusob niya ang iba pang mga anak ng babae. Itoʼy walang iba kundi ang mga taong sumusunod sa mga utos ng Diyos at sa mga katotohanang itinuro ni Hesus.

18At tumayo ang dragon sa tabi ng dagat.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.