1Nakipag-alyansa si Solomon sa Faraon na hari ng Ehipto at naging asawa niya ang anak nito. Dinala niya ang kanyang asawa sa Lungsod ni David hanggang sa matapos niya ang pagpapatayo ng kanyang palasyo, ng Templo ng Panginoon , at ng mga pader sa paligid ng Jerusalem.[#3:1 : Ito ay isang lugar na bahagi ng Jerusalem.]
2Wala pang templo noon para sa Panginoon , kaya ang mga tao ay naghahandog sa mga sambahan sa matataas na lugar.
3Ipinakita ni Solomon ang pagmamahal niya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad ng mga tuntunin na iniwan ng ama niyang si David. Maliban doon, naghandog siya at nagsunog ng insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar.
4Isang araw, pumunta si Haring Solomon sa Gibeon upang maghandog dahil naroon ang pinakatanyag na sambahan sa mataas na lugar. Nag-alay siya sa altar ng isang libong handog na sinusunog.
5Kinagabihan, nagpakita sa kanya ang Panginoon sa pamamagitan ng isang panaginip. Sinabi ng Diyos sa kanya, “Humingi ka ng kahit anong gusto mong ibigay ko saʼyo.”
6Sumagot si Solomon, “Ipinakita nʼyo po ang inyong dakilang kabutihan sa aking amang si David, na inyong lingkod, dahil matapat siya sa inyo, at matuwid ang kanyang pamumuhay. Patuloy nʼyo pong ipinakita sa kanya ang inyong dakilang kabutihan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng isang anak na siya pong pumalit sa kanya bilang hari ngayon.
7“Panginoon na aking Diyos, ako na inyong lingkod ang ipinalit ninyo sa ama kong si David bilang hari, kahit akoʼy musmos lang at walang kaalam-alam sa pamamahala.
8At ngayon narito po ako kasama ang pinili ninyong mga mamamayan, na hindi mabilang sa sobrang dami.
9Kaya bigyan nʼyo po ako ng karunungan upang pamahalaan ang inyong mga mamamayan at kaalamang malaman kung ano ang mabuti at masama. Dahil sino po ba ang may kakayahang mamahala sa inyong mga mamamayan na napakarami?”
10Natuwa ang Panginoon sa hiningi ni Solomon.
11Kaya sinabi ng Diyos sa kanya, “Dahil humingi ka ng kaalaman na mapamahalaan ang aking mga mamamayan at hindi ka humingi ng mahabang buhay o kayamanan o kamatayan ng iyong mga kaaway,
12ibibigay ko sa iyo ang kahilingan mo. Bibigyan kita ng karunungang kapantay at kaalaman na hindi pa naangkin ng kahit sino, noon at sa darating na panahon.
13Bibigyan din kita ng hindi mo hiningi, ang kayamanan at karangalan upang walang hari na makapantay saʼyo sa buong buhay mo.
14At kung susunod ka sa aking mga pamamaraan at tutupad sa aking mga tuntunin at mga utos, katulad ng ginawa ng iyong ama na si David, bibigyan kita ng mahabang buhay.”
15Nagising si Solomon, at naunawaan niya na nakipag-usap ang Panginoon sa kanya sa pamamagitan ng panaginip.
Pagbalik ni Solomon sa Jerusalem, tumayo siya sa harap ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon at nag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog pangkapayapaan. Nagpahanda agad siya ng mga pagkain para sa lahat ng pinuno niya.
16May dalawang babaeng bayaran na pumunta kay Haring Solomon.
17Nagsalita ang isa sa kanila, “Mawalang-galang na po, Mahal na Hari. Ako at ang babaeng ito ay nakatira sa iisang bahay. Nagsilang ako ng sanggol habang kasama ko siya sa bahay.
18Pagkalipas ng tatlong araw, siya naman ang nanganak. Kaming dalawa lang ang nasa bahay at wala nang iba.
19“Isang gabi, nahigaan niya ang kanyang anak at namatay ito.
20Nang maghatinggabi, bumangon siya habang natutulog ako at pinagpalit ang mga anak namin. Inilagay niya ang anak ko sa tabi niya at ang anak naman niyang namatay ay inilagay niya sa tabi ko.
21Kinabukasan, nang bumangon ako para pasusuhin ang anak ko, nakita kong patay na ito. At nang mapagmasdan kong mabuti ang sanggol sa liwanag, nakita kong hindi siya ang aking anak.”
22Sumagot ang isang babae, “Hindi totoo iyan! Akin ang buháy na sanggol at sa iyo ang patay.” Ngunit sinabi ng unang babae, “Hindi totoo iyan! Iyo ang patay na sanggol at akin ang buhay.” Kaya nagsagutan silang dalawa sa harapan ng hari.
23Sinabi ng hari, “Ang bawat isa sa inyo ay gustong angkinin ang buhay na sanggol at walang isa man sa inyo ang gustong umangkin sa patay na sanggol.”
24Kaya nag-utos ang hari na bigyan siya ng espada. At nang dalhan siya ng espada,
25inutos niya, “Hatiin ang buháy na sanggol at ibigay ang bawat kalahati sa kanilang dalawa.”
26Dahil sa awa ng totoong ina sa kanyang sanggol, sinabi niya sa hari, “Maawa po kayo, Mahal na Hari, huwag po ninyong patayin ang sanggol. Ibigay nʼyo na lang po siya sa babaeng iyan.”
Pero sinabi ng isang babae, “Hatiin nʼyo na lang po ang sanggol para wala ni isa man sa amin ang makaangkin sa kanya.”
27Pagkatapos, sinabi ng hari, “Huwag hatiin ang buháy na sanggol. Ibigay ito sa babae na nagmamakaawa na huwag itong patayin, dahil siya ang tunay na ina.”
28Nang marinig ng mga mamamayan ng Israel ang pasya ng hari, lumaki ang paggalang nila sa kanya, dahil nakita nila na may karunungan siyang mula sa Diyos sa paghatol ng tama.