1Pagkatapos, ipinatawag ni Haring Josias ang lahat ng tagapamahala ng Juda at Jerusalem.
2Pumunta siya sa Templo ng Panginoon kasama ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem, mula sa pinakatanyag hanggang sa pinakamababa. Sumama rin ang mga pari at mga propeta. Binasa sa kanila ni Josias ang lahat ng nakasulat sa Aklat ng Kasunduan ng Diyos, na nakita sa Templo ng Panginoon .
3Pagkatapos, tumayo si Haring Josias sa gilid ng haligi. At gumawa siya ng kasunduan sa presensya ng Panginoon na susunod siya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad sa kanyang mga utos, katuruan, at tuntunin nang buong pusoʼt kaluluwa. Sa ganitong paraan matutupad ang mga ipinapatupad na kasunduan na nasusulat sa aklat na ito. At nangako rin ang mga tao na tutupad sila sa kasunduan.
4Pagkatapos, inutusan ni Haring Josias ang punong pari na si Hilkias, ang mga paring pumapangalawa sa katungkulan ni Hilkias at ang mga paring nagbabantay sa pintuan ng Templo, na alisin sa Templo ng Panginoon ang lahat ng kagamitan na ginagamit sa pagsamba kina Baal, Ashera, at sa lahat ng bagay na nasa langit. Ipinasunog niya ito sa labas ng Jerusalem, sa bukid ng Lambak ng Kidron, at dinala ang abo sa Betel.
5Pinaalis niya sa tungkulin ang mga paring naglilingkod sa mga diyos-diyosan. Ang mga paring ito ay pinagkakatiwalaan ng mga hari ng Juda sa pagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar doon sa mga bayan ng Juda at sa paligid ng Jerusalem. Nagsunog sila ng mga insenso para kay Baal at sa mga nasa langit – sa araw, buwan at mga bituin.
6Pinaalis din ni Haring Josias ang posteng imahen ng diyosang si Ashera sa Templo ng Panginoon at dinala sa labas ng Jerusalem, sa Lambak ng Kidron, at sinunog doon. Pagkatapos, ipinadurog niya ito nang pino at isinabog ang abo sa libingan ng mga tao.
7Ipinagiba rin niya ang mga bahay ng mga lalaki at babaeng bayaran na nasa Templo ng Panginoon , kung saan nananahi ang mga babae ng mga damit na ginagamit sa pagsamba kay Ashera.[#23:7 : O pantakip para sa posteng simbolo ng diyos-diyosang si Ashera.]
8Pinabalik ni Josias sa Jerusalem ang lahat ng pari na nakatira sa ibang mga bayan ng Juda. Dinungisan niya ang mga sambahan sa matataas na lugar, mula sa Geba hanggang sa Beer-seba kung saan nagsusunog ang mga pari ng mga insenso. Ipinagiba niya ang mga sambahan sa Pintuan ni Josue, ang gobernador ng Jerusalem. Ang pintuang ito ay nasa kaliwang bahagi ng pintuan ng lungsod.[#23:8 Dinungisan niya : Upang hindi na ito pagsambahan ng mga tao dahil hindi kalooban ng Diyos na doon sila sumamba.]
9Ang mga paring naglilingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar ay hindi pinayagang maglingkod sa altar ng Panginoon sa Jerusalem, pero pinayagan silang kumain ng tinapay na walang pampaalsa kasama ng ibang mga pari.
10Ipinagiba rin ni Josias ang altar ng Tofet, sa Lambak ng Ben-hinom, upang walang sinumang maghahandog ng mga anak nila sa pamamagitan ng apoy para kay Molec.
11Kinuha rin niya sa pintuan ng Templo ng Panginoon ang mga kabayo na inialay ng mga hari ng Juda para sa araw. Ang mga kabayong ito ay nasa bandang bakuran ng Templo, malapit sa kuwarto ng opisyal na si Natan-melec. Sinunog din ni Josias ang mga karwahe na inihahandog sa araw.[#23:11 : Maaring ito ay estatwa.]
12Ipinagiba niya ang mga altar na ipinatayo ng mga hari ng Juda sa bubong ng kuwarto ni Ahaz, pati ang mga altar na ipinagawa ni Manases sa bakuran ng Templo ng Panginoon . Ipinadurog niya ito ng pino at isinabog ang abo sa Lambak ng Kidron.
13Dinungisan din niya ang mga sambahan sa matataas na lugar sa silangan ng Jerusalem at sa timog ng Bundok ng Kasamaan. Ang mga sambahang ito ay ipinatayo ni Haring Solomon ng Israel para kay Astoret, ang kasuklam-suklam na diyosa ng mga Sidoneo, para kay Cemos, ang kasuklam-suklam na diyos-diyosan ng mga Moabita, at para rin kay Molec, ang kasuklam-suklam diyos-diyosan ng mga Amonita.
14Ipinadurog ni Josias ang mga alaalang bato at pinagpuputol ang mga posteng imahen ng diyosang si Ashera. Pagkatapos, dinungisan niya ang mga lugar na iyon sa pamamagitan ng pagkalat ng mga buto ng tao.
