The chat will start when you send the first message.
1Ngayon, ito naman ang masasabi ko tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin. Makabubuti sa isang lalaki kung hindi siya magkakaroon ng seksuwal na relasyon.
2Ngunit dahil marami ang natutuksong gumawa ng seksuwal na imoralidad, mas mabuting mag-asawa ang bawat lalaki o babae.
3Dapat tuparin ng lalaki ang kanyang tungkulin sa kanyang asawa, at ganoon din naman ang babae.
4Sapagkat hindi na ang babae ang may karapatan sa kanyang katawan kundi ang kanyang asawa. Ganoon din ang lalaki, hindi na siya ang may karapatan sa kanyang katawan kundi ang kanyang asawa.
5Kaya huwag ninyong ipagkait ang pagsiping sa inyong asawa, maliban na lamang kung napagkasunduan ninyong ipagpaliban ito, upang mailaan ninyo ang inyong mga sarili sa pananalangin. Ngunit pagkalipas ng inyong pinagkasunduan, magsiping na uli kayo dahil baka hindi na kayo makapagpigil at matukso kayo ni Satanas.
6Ang sinasabi koʼy hindi isang utos kundi mungkahi lamang.
7Kung puwede lang, gusto ko sanang kayong lahat ay maging katulad ko. Ngunit may kanya-kanyang kaloob sa atin ang Diyos, at hindi ito pare-pareho.
8Ngayon, ito naman ang masasabi ko sa mga wala pang asawa at sa mga biyuda: Mas maiging manatili na lamang kayo sa ganyang kalagayan kagaya ko.
9Ngunit kung hindi kayo makapagpigil sa inyong sarili, mag-asawa na lamang kayo. Mas mabuti na ito kaysa sa magkasala kayo dahil sa matinding pagnanasa ng laman.
10-11Ngayon, sa inyong mga may asawa, may utos ako na sinabi mismo ng Panginoon: Hindi dapat hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa, at ganoon din naman ang babae sa kanyang asawa. Ngunit kung hihiwalay ang babae sa kanyang asawa, dapat manatili siyang walang asawa o di kayaʼy bumalik na lamang sa kanyang asawa.
12Sa iba naman, ito ang masasabi ko (itoʼy opinyon ko lamang; walang sinabi ang Panginoon tungkol dito): Kung ang isang mananampalatayang lalaki ay may asawa na hindi mananampalataya na gusto namang magsama sila, hindi niya dapat hiwalayan ang babae.
13At kung ang isang babae naman ay may asawang hindi mananampalataya na gusto namang magsama sila, hindi niya dapat hiwalayan ang lalaki.
14Sapagkat ang lalaking hindi mananampalataya ay nagiging banal dahil sa kanyang mananampalatayang asawa, at ang babaeng hindi mananampalataya ay nagiging banal dahil sa kanyang mananampalatayang asawa. Dahil kung hindi, ang mga anak nila ay ituturing na marumi sa paningin ng Diyos. Ngunit sa katunayan, itinuturing silang banal ng Diyos.
15Subalit kung gustong humiwalay ng asawang hindi mananampalataya, hayaan siyang humiwalay. Sa ganitong pangyayari ay wala nang pananagutan ang mananampalatayang asawa, dahil tinawag tayo ng Diyos upang mamuhay nang mapayapa.
16Anong malay ninyo, mga babae, baka maligtas pa ang inyong asawa dahil sa inyo? At kayong mga lalaki, anong malay ninyo, baka maligtas pa ang inyong asawa dahil sa inyo?
17Ang bawat isa sa inyo ay dapat mamuhay ayon sa itinakda ng Panginoon sa kanya, at manatili sa kalagayan niya nang tawagin siya ng Diyos. Ito ang iniuutos ko sa lahat ng iglesya.[#7:17 : Tingnan sa 1:2.]
18Halimbawa, kung may isang lalaking tuli na nang tinawag siya, hindi na niya dapat baguhin ang kanyang kalagayan. At kung hindi pa siya tuli nang tinawag siya, hindi na niya kailangang magpatuli pa.
19Sapagkat hindi mahalaga kung tuli ang isang lalaki o hindi. Ang mahalaga ay ang pagsunod sa mga utos ng Diyos.
20Kaya mamuhay ang bawat isa ayon sa kanyang kalagayan nang tinawag siya ng Diyos.
