APOCALIPSIS 12

Ang Babae at ang Dragon

1At ang isang dakilang tanda ay nakita sa langit: isang babae na nakadamit ng araw, at ang buwan ay nasa ilalim ng kanyang mga paa, at sa kanyang ulo ay may isang putong ng labindalawang bituin;

2siya'y nagdadalang-tao at sumisigaw sa hirap sa panganganak at sa sakit ng pagluluwal.

3At may isa pang tanda na nakita sa langit: isang malaking pulang dragon na may pitong ulo at sampung sungay, at sa kanyang mga ulo'y may pitong diadema.[#Dan. 7:7]

4Kinaladkad ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga ito sa lupa. At tumayo ang dragon sa harapan ng babae na malapit nang manganak, upang lamunin ang anak ng babae pagkapanganak niya.[#Dan. 8:10]

5At siya'y nanganak ng isang batang lalaki na siyang magpapastol na may pamalong bakal sa lahat ng mga bansa. Ngunit ang kanyang anak ay inagaw at dinala sa Diyos at sa kanyang trono.[#Isa. 66:7; Awit 2:9]

6Tumakas ang babae sa ilang, at doon ay ipinaghanda siya ng Diyos ng isang lugar, upang doon siya'y alagaan nila ng isang libo dalawang daan at animnapung araw.

7At nagkaroon ng digmaan sa langit, si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma sa dragon. Ang dragon at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma,[#Dan. 10:13, 21; 12:1; Jud. 9]

8ngunit hindi sila nagwagi, ni wala ng lugar para sa kanila sa langit.

9At itinapon ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, ang mandaraya sa buong sanlibutan; siya'y itinapon sa lupa at ang kanyang mga anghel ay itinapong kasama niya.[#Gen. 3:1; Lu. 10:18]

10At narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit na nagsasabi,[#Job 1:9-11; Zac. 3:1]

“Ngayo'y dumating ang kaligtasan at ang kapangyarihan,

at ang kaharian ng ating Diyos,

at ang kapangyarihan ng kanyang Cristo,

sapagkat itinapon na ang tagapag-paratang sa ating mga kapatid

na siyang nagpaparatang sa kanila sa harapan ng ating Diyos, araw at gabi.

11At siya'y kanilang dinaig dahil sa dugo ng Kordero,

at dahil sa salita ng kanilang patotoo,

sapagkat hindi nila inibig ang kanilang buhay maging hanggang sa kamatayan.

12Kaya't magalak kayo, O mga langit

at kayong mga naninirahan diyan!

Kahabag-habag ang lupa at dagat

sapagkat ang diyablo'y bumaba sa inyo

na may malaking poot,

palibhasa'y alam niya na maikli na lamang ang kanyang panahon!”

13Nang makita ng dragon na siya'y itinapon sa lupa, inusig niya ang babaing nanganak ng sanggol na lalaki.

14Ngunit ang babae'y binigyan ng dalawang pakpak ng malaking agila upang makalipad siya mula sa harap ng ahas patungo sa ilang hanggang sa kanyang lugar, na pinaalagaan sa kanya ng isang panahon, at mga panahon, at kalahati ng isang panahon.[#Dan. 7:25; 12:7]

15At ang ahas ay nagbuga mula sa kanyang bibig ng tubig sa babae na gaya ng isang ilog upang tangayin siya ng agos.

16Ngunit ang babae ay tinulungan ng lupa at ibinuka nito ang kanyang bibig at nilamon ang ilog na ibinuga ng dragon mula sa kanyang bibig.

17Nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang digmain ang nalabi sa binhi ng babae, ang mga tumutupad sa mga utos ng Diyos at ang mga may patotoo ni Jesus.

18At tumayo ang dragon sa buhanginan ng dagat.[#12:18 Sa Griyego ay .]

©Philippine Bible Society, 2001
Published by: Philippine Bible Society