Ecclesiastico 27

1Maraming nandaraya sa hangad na tumubo

at upang yumaman, nagiging walang puso.

2Ang pandaraya'y mahirap mawala sa pagbibilihan;

para itong kahoy na nakatusok sa pagitan ng dalawang bato.

3Ang sambahayan ng isang tao'y madaling babagsak,

kung hindi matibay ang kanyang paggalang sa Diyos.

Ang Pagsasalita

4Kapag niliglig mo ang bistay, maiiwan ang magaspang;

kapag ang tao'y nagsalita, kapintasa'y lumilitaw.

5Ang gawa ng magpapalayok ay sa hurno nasusubok,

ang pagkatao ng sinuma'y makikita sa kanyang pangangatuwiran.

6Sa bunga ng punongkahoy nakikilala ang ginagawang pag-aalaga;[#Mt. 7:17; 12:33; Lu. 6:44.]

sa pangungusap ng isang tao, damdamin niya'y nahahalata.

7Huwag mo munang pupurihin ang isang tao hanggang hindi nagsasalita,

sapagkat doon mo pa makikilala ang tunay niyang puso't diwa.

Ang Katapatan

8Kung ang hangad mo'y katarungan, ito'y iyong makakamtan,

at maisusuot mo pa ito, gaya ng mamahaling balabal.

9Ang ibong magkakatulad, sama-sama sa hapunan;

ang katapatan ay nagbubunga ng katapatan.

10Ang kasalana'y naghihintay sa gumagawa ng masama,

parang leong nag-aabang ng anumang masisila.

Ang Usapang Walang Kabuluhan

11Ang pangungusap ng makadiyos ay palaging may katuturan,

ngunit ang sinasabi ng hangal ay pabagu-bagong parang buwan.

12Kapag ang kausap mo'y mga hangal, magmadali kang umalis;

ngunit kapag marurunong, manatili kang nakikinig.

13Masakit sa pandinig ang usapan ng mga hangal,

wala na silang napapag-usapan kundi puro kalaswaan.

14Nakakapanindig ng balahibo ang kanilang pagmumurahan;

at kung sila'y nagtatalo, tainga ninyo'y inyong takpan.

15Humahantong sa pagdanak ng dugo ang pag-aaway ng mga palalo.

Nakakasakit pakinggan ang kanilang pagmumurahan.

Ang Pagbubunyag ng Lihim

16Ang di marunong mag-ingat ng lihim ay hindi mapagkakatiwalaan,[#Kaw. 20:19; 25:9.]

at hindi siya makakakita ng tunay na kaibigan.

17Mahalin mo ang kaibigan mo at maging tapat ka sa kanya;

ngunit kung naibunyag mo ang kanyang lihim, huwag ka nang lalapit sa kanya.

18Sapagkat pinatay mo na ang inyong pagkakaibigan,

gaya ng pagpatay ng isang tao sa kanyang kaaway.

19Pinalayo mo ang iyong kaibigan, parang ibong nakawala sa iyong mga kamay.

Hindi mo na siya mahuhuli uli magpakailan pa man.

20Huwag mo na siyang sundan, malayo na siya ngayon;

nagmamadali siya nang pagtakas, parang usang nakaalpas sa bitag.

21Ang sugat ay maaari pang gamutin,

ang kasalana'y maaari pang mapatawad;

ngunit ang pagsisiwalat ng lihim ay wala nang nalalabing lunas.

Ang Pagpapaimbabaw

22Ang taong malikot ang tingin ay masama ang binabalak,

at walang makakahadlang sa kanyang iniisip.

23Anong tamis niyang mangusap kapag siya'y kaharap,

kunwari'y hangang-hanga sa iyong sinasabi.

Ngunit sa talikura'y agad siyang nag-iiba,

at ang bawat sinabi mo'y pinauuwi sa masama.

24Wala akong kinamumuhiang tulad ng gayong tao,

at kasuklam-suklam din siya sa harap ng Panginoon.

25Kung bumato siya nang paitaas, sa ulo rin niya ang bagsak.

Kapag siya ay nanaksak, siya rin ay mapapahamak.

26Ang naghuhukay ng patibong ay malamang na mahulog doon,

ang nag-uumang ng bitag ay malamang na siyang mahuli.

27Ang taong gumagawa ng masama ay ginagantihan din ng masama,

at hindi niya alam kung saan ito magmumula.

28Ang palalo ay mahilig sa panunuya at panlalait.

Ang ganting laan sa kanya'y parang leong nag-aabang.

29Ang natutuwa sa kasawian ng makadiyos ay mahuhulog sa bitag;

at bago sumapit ang kamatayan, malilibing sila sa hirap.

Ang Galit

30Ang poot at pagngingitngit ay dapat ding kamuhian;

ngunit sa makasalanan, iyan ay pangkaraniwan.

© 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society