21Ikaw baʼy isang alipin nang tawagin ng Diyos? Huwag kang mabahala; ngunit kung may magagawa ka naman upang maging malaya, samantalahin mo ito.
22Sapagkat ang alipin nang tawagin siya ng Panginoon ay malaya na sa harapan ng Panginoon. Ang tao namang malaya nang tawagin siya ay alipin na ngayon ni Kristo.
23Tinubos kayo ng Diyos sa malaking halaga, kaya huwag kayong basta magpaalipin sa tao.
24Kaya nga mga kapatid, mamuhay ang bawat isa sa inyo ayon sa kanyang kalagayan nang tawagin siya ng Diyos.
25Ngayon, tungkol naman sa mga babaeng walang asawa, wala akong utos mula sa Panginoon, ngunit bilang isang mapagkakatiwalaan dahil sa awa ng Diyos, ito ang aking masasabi:
26Dahil sa kahirapan ngayon, mas mabuti kung magpatuloy na lamang kayo sa inyong kalagayan.
27Kaya kung ikaw ay may asawa na, huwag mong hihiwalayan ang iyong asawa. At kung ikaw naman ay wala pang asawa, mas mabuti na huwag ka na lang mag-asawa.
28Ngunit kung mag-asawa ka man, hindi ka magkakasala. At kung mag-asawa ang isang dalaga, hindi rin siya magkakasala. Kaya ko lamang sinasabi sa mga wala pang asawa na manatili na lamang na ganoon ay dahil gusto kong maiwasan nila ang mga hirap ng buhay may asawa.
29Ang ibig kong sabihin mga kapatid, maikli na lang ang natitirang panahon. Kaya ang mga may asawa ay dapat nang mamuhay na parang walang asawa,
30ang mga umiiyak naman na parang hindi umiiyak, ang mga nagagalak na parang hindi nagagalak, at ang mga bumibili na parang hindi bumibili para sa sarili,
31at ang mga gumagamit ng mga bagay dito sa mundo ay hindi dapat mawili sa mga bagay na ito, dahil ang mga bagay sa mundong ito ay lilipas.
32Gusto kong wala kayong inaalala. Kapag ang isang lalaki ay walang asawa, ang pinagkakaabalahan niya ay ang kanyang paglilingkod sa Panginoon at kung paano siya magiging kalugod-lugod sa kanya.
33Ngunit ang lalaking may asawaʼy abala sa mga bagay dito sa mundo; kung paano niya mapapaligaya ang kanyang asawa,
34at dahil dito, hati ang kanyang isipan. Ganoon din naman sa mga babae. Kung ang isang babae ay walang asawa, ang pinagkakaabalahan niya ay ang paglilingkod sa Panginoon, at nais niyang ilaan ang kanyang buong buhay sa paglilingkod sa kanya. Ngunit ang babaeng may asawa ay abala sa mga bagay dito sa mundo, at kung paano niya mapapaligaya ang kanyang asawa.
35Sinasabi ko lamang ito para sa inyong kabutihan, hindi ko kayo pinagbabawalang mag-asawa. Gusto ko lamang na hanggaʼt maaari ay maging maayos at walang hadlang ang inyong paglilingkod sa Panginoon.
36Ngayon, kung sa palagay ng isang lalaki ay hindi tama ang ikinikilos niya sa kanyang nobya dahil sa matinding pagnanasa, at kung sa palagay niyaʼy dapat na silang magpakasal, mas mabuti ngang gawin niya iyon. Hindi ito kasalanan.
37Ngunit kung nagpasya ang lalaki na hindi na lang niya pakakasalan ang kanyang nobya, at hindi na lamang siya mag-aasawa dahil kaya naman niyang magpigil sa sarili, mabuti rin ang kanyang ginagawa.
38Kaya mabuti kung mag-aasawa siya, ngunit mas mabuti kung hindi.
39Ang babae ay nakatali sa kanyang asawa habang nabubuhay pa ito. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siyang mag-asawang muli ng sinumang gusto niya, pero dapat sa isa ring mananampalataya sa Panginoon.
40Ngunit para sa akin, magiging mas maligaya siya kung hindi siya mag-aasawang muli. At sa tingin ko namaʼy nagmumula sa Espiritu ng Diyos ang itinuturo kong ito sa inyo.