Ecclesiastico 41

Tungkol sa Kamatayan

1O kamatayan, anong pait ng iyong alaala

sa taong payapang nagpapasasa sa kanyang kayamanan.

Sa taong walang alalahanin at masagana sa lahat ng bagay,

sa taong malusog at maaari pang magpasasa sa masarap na pagkain.

2Ngunit anong laking kaaliwan ang idinulot mo sa iyong pagdating

sa taong nagdaralita at tinakasan na ng lakas,

sa taong iginupo na ng katandaan at mga alalahanin,

sa taong hindi na makakita at wala nang pag-asa.

3Huwag kang matakot sa hatol ng kamatayan,

alalahanin mong saklaw nito ang lahat: ang mga nauna sa iyo at ang mga darating pa.

4Ito ang itinalaga ng Panginoon sa lahat ng may buhay,

at sino kang tututol sa kalooban ng Kataas-taasang Diyos?

Mabuhay ka man nang sampu, sandaan o sanlibong taon,

hindi na iyan mahalaga sa daigdig ng mga patay.

Ang Kapalaran ng Masasama

5Ang mga anak ng makasalanan ay lahing kasuklam-suklam,

lahing walang isip, na nawiwiling makisalamuha sa mga makasalanan.

6Ang kanilang mana ay mauubos nang tuluyan,

at ang kanilang mga inapo ay hahamakin magpakailanman.

7Sisisihin ng kanyang mga anak ang isang makasalanang ama,

sapagkat nagdaranas sila ng kahihiyan nang dahil sa kanya.

8Kawawa kayo, mga hindi natatakot sa Diyos,

kayong lahat na tumalikod sa Kautusan ng Kataas-taasang Diyos.

9Kung kayo'y magkaanak, mapapahamak sila

at walang maiiwan sa inyo kundi kapighatian.

Ipagdiwang ang inyong pagbagsak;

at pagkamatay ninyo, kayo'y susumpain.

10Ang nanggaling sa lupa'y sa lupa rin magbabalik;

gayundin naman, ang hindi kumikilala sa Diyos ay sa kapahamakan naman masasadlak.

11Ang katawan ng tao ay pansamantala lamang,

ngunit ang mabuting pangalan ay mananatili magpakailanman.

12Pangalagaan mong mabuti ang iyong pangalan, sapagkat iyan ang maiiwan mo kapag ikaw ay namatay;

at ang halaga niya'y higit pa sa maraming kayamanan.

13Ang maginhawang buhay ay panandalian lamang,

ngunit ang mabuting pangalan ay magpakailanman.

Mga Dapat Ikahiya

14Mga anak, sundin ninyo ang aking aral at mananatili kayo sa kapayapaan.

Ano ang papakinabangin ninyo sa kayamanang nakabaon o kaya'y sa karunungang nakatago?

15Mas mabuti pa ang nagkukubli ng kanyang kamangmangan

kaysa nagtatago ng kanyang karunungan.

16Pahalagahan ninyo itong aking sasabihin

mga bagay na may kinalaman sa pagkahiya;

may pagkahiyang hindi nararapat

at may pagkahiya ring hindi napapanahon.

17Mahiya kang gumawa ng kahalayan sa harapan ng iyong ama't ina,

o magsabi ng kasinungalingan sa harap ng may kapangyarihan.

18Mahiya kang lumabag sa batas sa harapan ng hukom o pinuno ng bayan,

o ng kalapastanganan sa Diyos sa kapulungan ng buong bayan.

Mahiya kang magtaksil sa kasama o kaibigan,

19o magnakaw kaya sa iyong mga kapitbahay.

Ikahiya mo ang di pagtupad sa kasunduan o sa sinumpaan,

at ang magaspang na kilos sa harap ng pagkain.

Ikahiya mo ang karamutan kapag ikaw ay hinihingan,

20o ang pagkalimot bumati sa mga bumabati sa iyo.

Ikahiya mo ang pagtitig sa isang mahalay na babae,

21at ang di mo paglingap sa isang kamag-anak.

Ikahiya mo ang pagkuha sa kaparte ng ibang tao,

o ang panliligaw sa asawa ng iba.

22Ikahiya mo ang pagpatol sa iyong utusang babae,

kaya't huwag kang lalapit kailanman sa higaan nito.

Ikahiya mo ang panlalait sa iyong mga kaibigan,

o ang panunumbat sa taong iyong tinulungan.

23Ikahiya mo ang pagkakalat ng mga narinig mong usapan,

o ang pagsisiwalat ng lihim na ipinagkatiwala sa iyo.

24Sa gayon, magkakaroon ka ng wastong kahihiyan,

at kalulugdan ka ng lahat ng tao.

© 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society