1Kay inam pagmasdan nitong kalawakang walang bahid ulap,
sadyang di maunawaan itong kalangitan sa ganda at dilag!
2Maningning na araw ay nagpapahayag sa kanyang paglitaw,
na kahanga-hanga ang bawat nilikha ng Kataas-taasang Diyos.
3Sa matinding init na mula sa kanya'y walang makatagal,
ang balat ng lupa'y kanyang tinitigang sa katanghalian.
4Ang apoy sa hurno upang paningasin ay dapat gatungan,
ngunit itong araw ay tatlong ibayo ang init na taglay.
Sa kanyang pagsikat parang nag-aapoy ang kabundukan,
maningning na sinag mula sa kanya ay nakakasilaw.
5Dakila itong Panginoong lumikha sa araw,
sa kanyang utos, nilalandas ang patutunguhan.
6Ang Panginoon din ang lumalang sa buwan,
na siyang panukat sa pagkakahati-hati ng panahon.
7Pananda sa pagdiriwang ng mga kapistahan,
tanglaw na lumiliit at lumalaki batay sa kapanahunan.
8Sa kanyang pag-urong at pagsulong binibilang ang mga buwan,
kahanga-hanga ang walang patid niyang pagbabago.
Patnubay ng di mabilang na mga tanglaw,
na nagliliwanag sa rurok ng kalangitan.
9Kariktan ng langit ang mga bituin,
palamuting nagniningning doon sa kaitaasan.
10Sa isang salita ng Diyos, lumilitaw sila sa pisngi ng langit,
at walang pagod na nagbabantay sa buong magdamag.
11Masdan ninyo ang bahaghari at purihin ang dito ay lumikha,
kaakit-akit ang makulay niyang kagandahan.
12Arko na nakaguhit sa kalawakan ng langit,
hinubog ng mga daliri ng Poong Maykapal.
13Sa utos ng Panginoon umuulan ng yelo
at nagmamadali ang nag-aapoy na kidlat upang tupdin ang kanyang hatol.
14Kapag binuksan niya ang kanyang imbakan,
naglalabasan ang mga ulap na parang mga ibon.
15Sa kanya ring utos, namumuo ang tubig na kipkip ng ulap,
at nagiging mga butil ng yelo na bumabagsak sa lupa.
16Sa pagdating niya'y nanginginig ang mga bundok[#16 Ganito ang nasa tekstong Griego. Sa tekstong Hebreo ay .]
at sa dagundong ng kanyang tinig nayayanig ang lupa.
17Kapag gusto niya'y agad umiihip ang hanging habagat,
at humahagibis na dumarating ang buhawi at bagyo.
Sa utos din niya'y dagling pumapatak ang yelo, tulad ng pagdapo ng mga ibon,
at dumaragsa sa lupang parang makapal na balang.
18Nakakasilaw sa mata ang busilak niyang kaputian,
at nakakapagtaka ang marahan niyang pagpatak.
19Pinatitigas niya ang hamog sa pamamagitan ng lamig at isinasabog sa lupa na parang pinong asin,
at ito'y namumuo, tulad sa bulaklak na yelong kumikislap.
20Kapag pinaihip niya ang malamig na hangin mula sa hilaga,
nagiging matigas na yelo ang ibabaw ng tubig.
Anupa't ang lahat ng mga ilog at lawa,
wari'y natatakpan ng baluting kristal.
21Ang mga kabundukang sinalanta ng tag-araw,
at ang mga halamanang nalanta sa init,
22ay muli niyang pinananariwa pagpatak ng ulan;
at ang init ay napapalitan ng hamog na nagbibigay-buhay.
23Siya rin, sa kanyang karunungan, ang nagpatahimik sa kalaliman ng dagat,
at nagpalitaw ng mga pulo sa gitna ng tubig.
24Ang mga naglalakbay naman sa malawak na karagatan ang nagsasalaysay ng mga kagulat-gulat na panganib doon,
tayo nama'y mamamangha sa pakikinig.
25May nakikita sila roon na mga kamangha-manghang nilalang,
naglalakihang hayop-dagat at lahat ng nilikhang naninirahan sa tubig.
26Sa kapangyarihan niya, nagagawa niya ang bawat maibigan,
at sa bisa ng kanyang salita ang lahat ay nagkakaisa.
27Hindi natin matatapos baybayin ang lahat niyang ginawa,
kaya't wala na tayong masasabi pa kundi: “Ang Panginoon ang kabuuan ng lahat ng bagay.”
28Paano natin siya pupurihin nang sapat,
yamang siya, ang Dakilang Diyos, ay higit sa lahat niyang nilalang?
29Siya ang maningning at dakilang Panginoon,
kahanga-hanga ang kanyang kapangyarihan.
30Purihin ninyo siya nang buong makakaya,
at ang lahat ng iyan ay kapos pa rin upang dakilain siya.
Tipunin ninyo ang buo ninyong lakas at siya'y walang patid na papurihan,
at ang lahat ay kapos pa rin sa kanyang kamahalan.
31Walang nakakita sa kanya upang siya'y mailarawan,
walang makapagpaparangal sa kanya nang sapat.
32Gaano ang nalalaman natin tungkol sa kanya?
Higit na marami ang mga hiwagang di natin nalalaman.
33Siya ang Panginoong may gawa sa lahat,
siya ang nagkakaloob ng karunungan sa mga umiibig sa kanya.