The chat will start when you send the first message.
1“Diyos ng aking mga ninuno, O mahabaging Panginoon,[#1 Ha. 3:6-9; Kar. 7:7.]
ikaw po na lumikha ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng iyong salita.
2Sa iyong Karunungan, nilikha mo ang sangkatauhan
upang maghari sa sangnilikha,
3upang pamahalaan ang daigdig nang may kabanalan at katuwiran,
at pairalin ang katarungan nang may katapatan.
4Bahaginan mo po ako ng Karunungang nakaluklok sa tabi ng iyong trono,
at ibilang mo po ako sa iyong mga lingkod.
5Ako'y alipin mo, anak ng alipin mong babae,
isang taong mahina at maikli ang buhay.
Lubhang kakaunti ang pagkaunawa ko sa Kautusan at kung paano iyon papairalin.
6At kahit na ang isang tao ay maging ganap,
wala rin siyang magagawa kung wala siyang Karunungang nagmumula sa iyo.
7Hinirang mo po akong maging hari ng iyong bayan,
at maging hukom ng iyong mga anak.
8Iniutos mo sa aking magtayo ng isang templo sa iyong banal na bundok,
isang dambana sa Jerusalem, ang lunsod na iyong piniling tahanan.
Larawan ito ng makalangit na templong inihanda mo buhat pa sa simula.
9Sumasaiyo ang Karunungan at nalalaman niya ang iyong mga gawa,
sapagkat kasama mo siya nang likhain mo ang daigdig.
Alam niya kung ano ang iyong kinalulugdan,
kung ano ang mabuti at naaayon sa iyong mga utos.
10Isugo mo po siya mula sa kalangitan
at mula sa luklukan ng iyong karangalan.
Sa gayon, siya'y sasaakin at sasamahan ako sa aking ginagawa,
at ituturo niya sa akin kung ano ang kalugud-lugod sa iyo.
11Alam niya at nauunawaan ang lahat ng bagay.
Papatnubayan niya ang lahat ng kilos ko,
at iingatan ako sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
12Kung magkagayon, mapapamahalaan ko po ang bayan mo nang may katarungan,
at magiging karapat-dapat ako sa trono ng aking ama,
at magiging kalugud-lugod sa iyo ang aking mga gawa.
13“Sinong tao ang lubos na makakaunawa sa kaisipan ng Diyos?
Sino ang makakaalam sa kalooban ng Panginoon?
14Kapos ang kaisipan ng tao
at walang kasiguruhan ang aming mga panukala.
15Sapagkat ang aming kaluluwa ay binabatak na pababa ng aming katawang ang hantungan ay kamatayan.
Ang aming katawang lupa ay pabigat sa isipang punung-puno ng mga panukala.
16Nahihirapan kaming mahulaan man lamang ang nilalaman ng daigdig,
at malaman kung ano ang mga bagay sa paligid namin.
Sino, kung gayon, ang makakaunawa sa mga bagay na makalangit?
17Wala pong makakaalam ng iyong kalooban
malibang bigyan mo siya ng iyong Karunungan,
at lukuban ng iyong banal na espiritung mula sa kaitaasan.
18Sa ganitong paraan po lamang naaakay mo ang mga tao sa matuwid na landas.
Natututunan po namin kung ano ang kalugud-lugod sa iyo,
at naliligtas kami sa pamamagitan ng iyong Karunungan.