Mga Awit 107

IKALIMANG AKLAT

Awit ng Pagpapasalamat sa Kabutihan ng Diyos

1Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan![#1 Cro. 16:34; 2 Cro. 5:13; 7:3; Ez. 3:11; Awit 100:5; 106:1; 118:1; 136:1; Jer. 33:11.]

Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.

2Lahat ng niligtas,

tinubos ni Yahweh, bayaang magpuri,

mga tinulungan,

upang sa problema, sila ay magwagi.

3Sa sariling bayan,

sila ay tinipo't pinagsama-sama,

silanga't kanluran

timog at hilaga, ay doon kinuha.

4Mayro'ng naglumagak

sa ilang na dako, at doon nanahan,

sapagkat sa lunsod

ay wala nang lugar silang matirahan.

5Wala nang makain

kaya't sila'y nagutom, nauhaw na lubha,

ang katawan nila

ay naging lupaypay, labis na nanghina.

6Nang sila'y magipit,

kay Yahweh, sila ay tumawag,

at dininig naman

sa gipit na lagay, sila'y iniligtas.

7Inialis sila

sa lugar na iyon at pinatnubayan,

tuwirang dinala

sa payapang lunsod at doon tumahan.

8Kaya dapat namang

kay Yahweh ay magpasalamat,

dahil sa pag-ibig

at kahanga-hanga niyang pagliligtas.

9Mga nauuhaw

ay pinapainom upang masiyahan,

mga nagugutom

ay pawang binubusog sa mabuting bagay.

10Sa dakong madilim,

may mga nakaupo na puspos ng lungkot,

bilanggo sa dusa,

at sa kahirapan sila'y nagagapos.

11Ang dahilan nito—

sila'y naghimagsik, lumaban sa Diyos;

mga pagpapayo ng Kataas-taasan ay hindi sinunod.

12Nahirapan sila,

pagkat sa gawain sila'y hinagupit;

sa natamong hirap,

nang sila'y bumagsak ay walang lumapit.

13Sa gitna ng hirap,

kay Yahweh sila ay tumawag;

at dininig naman

yaong kahilingan na sila'y iligtas.

14Sa dakong madilim,

sila ay hinango sa gitna ng lungkot,

at ang tanikala

sa kamay at paa ay kanyang nilagot.

15Kaya dapat namang

kay Yahweh ay magpasalamat,

dahil sa pag-ibig

at kahanga-hanga niyang pagliligtas.

16Winawasak niya,

maging mga pinto na yari sa tanso,

ang rehas na bakal

ay nababaluktot kung kanyang mahipo.

17May nangagkasakit,

dahil sa kanilang likong pamumuhay;

dahil sa pagsuway,

ang dinanas nila'y mga kahirapan.

18Anumang pagkain

na makita nila'y di na magustuhan,

anupa't sa anyo,

di na magluluwat ang kanilang buhay.

19Sa ganoong lagay,

sila ay tumawag kay Yahweh,

tinulungan sila

at sa kahirapan, sila ay tinubos.

20Sa salita lamang

na kanyang pahatid sila ay gumaling,

at naligtas sila

sa kapahamakang sana ay darating.

21Kaya't dapat namang

kay Yahweh ay magpasalamat,

dahil sa pag-ibig

at kahanga-hanga niyang pagliligtas.

22Dapat ding dumulog,

na dala ang handog ng pasasalamat,

lahat ng ginawa

niya'y ibalita, umawit sa galak!

23Mayroong naglayag

na lulan ng barko sa hangad maglakbay,

ang tanging layunin

kaya naglalayag, upang mangalakal.

24Nasaksihan nila

ang kapangyarihan ni Yahweh,

ang kahanga-hangang

ginawa ni Yahweh na hindi maarok.

25Nang siya'y mag-utos,

nagngalit ang dagat, hangin ay lumakas,

lumaki ang alon

na kung pagmamasdan, ay pagkatataas.

26Ang sasakyan nila

halos ay ipukol mula sa ibaba,

kapag naitaas

ang sasakyang ito'y babagsak na bigla;

dahil sa panganib,

ang pag-asa nila ay halos mawala.

27Ang kanilang anyo'y

parang mga lasing na pahapay-hapay,

dati nilang sigla't

mga katangia'y di pakinabangan.

28Nang nababagabag,

kay Yahweh sila ay tumawag,

dininig nga sila

at sa kahirapan, sila'y iniligtas.

29Ang bagyong malakas,

pinayapa niya't kanyang pinatigil,

pati mga alon,

na naglalakihan ay tumahimik din.

30Nang tumahimik na,

sila ay natuwa, naghari ang galak,

at natamo nila

ang kanilang pakay sa ibayong dagat.

31Kaya't dapat namang

kay Yahweh ay magpasalamat,

dahil sa pag-ibig

at kahanga-hanga niyang pagliligtas.

32Itong Panginoon

ay dapat itanghal sa gitna ng madla,

dapat na purihin

sa kalipunan man ng mga matanda.

33Nagagawa niyang

tuyuin ang ilog na tulad ng ilang,

maging mga batis

ay nagagawa ring parang lupang tigang.

34Ang lupang mataba,[#Ecc. 39:23.]

kung kanyang ibigi'y nawawalang saysay,

dahilan sa sama

ng mga nilikhang doo'y nananahan.

35Kahit naman ilang,

nagagawa niyang matabang lupain,

nagiging batisang

sagana sa tubig ang tuyong lupain.

36Sa lupaing iyon,

ang mga nagugutom doon dinadala,

ipinagtatayo

ng kanilang lunsod at doon titira.

37Sila'y nagbubukid,

nagtatanim sila ng mga ubasan,

umaani sila ng saganang bunga,

sa lupang tinamnan.

38Sila'y pinagpala't

lalong pinarami ang kanilang angkan,

at dumarami rin

pati mga baka sa kanilang kawan.

39Kapag pinahiya

ang bayan ng Diyos at nalupig sila,

ang bansang sumakop

na nagpapahirap at nagpaparusa,

40sila'y susumbatan

nitong Panginoo't ang kanyang gagawin,

ikakalat sila sa hindi kilalang malayong lupain.

41Ngunit itataas

ang nangagdurusa't laging inaapi,

parang mga kawan,

yaong sambahayan nila ay darami.

42Nakikita ito

ng mga matuwid kaya nagagalak,

titikom ang bibig

ng mga masama at taong pahamak.

43Kayong matalino,

ang bagay na ito'y inyong unawain,

pag-ibig ni Yahweh

na di kumukupas ay inyong tanggapin.

© 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society
0:00-0:00