1 Mga Taga-Tesalonica 3

1Kaya, nang hindi na namin iyon matagalan, nagpasya kaming magpaiwan sa Atenas.

2Ipinadala namin sa inyo si Timoteo na kapatid natin at kasama naming naglilingkod sa Diyos sa pangangaral ng Magandang Balita tungkol kay Kristo. Pinapunta namin siya para patibayin at palakasin ang pananampalataya ninyo,

3upang hindi kayo panghinaan ng loob dahil sa mga nararanasan ninyong pag-uusig. Sapagkat alam ninyong pagdadaanan natin ang mga ito.

4Noong nariyan pa kami sa inyo, palagi namin kayong pinapaalalahanan na makakaranas tayo ng mga pag-uusig. At gaya ng alam nʼyo, ito na nga ang nangyari.

5Kaya nang hindi na ako makatiis, pinapunta ko diyan si Timoteo upang makibalita tungkol sa kalagayan ng pananampalataya nʼyo sa Panginoon, dahil nag-aalala akong baka nanaig na sa inyo si Satanas at nasayang lang ang pagod namin sa pangangaral sa inyo.

Ang Magandang Balitang Hatid ni Timoteo

6Ngayon, nakabalik na sa amin si Timoteo at dala niya ang magandang balita tungkol sa pananampalataya at pag-ibig ninyo, ang magagandang alaala ninyo tungkol sa amin, at ang pananabik ninyong makita kami gaya ng pananabik namin sa inyo.

7Dahil dito, mga kapatid, napasigla kami ng inyong pananampalataya sa kabila ng mga paghihirap at pagdurusa namin.

8Nabubuhayan kami ng loob dahil alam naming matatag ang inyong pananampalataya sa Panginoon.

9Anong uring pasasalamat ang maibibigay namin sa Diyos dahil sa kagalakang dulot ninyo sa amin?

10Araw-gabi, taimtim naming ipinapanalangin na makasama ulit kayo upang maturuan kayo at mapunan namin ang anumang kakulangan sa inyong pananampalataya.

11Nawaʼy dalhin kami ng Diyos nating Ama at ng Panginoong Hesus sa inyo sa lalong madaling panahon.

12Nawaʼy bigyan kayo ng Panginoon ng higit pang pag-ibig para sa bawat isa at sa lahat ng tao, gaya ng nag-uumapaw na pag-ibig namin para sa inyo.

13Sa ganitong paraan magiging malakas ang loob ninyo, at magiging banal at walang kapintasan ang inyong buhay sa harapan ng Diyos sa araw ng pagbabalik ng ating Panginoong Hesus kasama ang mga pinili niya. Amen.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.