15Ipinagiba rin ni Josias kahit ang altar sa mga sambahan sa matataas na lugar sa Betel. Ang sambahang ito ay ipinagawa ni Jeroboam na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Dinurog ito ni Josias ng pino at sinunog pati ang posteng imahen ng diyosang si Ashera.
16At habang nakatitig siya sa paligid, nakita niya ang mga libingan sa gilid ng kabundukan. Ipinakuha niya ang mga buto sa mga libingan at sinunog niya roon sa altar sa Betel para dungisan ito. Nangyari ito ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng lingkod niya na nagpropesiya tungkol sa mga bagay na ito.
17Nagtanong si Haring Josias, “Kaninong libingan iyan?”
Sumagot ang mga mamamayan ng lungsod, “Libingan po ito ng lingkod ng Diyos na taga-Juda. Siya ang nagpropesiya tungkol sa mga ginawa ninyo ngayon sa altar sa Betel.”
18Sinabi ng hari, “Pabayaan lang ninyo ang libingan niya. Huwag ninyong kunin ang mga buto niya.” Kaya hindi nila kinuha ang mga buto nito pati ang buto ng mga propeta na taga-Samaria.
19Pagkatapos, giniba ni Josias ang mga sambahan sa matataas na lugar sa Samaria, tulad ng ginawa niya sa Betel. Ito ang mga sambahan na ipinagawa ng mga hari ng Israel na nakapagpagalit sa Panginoon .
20Pinatay ni Josias ang lahat ng pari roon mismo sa mga altar ng mga sambahan na iyon. At sinunog niya ang buto ng mga tao sa mga altar na iyon para dungisan ito. Pagkatapos, bumalik siya sa Jerusalem.
21Inutusan ni Josias ang lahat ng tao, “Ipagdiwang natin ang Pista ng Paglampas ng Anghel para parangalan ang Panginoon na ating Diyos, ayon sa nakasulat dito sa Aklat ng Kasunduan ng Diyos.”
22Walang naging katulad ang pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel mula pa nang panahon ng mga pinuno na namahala sa Israel at nang panahon ng mga hari ng Israel at Juda.
23Ipinagdiwang nila ang pista sa Jerusalem para parangalan ang Panginoon nang ikalabingwalong taóng paghahari ni Josias.
24Pinalayas din ni Josias sa Jerusalem at sa buong Juda ang mga espiritista na nakikipag-usap sa mga kaluluwa ng patay, ang mga diyos ng mga tahanan, ang iba pang mga diyos-diyosan at ang lahat ng kasuklam-suklam na sinasamba ng mga tao. Ginawa ito ni Josias para tuparin ang mga utos na nakasulat sa aklat na nakita ng paring si Hilkias sa Templo ng Panginoon .
25Walang sinumang naging hari ang katulad ni Josias na sumunod sa Panginoon nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas, alinsunod sa Kautusan ni Moises; kahit ang mga nauna sa kanya, maging ang mga sumunod sa kanya.
26Pero kahit tinupad pa niya itong lahat, hindi pa rin nawala ang galit ng Panginoon sa Juda, dahil sa lahat ng ginawa ni Manases na nakapagpagalit sa kanya.
27Kaya sinabi ng Panginoon , “Palalayasin ko sa aking harapan ang Juda katulad ng ginawa ko sa Israel at itatakwil ko ang Jerusalem, ang lungsod na aking pinili at ang Templong ito na sinabi kong dito ako pararangalan.”
28Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Josias, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
29Nang naghahari pa si Josias, si Faraon Neco na hari ng Ehipto ay pumunta sa Ilog Eufrates para tulungan ang hari ng Asiria. Umalis si Haring Josias at ang mga sundalo niya para makipaglaban kay Neco, pero pinatay siya ni Neco nang magkita sila sa Megido.
30Isinakay ng kanyang lingkod ang bangkay niya sa karwahe at dinala pabalik sa Jerusalem at inilibing sa sarili niyang libingan. At ang anak niyang si Joahaz ang ipinalit na hari ng mga mamamayan ng Juda sa pamamagitan ng pagpapahid sa kanya ng langis.
31Si Joahaz ay dalawampuʼt tatlong taóng gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng tatlong buwan. Ang kanyang ina ay si Hamutal, na taga-Libna, na anak ni Jeremias.
32Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng mga ninuno niya.
33Ibinilanggo siya ni Faraon Neco sa Ribla na sakop ng lupain ng Hamat, para hindi siya maghari sa Jerusalem. Pinagbayad ni Neco ang Juda ng 3,500 kilong pilak at 35 kilong ginto bilang buwis.
34Si Eliakim na isa pang anak ni Josias ang ipinalit na hari ni Neco. Pinalitan ni Neco ang pangalan ni Eliakim ng Jehoiakim. Si Joahaz naman ay dinala ni Neco sa Ehipto at doon ito namatay.
35Pinagbayad ng buwis ni Haring Jehoiakim ang mga taga-Juda ayon sa kayamanan nila, para ipambayad sa buwis na hinihingi ni Faraon Neco.
36Si Jehoiakim ay dalawampuʼt limang taóng gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng labing-isang taon. Ang ina niya ay si Zebida na taga-Ruma at anak ni Pedaya.
37Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng mga ninuno niya.