Mga Taga-Roma 9

Ang Pagdadalamhati ni Pablo Dahil sa mga Israelita

1Ngayon, bilang mananampalataya kay Kristo, may sasabihin ako sa inyo. Totoo ito at hindi ako nagsisinungaling. Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ang aking konsensiya ang nagpapatunay na

2labis akong nalulungkot at nababalisa

3dahil sa mga kalahi at kababayan kong Hudyo. Kung puwede lang sanaʼy ako na lang ang sumpain ng Diyos at mahiwalay kay Kristo, maligtas lang sila.

4Bilang mga Israelita, itinuring sila ng Diyos na kanyang mga anak. Ipinakita niya sa kanila ang kanyang kadakilaan. Gumawa ang Diyos ng mga kasunduan sa kanila at ibinigay rin ang Kautusan sa kanila. Tinuruan sila ng tunay na pagsamba at maraming ipinangako ang Diyos sa kanila.

5Ang kanilang mga ninunoʼy mga pinili ng Diyos, at sa kanilang lahi nagmula ang Mesias nang siyaʼy maging tao. Siya ang Diyos na makapangyarihan sa lahat na dapat purihin magpakailanman! Amen.

Ang Pagpili ng Diyos sa Israel

6Hindi ito nangangahulugan na hindi natupad ang mga pangako ng Diyos sa lahi ni Israel dahil hindi sila sumampalataya, sapagkat hindi lahat ng mga Israelita ay kabilang sa mga taong pinili ng Diyos.

7At hindi rin naman lahat ng nagmula kay Abraham ay maituturing na mga anak ni Abraham. Sapagkat sinabi ng Diyos kay Abraham, “Si Isaac na iyong anak ang pagmumulan ng ibibilang na lahi mo.”[#9:7 Gen. 21:12.]

8Ang ibig sabihin, hindi lahat ng anak ni Abraham ay maituturing na anak ng Diyos, kundi ang mga anak lamang na ipinanganak ayon sa pangako.

9Sapagkat ganito ang ipinangako ng Diyos sa kanya, “Babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki si Sara.”[#9:9 Gen. 18:10, 14.]

10Ang anak na ito ay ang ating ninunong si Isaac. At nangyari nga na ang asawa niyang si Rebeca ay nagdalang-tao ng kambal.

11-12Bago pa man ipanganak ang kambal, sinabi na ng Diyos kay Rebeca, “Maglilingkod ang nakatatanda sa nakababatang kapatid.” Sinabi ito ng Diyos noong wala pa silang nagagawang mabuti o masama, bilang patunay na ang pagpili niya ay batay sa sarili niyang pasya at hindi sa mabubuting gawa ng tao.[#9:11‑12 Gen. 25:23.]

13Gaya nga ng sinabi ng Diyos sa Kasulatan, “Minahal ko si Jacob, ngunit si Esau ay kinapootan ko.”[#9:13 Mal. 1:2‑3.]

14Kung gayon, ano ang dapat nating sabihin? Masasabi ba nating hindi makatarungan ang Diyos? Aba, hindi!

15Sapagkat sinabi niya kay Moises:

“Mahahabag ako sa gusto kong kahabagan;

maaawa ako sa gusto kong kaawaan.”

16Kaya ang pagpili ng Diyos ay hindi batay sa kagustuhan ng tao o sa paggawa niya ng mabuti, kundi sa awa ng Diyos.

17Sapagkat ayon sa Kasulatan, sinabi ng Diyos sa Faraon, “Ginawa kitang hari para sa layuning ito: upang maipakita ko ang aking kapangyarihan sa pamamagitan mo at makilala ang pangalan ko sa buong mundo.”[#9:17 Exo. 9:16.]

18Nangangahulugan ito na kinaaawaan ng Diyos ang gusto niyang kaawaan, at pinatitigas niya ang puso ng iba kaya hindi na talaga sila nakikinig.

19Maaaring may magsabi sa akin, “Kung ganoon, bakit pa niya pinapanagot ang mga tao sa kanilang mga kasalanan? Ginagawa lang naman nila ang ayon sa kanyang kalooban?”

20Ngunit sino ka para magreklamo sa Diyos? Tayoʼy mga nilikha lang ng Diyos, kaya hindi tayo dapat magreklamo. Nararapat bang sabihin ng nilikha sa lumikha sa kanya, “Bakit mo ako nilikha nang ganito?”[#9:20 Isa. 29:16; 45:9, 10.]

21Tulad ng isang magpapalayok, may karapatan siyang hubugin ang putik ayon sa gusto niya. May karapatan siyang gumawa ng dalawang uri ng sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik: Ang isa ay espesyal, at ang isa naman ay karaniwan lang.

22Ganoon din naman ang Diyos. Nais niyang ipakita ang kanyang kapangyarihan at matinding galit sa mga makasalanan, subalit minabuti niyang tiisin muna nang buong tiyaga ang mga taong dapat sanang parusahan at lipulin.

23Ginawa niya ito upang ipakita kung gaano siya kadakila sa mga taong kinaaawaan niya, na inihanda na niya noon pa para sa kaluwalhatian.

24Itoʼy walang iba kundi tayong mga tinawag niya, hindi lang mula sa mga Hudyo kundi mula rin sa mga Hentil.

25Ito ang sinabi ng Diyos sa aklat ni Hosea:

“Ang dating hindi ko bayan

ay tatawagin kong, ‘bayan ko’.

At ang dating hindi ko mahal

ay tatawagin kong ‘mahal ko’.”

26At,

“Sa mismong lugar

kung saan silaʼy sinabihang,

‘Kayoʼy hindi ko mga mamamayan,’

silaʼy tatawaging,

‘Mga anak ng Diyos na buháy.’ ”

27Tungkol naman sa mga Israelita, sinabi ni Propeta Isaias:

“Kahit maging kasindami man ng buhangin

sa tabing-dagat ang lahi ni Israel,

kaunti lang ang maliligtas sa kanila.

28Sapagkat mabilis at matindi

ang gagawing paghatol

ng Panginoon sa mundo.”

29Sinabi rin ni Isaias,

“Kung ang Panginoong Makapangyarihan

ay walang itinira sa ating lahi,

natulad na sana tayo

sa Sodoma at Gomora.”

Ang Hindi Pagsampalataya ng Israel

30Ano ngayon ang ating masasabi? Ang mga Hentil na hindi nagsikap na maging matuwid ay itinuring ng Diyos na matuwid nang dahil sa kanilang pananampalataya.

31Ngunit ang sambayanang Israel na nagsikap na maituring na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod nila sa Kautusan ay nabigo.

32Bakit sila nabigo? Sapagkat nagtiwala sila sa kanilang mga gawa at hindi sila sumampalataya kay Hesu-Kristo. Natisod sila sa “batong nakakatisod.”

33Gaya nga ng sinabi ng Diyos sa Kasulatan:

“Maglalagay ako sa Zion

ng batong katitisuran sa mga tao,

at magpapadapa sa kanila.

Ngunit hindi mapapahiya

ang mga sumasampalataya sa kanya.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.