Ecclesiastico 49

Si Josias

1Parang mabangong insenso ang pangalan ni Josias,[#2 Ha. 22:1; 22:11-13; 23:3, 25.]

insenso na tinimpla ng mahusay na manggagawa ng pabango;

parang pulot na kinawiwilihan ng lahat,

parang malambing na tugtugin sa isang handaan.

2Kinamuhian niya ang mga kasalanan ng bayan,

at winasak ang kanilang mga kasuklam-suklam na diyus-diyosan.

3Naging matatag ang kanyang katapatan sa Diyos,

at nanatiling maka-Diyos sa mga panahon ng kasamaan.

Si Jeremias

4Liban kina David, Hezekias at Josias,

nagpakasamang lahat ang mga hari ng Juda.

Tinalikuran nila ang Kautusan ng Kataas-taasang Diyos,

kaya't sa wakas, inalis sa kanila ang pagkahari.

5Inilipat ng Diyos sa iba ang kanilang kapangyarihan,

at ang karangalan nila'y ibinigay sa isang bayang dayuhan.

6Sinunog ng mga ito ang banal na lunsod,[#Jer. 1:4-10; 39:8.]

at iniwang parang ilang ang kanyang mga lansangan.

Ito'y ipinahayag na ni Jeremias noong una,

7sapagkat siya'y kanilang pinag-usig at inalimura,

bagaman siya'y hinirang na propeta mula pa sa tiyan ng ina

upang maggiba, magwasak at bumunot,

at upang magtayo, magbuo at magtanim.

Si Ezekiel

8Si Ezekiel ang nakakita ng kagila-gilalas na pangitain tungkol sa kaluwalhatian ng Diyos.[#Eze. 1:3-15; 14:14-20.]

Nakita niya iyon lulan ng isang karwahe na hila ng mga kerubin.

9Binanggit din niya si Job,

ang lalaking nanatili sa landas ng katuwiran.

Ang Labindalawang Propeta

10Tungkol naman sa labindalawang propeta,

nawa'y muling manariwa ang buto nila sa libingan.

Sapagkat dahil sa kanilang pananampalataya at pag-asa,

inaliw nila at pinalakas ang loob ng bansang Israel.

Si Zerubabel at si Josue

11Paano natin mapaparangalan nang sapat si Zerubabel?[#Ez. 3:2; Hag. 2:23.]

Siya'y naging parang singsing na pantatak sa daliri ng Panginoon,

12at gayundin si Josue na anak ni Jozadak.[#Hag. 1:1, 12.]

Noong panahon nila muling ibinangon ang Templo.

Ipinagtayo nila ang Panginoon ng isang tahanan

na nakatalagang maging maluwalhati magpakailanman.

Si Nehemias

13Kailangan ding alalahanin at parangalan si Nehemias;[#Neh. 6:15.]

siya ang muling nagbangon ng ating mga guhong muog;

siya ang naglagay ng mga pinto at tarangka niyon

at nagtayo ng ating mga tahanan.

Ang mga Patriarka

14Sa mga nabuhay sa daigdig, wala pang katulad si Enoc,

sapagkat siya'y buháy na dinala sa langit.

15Wala pa ring isinilang na katulad ni Jose,

ang pinakadakila sa kanyang mga kapatid at naging sandigan ng kanyang lahi;

pati ang kanyang mga buto ay pinarangalan.

16Dakila sina Shem, Set, at Enos,[#16 Ganito ang nasa tekstong Hebreo. Sa tekstong Griego ay .]

ngunit si Adan ang nangunguna sa lahat ng nilikha.

© 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society