1Si Josue na anak ni Nun ay isang magiting na mandirigma,[#Jos. 1:1–11:23.; #1 Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng pangalang ito'y “ang Panginoon ang nagliligtas”.]
siya ang kahalili ni Moises sa pagkapropeta.
Pinatunayan niya ang isinasaad ng kanyang pangalan—
naging tagapagligtas siya ng mga hinirang ng Diyos.
Nilupig niya ang mga bansang lumaban sa kanila,
at sinakop ang lupaing ipinangako sa Israel.
2Kahanga-hanga siya nang kanyang hawakan ang tabak
at iwasiwas iyon laban sa mga lunsod ng kaaway.
3Walang makatagal ng pakikipaglaban sa kanya
sapagkat ipinaglalaban niya ang Panginoon.
4Hindi ba't pinigil niya ang takbo ng araw,
kaya't ang maghapon ay naging kasing haba ng dalawang araw?
5Tumawag siya sa Kataas-taasang Diyos na Makapangyarihan,
nang siya'y sinasalakay ng kaaway mula sa lahat ng panig.
At bilang tugon sa kanyang dalangin,
bumagsak sa kanyang kalaban ang isang napakalakas na ulan ng yelo.
6At nilipol ng Diyos ang bansang iyon,
samantalang sila'y nagsisitakas pababa sa gulod ng Beth-horon;
sa gayo'y nakilala ng mga bansa ang kapangyarihan ni Josue,
at napatunayang siya'y kinukupkop ng Panginoon.
7Si Josue ay laging masunurin sa Diyos na Makapangyarihan,[#Bil. 14:6-10; 11:21; Jos. 14:6-11.]
tapat sa kanya mula pa noong panahon ni Moises.
Sila ni Caleb na anak ni Jefune ang nanindigan
laban sa paghihimagsik ng buong bayan.
Pinigil nila ang mga ito sa pagkakasala,
at pinatahimik sa kanilang mga reklamo.
8Kaya naman sila lamang dalawa ang natirang buháy
sa 600,000 Israelita na umalis sa Egipto,
at nakapasok sa lupaing ipinangako sa kanila—
lupain na mayaman at sagana sa lahat ng bagay.
9Binigyan ng Panginoon si Caleb ng kapangyarihan,
at ito'y tinaglay niya hanggang sa kanyang katandaan,
kaya't nasakop pa niya ang mga lupain sa kaburulan.
Magpahanggang ngayon naroon pa ang kanyang mga angkan.
10Sa gayon, nakita ng buong bayang Israel
na mabuti ang ibinubunga ng pagiging tapat sa Panginoon.
11Nariyan din ang mga hukom, bawat isa'y nabantog noong kanyang kapanahunan,[#Huk. 1:1–16:31.]
mga lalaking may pusong laging tapat
at di nagtaksil sa Panginoon kailanman.
Purihin ang kanilang alaala!
12Nawa'y manariwa uli ang mga buto nila sa libingan,
at muling mabuhay ang mararangal nilang pangalan
sa pamamagitan ng kanilang mga supling.
13Si Samuel ay kinalulugdan ng Panginoon.[#1 Sam. 3:19-20; 7:9-11; 10:1; 12:3; 16:13; 28:18-19.]
Bilang propeta ng Diyos, itinatag niya ang kaharian
at siya ring humirang sa mga maghahari sa Israel.
14Pinamahalaan niya ang buong Israel ayon sa Kautusan ng Panginoon,
at sa panahon ng kanyang pamumuno, itinaguyod ng Panginoon ang Israel.
15Sa pamamagitan ng kanyang katapatan ipinakita niyang siya'y isang tunay na propeta,
at ang lahat ng ipinahayag niya'y napatunayang totoo.
16Nang siya'y paligiran ng mga kaaway,
tumawag siya sa Panginoong Makapangyarihan sa Lahat;
naghandog siya ng isang tupang hindi pa naiwawalay.
17Bilang tugon ng Panginoon,
dumagundong ang kulog mula sa kalangitan.
18Nilipol ng Panginoon ang mga pinuno ng Tiro
at ang lahat ng mga haring Filisteo.
19Bago sumapit ang panahon ng kanyang pagkamatay,
sumumpa si Samuel sa harap ng Diyos at ng hari:
“Hindi ako kumuha ng ari-arian ninuman,
kahit isang pares ng sapatos man lamang.”
At wala rin namang nagparatang sa kanya at walang nagpasinungaling sa kanyang sinabi.
20At kahit nang siya'y sumakabilang-buhay na,
ipinahayag pa rin niya sa hari ang nalalapit nitong kamatayan;
at kahit nga siya'y patay na, nangusap siya bilang propeta,
upang pawiin ang kasamaan ng kanyang bayan.