MGA AWIT 57

Sa Pangulong Manunugtog; itinugma sa Al-tashheth. 1 Sam. 22:124:2-5Awit ni David. Michtam; nang kaniyang takasan si Saul, sa yungib.

1Maawa ka sa akin, Oh Dios, maawa ka sa akin;[#Awit 56:1.]

Sapagka't ang aking kaluluwa ay nanganganlong sa iyo.

Oo, sa lilim ng iyong mga pakpak ay manganganlong ako,

Hanggang sa makaraan ang mga kasakunaang ito .

2Ako'y dadaing sa Dios na Kataastaasan;

Sa Dios na nagsagawa ng lahat na mga bagay sa akin.

3Siya'y magsusugo mula sa langit, at ililigtas ako,[#Awit 144:5, 7.]

Pagka yaong lulunok sa akin ay dumuduwahagi; (Selah)

Susuguin ng Dios ang kaniyang kagandahang-loob at ang kaniyang katotohanan.

4Ang aking kaluluwa ay nasa gitna ng mga leon:

Ako'y nahihiga sa gitna niyaong mga pinaningasan ng apoy,

Sa mga anak ng tao, na ang mga ngipin ay sibat at mga pana,

At ang kanilang dila ay matalas na tabak.

5Mabunyi ka, Oh Dios, sa itaas ng mga langit;[#Awit 108:5.]

Mataas ang iyong kaluwalhatian sa buong lupa.

6Kanilang hinandaan ng silo ang aking mga hakbang.[#Awit 9:15.]

Ang aking kaluluwa ay nakayuko:

Sila'y nagsihukay ng isang lungaw sa harap ko.

Sila'y nangahulog sa gitna niyaon. (Selah)

7Ang aking puso ay matatag, Oh Dios, ang aking puso ay matatag:[#Hanggang tal. 11; Awit 108:1-5.]

Ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga pagpuri.

8Gumising ka, kaluwalhatian ko; gumising ka, salterio at alpa:[#Huk. 5:12.; #Awit 16:9; 30:12.]

Ako'y gigising na maaga.

9Ako'y magpapasalamat sa iyo, Oh Panginoon, sa gitna ng mga bayan:

Ako'y aawit sa iyo ng mga pagpuri sa gitna ng mga bansa.

10Sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay dakila hanggang sa mga langit,[#Awit 36:5.]

At ang iyong katotohanan hanggang sa mga alapaap.

11Mabunyi ka, Oh Dios, sa itaas ng mga langit;

Mataas ang iyong kaluwalhatian sa buong lupa.

Ang Biblia © Philippine Bible Society, 1982
Published by: Philippine Bible Society