1Noong panahong ang mga hukom pa ang namumuno sa Israel, nagkaroon ng taggutom sa lupain. May isang lalaking taga-Bethlehem ng Juda na pumunta sa Moab kasama ang asawa niya at dalawang anak na lalaki para doon muna manirahan.[#1:1 Hindi lang sila hukom, kundi sila rin ay mga pinuno at kumander ng mga sundalo, dahil wala pang mga hari noon.]
2Ang pangalan ng lalaki ay Elimelec, at ang pangalan naman ng asawa niya ay Naomi; at ang dalawang anak nila ay sina Mahlon at Kilion. Sila ay mula sa angkan ni Efrata sa Bethlehem na sakop ng Juda.
Habang naroon sila sa Moab,
3namatay si Elimelec, kaya si Naomi at ang dalawa niyang anak na lalaki ang naiwan.
4Nag-asawa ang kanyang mga anak ng mga Moabita. Ang pangalan ng isa ay Orpa at Ruth naman ang isa. Pagkalipas ng mga sampung taon,
5namatay sina Mahlon at Kilion, kaya si Naomi na lang ang naiwan.
6Nabalitaan ni Naomi sa Moab na kinalinga ng Panginoon ang bayan niya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mabuting ani, kaya naghanda siya at ang mga manugang niya para bumalik sa Juda.
7At habang naglalakbay na sila pabalik sa Juda,
8sinabi ni Naomi sa dalawang manugang niya, “Bumalik na lang kayo sa inyong mga ina. Pagpalain nawa kayo ng Panginoon dahil sa mabuti ninyong pakikitungo sa mga yumao ninyong asawa at sa akin.
9At loobin sana ng Panginoon na makapag-asawa kayong muli para magkaroon kayo ng maayos na kalagayan sa panibagong tahanan.”
Pagkatapos, hinalikan sila ni Naomi. Humagulgol sila
10at sinabi sa kanya, “Sasáma kami sa inyo sa pagbalik nʼyo sa mga kababayan ninyo.”
11-12Pero sinabi ni Naomi, “Umuwi na kayo, mga anak. Bakit pa kayo sasáma sa akin? Magkakaanak pa ba ako ng mga lalaking mapapangasawa ninyo? Umuwi na kayo, mga anak, sapagkat matanda na ako at hindi na magkakaasawa pa. Ipagpalagay man natin na makapag-asawa nga ako ngayong gabi at magkaanak pa,
13hihintayin nʼyo ba silang lumaki? Hindi ba kayo mag-aasawa dahil sa kanila? Hindi maaari mga anak. Ang totoo, mas mapait ang sinapit ko kaysa sa inyo, dahil pinahirapan ako ng Panginoon .”
14At umiyak na naman sila nang malakas. Pagkatapos, hinalikan ni Orpa ang biyenan niya at umuwi, habang si Ruth naman ay nagpaiwang kasama ni Naomi.[#1:14 : Itoʼy nasa Septuagint pero wala sa Hebreo.]
15Sinabi ni Naomi, “Bumalik na ang bilas mo sa mga kababayan niya at sa kanyang diyos, kaya sumáma ka na rin sa kanya.”[#1:15 : O mga diyos.]
16Ngunit sumagot si Ruth, “Huwag po ninyo akong piliting iwan kayo o talikuran, dahil kung saan kayo pupunta, doon din ako pupunta, at kung saan kayo titira, doon din po ako titira. Ang inyong mga kababayan ay magiging aking mga kababayan, at ang inyong Diyos ay Diyos ko rin.
17Kung saan kayo mamamatay, doon din po ako mamamatay at ililibing. Parusahan nawa ako ng Panginoon nang mabigat kapag humiwalay ako sa inyo, maliban na lang kung ang kamatayan na ang maghihiwalay sa ating dalawa.”
18Nang makita ni Naomi na desidido si Ruth na sumáma sa kanya, tumahimik na lang siya.
19Kaya nagpatuloy silang dalawa sa paglalakbay hanggang sa nakarating sila sa Bethlehem. Nabigla ang mga tao roon sa kanilang pagdating. Sinabi ng mga babae, “Si Naomi ba talaga ito?”
20Sinabi ni Naomi sa kanila, “Huwag nʼyo na akong tawaging Naomi, kundi tawagin ninyo akong Mara, dahil pinapait ng Diyos na Makapangyarihan ang buhay ko.[#1:20 : Ang ibig sabihin, masarap.; #1:20 : Ang ibig sabihin, mapait.]
21Pag-alis ko rito ay nasa sa akin ang lahat, pero ibinalik ako ng Panginoon nang walang-wala. Kaya huwag na ninyo akong tawaging Naomi, dahil pinahirapan ako ng Makapangyarihang Panginoon .”
22Nagsisimula pa lang ang anihan ng sebada nang dumating si Naomi sa Bethlehem kasama ang manugang niyang si Ruth na Moabita.[#1:22 : Sa Ingles, “barley.”]