Ecclesiastico 30

Ang Pagpapalaki sa Anak

1Ang nagmamahal sa anak ay malimit gumamit ng pamalo,

upang ang anak ay maging kasiyahan niya paglaki nito.

2Ang mahigpit sa anak ay makikinabang sa huli;

sa kanyang mga kaibigan, ito'y maipagmamalaki.

3May naipagmamalaki sa mga kaibigan ang mabuting magturo sa anak,

at kinaiinggitan pa ng kanyang mga kaaway.

4Kahit na siya'y patay na, wari'y buháy pa rin siya,

sapagkat ang kanyang naiwan ay tunay na larawan niya.

5Habang buháy siya sa daigdig, ang dulot ng anak ay kasiyahan,

at pagsapit ng kamatayan, papanaw siyang walang agam-agam.

6Ang iniwan niyang anak ang maghihiganti sa kanyang mga kaaway,

at ito rin ang magbabayad ng utang na loob niya sa mga kaibigan.

7Ang nagpapalayaw sa anak ay lubhang masasaktan,

at magigimbal ang puso niya sa bawat daing.

8Ang kabayong hilaw-sa-turo ay mahirap na pigilin,

ang anak na pinalayaw ay mahirap na supilin.

9Kapag pinalayaw mo ang anak, ikaw ang tatakutin;

makipagbiro ka sa kanya at ikaw ang paluluhain.

10Huwag kang makipagtawanan sa kanya, kung hindi mo nais lumuhang kasama niya,

at magngalit ang ngipin sa sama ng loob.

11Huwag mo siyang pabayaang gawin ang lahat ng magustuhan,

at huwag mong palalampasin ang kanyang mga pagkukulang.

12Disiplinahin mo siya habang bata pa;

paluin mo kung kinakailangan

at kung hindi, lalaki siyang matigas ang ulo at suwail,

at wala kang mahihintay kundi kapighatian.

13Disiplinahin mo ang iyong anak at turuang magtrabaho,

kung hindi, pawang kahihiyan ang idudulot niya sa iyo.

Ang Kalusugan

14Mabuti pa ang maging dukha ngunit malakas ang katawan

kaysa maging mayaman na puro naman karamdaman.

15Mas mahalaga kaysa ginto ang kalusugan,

ang lakas ng katawan kaysa maraming kayamanan.

16Walang kayamanang maipapalit sa lusog ng katawan,

walang kasiyahang hihigit pa sa ginhawa ng kalooban.

17Mabuti pa ang mamatay kaysa mabuhay sa gitna ng pagdurusa,

mabuti pa ang mamayapa kaysa magkasakit nang matagal.

Tungkol sa mga Pagkain

18Ang masarap na pagkaing dulot sa walang ganang kumain,

ay parang pagkaing handog sa mga diyus-diyosan.

19Anong kabuluhan ng pagkaing handog sa diyus-diyosan

na hindi naman nakakakain o nakaaamoy?

Ganyan ang taong pinarusahan ng Panginoon,

20pinagmamasdan na lamang niya ang pagkain at napapabuntong-hininga,

gaya ng kapon na yumayakap sa dalaga at naghihinagpis sa panghihinayang.

Ang Kasayahan at Kalungkutan

21Huwag kang patangay sa kalungkutan,[#Manga. 11:9-10.]

at huwag mong pahirapan ang sarili sa malabis na pagdaramdam.

22Ang kagalakan ng puso ang siyang nagpapasigla sa tao,

at ang kaligayahan ang nagpapahaba ng buhay.

23Magsaya ka at mag-aliw;[#23 Sa ibang manuskrito ay .]

iwaksi mo nang malayo ang iyong mga kalungkutan.

Marami na ang napahamak dahil sa alalahanin,

at wala namang nakikinabang sa pamimighati.

24Ang inggit at poot ay nakapagpapaikli ng buhay,

at ang pag-aalala ay madaling nakapagpapatanda.

25Ang may masaya at magandang kalooban

ay maganang kumain at nasisiyahan dito.

© 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society