The chat will start when you send the first message.
1Sumunod na lumitaw si Elias na parang apoy,[#1 Ha. 17:1-24; 18:38; 19:15-16; 2 Ha. 1:10-16; 2:11; Mal. 4:5-6.]
parang sulong nagliliyab ang kanyang mga salita.
2Dahil sa alab ng kanyang galit sa kanilang kasamaan,
pinadalhan niya sila ng taggutom, at marami sa kanila ang nangamatay.
3Sa pangalan ng Diyos, pinigil niya ang ulan,
at tatlong ulit siyang nagpaulan ng apoy.
4Kagila-gilalas ang iyong mga kababalaghan, Elias!
Sino ang makakatulad sa mga ginawa mo?
5Binuhay mong muli ang isang patay;
inagaw mo siya sa kamatayan sa ngalan ng Kataas-taasang Diyos.
6Ibinagsak mo ang mga hari at pinukaw ang pagtulog ng mga maharlika,
at pinapunta mo sila sa kanilang kamatayan.
7Ikaw ang nakarinig ng mga babala ng Diyos doon sa Bundok ng Sinai,
at pangakong parusa para sa kanyang mga kaaway.
8Ikaw din ang nagtalaga sa mga haring pinili para maghiganti,
at sa propetang hahalili sa iyo.
9Sa wakas, iniakyat ka sa langit ng isang ipu-ipo,
lulan ng isang karwaheng hila ng mga kabayong nag-aapoy.
10Nasusulat na ikaw ay babalik sa takdang panahon,
upang paglubagin ang galit ng Diyos bago sumapit ang takdang araw;
para pagkasunduin ang mga magulang at mga anak,
at muling tipunin ang mga lipi ng Israel.
11Mapapalad ang mga makakakita sa iyo
at ang mga namatay na umiibig,
sapagkat kami rin ay tiyak na mabubuhay.
12Nang si Elias ay madala ng ipu-ipo,[#2 Ha. 2:9, 13.]
ang diwa niya'y minana ni Eliseo.
Hindi siya natakot kailanman sa sinumang hari,
at walang sinumang nakapagpasuko sa kanya.
13Walang gawaing hindi niya makayang gawin,[#2 Ha. 13:20-21.]
at nang mamatay, pati bangkay niya'y nagpakita ng himala.
14Nang nabubuhay, gumawa siya ng maraming himala;
kahit nang mamatay, kapangyarihan niya'y kahanga-hanga.
15Sa kabila nito, hindi pa rin nagbalik-loob ang bayan,[#2 Ha. 18:11-12.]
ayaw nilang talikuran ang kanilang mga kasalanan,
kaya't sila'y pinalayas sa kanilang bansa
at pinapangalat sa buong daigdig.
Naiwan ang isang maliit na bahagi—ang Juda,
sa pamamahala ng sambahayan ni David.
16Ilan sa kanila'y naging kalugud-lugod sa Diyos,
ngunit ang iba'y lalong nagpakasama.
17Si Hezekias ang nagpatibay ng mga tanggulan ng lunsod,[#2 Ha. 20:20.]
at naglagay ng deposito ng tubig sa loob ng lunsod;
ipinabutas niya ang bato upang daanan ng tubig
at nagpahukay siya ng malalaking tipunan ng tubig.
18Noong panahon niya sumalakay si Senaquerib.[#2 Ha. 18:13-17.]
Sinugo nito ang kanyang kanang kamay mula sa Laquis
at pinagbantaan ang Zion;
sa kanyang kapalaluan, nilait pati ang Panginoon.
19Nasindak ang mga tao at nangatog sa matinding takot;
namighati silang lahat na parang babaing manganganak.
20Kaya't nanawagan sila sa Kataas-taasang Diyos,[#2 Ha. 19:15-20, 35.]
itinaas ang mga kamay sa mataimtim na dalangin.
Dininig ng Panginoon ang kanilang karaingan,
at sila'y iniligtas sa pamamagitan ni Isaias.
21Hinampas ng Diyos ang hukbo ng Asiria,
at sila'y pinuksa ng kanyang anghel sa pamamagitan ng salot.
22Sapagkat kinalugdan ng Panginoon si Hezekias,
naging matatag siya sa pagsunod sa landas ni David na kanyang ninuno.
Nakinig siya sa mga payo ni Isaias,
dakilang propeta na karapat-dapat pagtiwalaan.
23Sa panahon niya, pinabalik niya ang araw,[#2 Ha. 20:10-11.]
at pinahaba ang buhay ng mahal na hari.
24Sa bisa ng taglay niyang kapangyarihan, nakita niya ang mangyayari sa darating na panahon,
at inaliw niya ang Zion sa kanyang kapighatian.
25Inihayag niya ang mga magaganap bago dumating ang wakas ng panahon,
mga lihim na pangyayari, na hindi pa nagaganap.