Ecclesiastico 23

1Panginoon, aking Ama, kayo po ang may hawak ng aking buhay;

huwag ninyo akong pabayaan sa kanilang binabalak,

at nang dahil dito'y mapahamak ako.

2Panginoon, bigyan po ninyo ako ng Karunungan,

upang mapigil ko ang aking pag-iisip at maituwid ko ang aking mga hangarin.

Huwag ko nawang makaligtaan ang aking mga kamalian;

huwag ko nawang palampasin ang aking mga kasalanan.

3Sa gayon, hindi na darami ang aking mga pagkakamali,

at hindi na madaragdagan ang aking mga pagkakasala.

Hindi na ako mahuhulog sa kamay ng aking mga kaaway,

at hindi na nila pagtatawanan ang kawawa kong kalagayan.

4Panginoon, aking Ama, Diyos ng aking buhay,

huwag po ninyong ipahintulot na ako'y maging palalo sa pagtingin.

5Ilayo po ninyo ako sa masasamang hilig.

6Huwag ninyong ipahintulot na pagharian ako ng kabuktutan at kahalayan

at alipinin ng mga kahiya-hiyang pagnanasa.

Panunumpa

7Pakinggan ninyo, mga anak, itong aking ituturo;

ang sinumang susunod rito ay hindi mapapariwara.

8Ang makasalanan ay nahuhuli sa sariling dila,

at iyon din ang ikinapapahamak ng palalo at lapastangan.

9Huwag ninyong uugaliin ang panunumpa,[#Mt. 5:34; San. 5:12.]

at huwag laging babanggitin ang pangalan ng Banal na Diyos.

10Hindi maaaring hindi magkaroon ng latay

ang aliping palaging hinahagupit.

Gayundin naman, hindi maaaring hindi magkasala

ang taong laging nanunumpa at bumabanggit sa pangalan ng Diyos.

11Dumarami ang ipinagkakasala ng taong laging nanunumpa,

kaya't ang kanyang sambahayan ay hindi na hinihiwalayan ng sakuna.

Kapag di niya tinupad ang sinumpaan, ito'y kasalanan;

kapag ipinagwalang-bahala niya ang sinumpaan, ito'y dobleng kasalanan.

At kapag siya'y nanumpa nang hindi naman kinakailangan, kasalanan pa rin.

Kaya't sapin-sapin ang kapahamakang dumarating sa kanyang sambahayan.

Ang Masagwang Pananalita

12May mga pangungusap na nakakatulad ng kamatayan;

huwag nawang marinig iyon sa lahi ni Jacob.

Ang may paggalang sa Diyos ay hindi gumagawa ng gayon,

at di nagugumon sa kasalanan.

13Huwag ninyong pamimihasahin ang inyong bibig sa magaspang at maruming pananalita,

sapagkat iyan ay kasalanan.

14Alalahanin mo ang iyong ama at ina,

kapag nasa kapulungan ka ng mga dakilang tao.

Baka makalimot ka sa sarili,

at makagawa ka ng kahangalan.

Pagkatapos, nanaisin mong hindi ka na isinilang,

at susumpain mo ang araw ng iyong kapanganakan.

15Ang taong nasanay sa pagsasalita ng masakit

ay hindi na mababago habang buhay.

Kasalanan sa Kahalayan

16May dalawang uri ng tao na patung-patong ang kasalanan,

at may ikatlo na humihingi ng parusa ng Diyos.

Ang lagablab ng kahalayan ay parang marubdob na apoy

na hindi uurong ang ningas hanggang kamatayan.

Ang nakikiapid sa kanyang kamag-anak,

ito'y hindi titigil hanggang hindi siya natutupok sa apoy na iyon.

17Ang taong hayok sa laman; ang ganitong tao'y walang patawad sa babae,

at di siya matitigil hanggang kamatayan.

18Ang lalaking nangangalunya;

sinasabi niya sa sarili, “Sino ang nakakakita sa akin?

Ako'y nasa gitna ng dilim! Natatakpan ako ng mga dingding;

walang nakakakita sa akin! Anong dapat kong ikatakot?

Hindi na mapapansin ng Kataas-taasang Diyos ang aking mga kasalanan.”

19Wala siyang kinatatakutan kundi ang mata ng tao.

Hindi niya naiisip na ang paningin ng Panginoon

ay ilang libong higit na maliwanag kaysa sikat ng araw,

na minamasdan ng Panginoon ang lahat ng ginagawa ng tao,

at nakikita ang pinakatatagong lihim.

20Alam na ng Panginoon ang lahat bago pa lalangin ang mga ito,

at mananatiling alam niya matapos lalangin.

21Ang ganyang tao'y darakpin sa oras na hindi niya inaasahan,

at paparusahan sa harap ng buong bayan.

22Gayundin ang babaing nagtaksil sa asawa,

at nagkaanak sa ibang lalaki.

23Una, sumuway siya sa Kautusan ng Kataas-taasang Diyos;

ikalawa, nilapastangan niya ang kanyang asawa;

ikatlo, siya'y nangalunya,

at nagkaanak siya sa ibang lalaki.

24Ang ganyang babae ay paparusahan sa harap ng kapulungan,

at pati ang mga anak niya'y madaramay.

25Hindi sila igagalang sa lipunan,

at hindi darami ang kanilang angkan.

26Susumpain ang kanyang alaala,

at hindi na mapapawi kailanman ang kanyang pagkapahiya.

27Sa gayon, malalaman ng mga maiiwan,

na walang kasimbuti ang gumalang sa Panginoon,

at walang kasing tamis ang sumunod sa kanyang mga utos.

© 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society