2 Mga Hari 25

1Kaya noong ikasampung araw ng ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedequias, lumusob si Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ang buong sundalo niya sa Jerusalem. Nagkampo sila sa labas ng lungsod at nagtambak ng mga lupa sa gilid ng pader nito para may matuntungan sila.

2Pinalibutan nila ang lungsod hanggang ikalabing-isang taon ng paghahari ni Zedequias.

3Noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taon ding iyon, matindi na ang taggutom sa lungsod at wala nang makain ang mga tao.

4Winasak na ng mga taga-Babilonia ang isang bahagi ng pader ng lungsod, kaya naisip ni Zedequias na tumakas kasama ang kanyang buong hukbo. Pero dahil sa napalibutan na sila ng mga taga-Babilonia, naghintay sila hanggang sa gumabi. Doon sila dumaan sa pintuan na nasa pagitan ng dalawang pader malapit sa halamanan ng hari. Tumakas sila patungo sa Kapatagan ng Jordan,[#25:4 : Sa Hebreo, Araba.]

5pero hinabol sila ng mga sundalo ng Babilonia at inabutan sila sa kapatagan ng Jerico. Humiwalay kay Zedequias ang lahat ng sundalo niya,

6at siyaʼy nahuli.

Dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, at doon siya hinatulan.

7Pinatay sa harapan niya ang mga anak niyang lalaki. Dinukit ang mga mata niya, at nakakadena siyang dinala sa Babilonia.

Giniba ang Templo

(Jer. 52:12‑27)

8Nang ikapitong araw ng ikalimang buwan, nang ikalabinsiyam na taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, pumunta sa Jerusalem si Nebuzaradan na kumander ng mga guwardiya ng hari ng Babilonia.

9Sinunog niya ang Templo ng Panginoon , ang palasyo, ang lahat ng bahay sa Jerusalem at ang lahat ng mahahalagang gusali.

10Sa pamamahala niya, giniba ng mga sundalo ng Babilonia ang mga pader na nakapalibot sa Jerusalem.

11At dinala niyang bihag ang mga natitirang tao sa lungsod, pati ang mga taong kumampi sa hari ng Babilonia.

12Pero itinira niya ang iba sa pinakamahihirap na tao para mag-alaga sa mga ubasan at bukirin.

13Sinira ng mga taga-Babilonia ang mga kagamitan sa Templo ng Panginoon : ang mga haliging tanso, mga karitong ginagamit sa pag-iigib, at ang malaking lalagyan ng tubig na tanso na tinatawag na Dagat. At dinala nila ang mga tanso sa Babilonia.

14Kinuha rin nila ang mga kawali, mga pala, mga panggupit ng mitsa ng ilaw, mga mangkok at ang iba pang tanso na ginagamit sa Templo.

15Kinuha rin ni Nebuzaradan ang mga lalagyan ng baga, mga mangkok at ang iba pang mga gamit na ginto at pilak.

16Hindi matimbang ang mga tanso na mula sa dalawang haligi, sa malaking lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat, at sa mga kariton na ginagamit sa pag-iigib ng tubig. Ito ang mga bagay na ipinagawa noon ni Solomon para sa Templo ng Panginoon .

17Ang bawat haligi ay may taas na 27 talampakan. Ang dalawang tanso na ulo ng bawat haligi ay may taas na apat at kalahating talampakan. Pinaikutan ito ng mga kadenang dugtong-dugtong at napapalibutan ng dekorasyong tanso, na hugis pomegranata.

18Binihag din ni Nebuzaradan ang punong pari na si Seraias, si Zefanias na sumunod sa posisyon ni Seraya at ang tatlong guwardiya ng pintuan ng Templo.

19Ito pa ang mga nakita niya at dinalang bihag mula sa lungsod: ang opisyal ng mga sundalo ng Juda, ang limang tagapamahala ng hari, ang kumander na kumukuha at nagsasanay ng mga taong magiging sundalo at ang 60 pang mamamayan doon.

20Dinala silang lahat ni Nebuzaradan sa hari ng Babilonia na nasa Ribla,

21na sakop ng Hamat. At doon sila pinatay ng hari. Kaya ang mga mamamayan ng Juda ay binihag at dinala papalayo sa lupain nila.

Si Gedalias na Gobernador ng Juda

(Jer. 40:7‑9; 41:1‑3)

22Pinili ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia si Gedalias na anak ni Ahikam at apo ni Safan bilang gobernador ng mga naiwang tao sa Juda.

23Nang marinig ito ng mga opisyal ng Juda at ng mga tauhan nila, pumunta sila kay Gedalias sa Mizpa. Sila ay sina Ismael na anak ni Netanias, Johanan na anak ni Karea, Seraya na anak ni Tanhumet na taga-Netofa, Jaazanias na taga-Maaca, at ang kanilang mga tauhan.

24Sumumpa si Gedalias sa kanila at sa mga tauhan nila, “Huwag kayong matakot sa mga opisyal ng Babilonia. Manirahan lang kayo rito at paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia at walang mangyayari sa inyo.”

25Ngunit, noong ikapitong buwan ng taon na iyon, pumunta sa Mizpa si Ismael na anak ni Netanias at apo ni Elishama, na miyembro ng sambahayan ng hari. Kasama ang sampung tao, pinatay nila si Gedalias at ang mga kasama nitong taga-Juda at taga-Babilonia.

26Dahil dito, lahat ng tao sa Juda mula sa pinakatanyag hanggang sa pinakamababa, pati ang mga opisyal ng mga sundalo ay tumakas papuntang Ehipto dahil natakot sila sa maaaring gawin sa kanila ng mga taga-Babilonia.

Pinakawalan si Jehoyakin

(Jer. 52:31‑34)

27Noong ikatatlumpuʼt pitong taon ng pagkabihag ni Haring Jehoiakin ng Juda, naging hari ng Babilonia si Evil-merodac. Pinalaya niya sa pagkakakulong si Jehoiakin noong ikadalawampuʼt pitong araw ng ikalabindalawang buwan ng taon ding iyon.

28Mabait siya kay Jehoyakin at pinarangalan niya ito higit sa ibang mga hari na binihag din sa Babilonia.

29Kaya hindi na nagsuot si Jehoyakin ng damit na para sa mga bilanggo, at mula noon ay kumakain na siya kasama ng hari.

30Araw-araw siyang binibigyan ng hari ng mga pangangailangan niya habang siyaʼy nabubuhay.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.