2 Samuel 6

Dinala ang Kahon ng Kasunduan sa Jerusalem

(1~Cro. 13:1‑14; 15:25–16:6, 43)

1Muling tinipon ni David ang pinakamagagaling na sundalo ng Israel at umabot ito sa 30,000.

2Lumakad sila papuntang Baala na sakop ng Juda para kunin doon ang Kahon ng Diyos, kung saan naroon ang presensya ng Panginoon ng mga Hukbo, na nakaluklok sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng Kahon.[#6:2 : Ito ay isa pang tawag sa Kahon ng Kasunduan.; #6:2 : Sa literal, tinatawag na pangalan.]

3-4Kinuha nina David ang Kahon ng Diyos na nandoon sa bahay ni Abinadab sa burol at isinakay ito sa bagong kariton. Sina Uza at Ahio na anak ni Abinadab ang umaalalay sa kariton; si Ahio ang nasa unahan.

5Buong kagalakang nagdiwang si David at ang buong Israel sa presensya ng Panginoon nang buong kalakasan. Umaawit sila at tumutugtog ng mga alpa, lira, tamburin, kastaneta at pompyang.[#6:5 : Itoʼy ayon sa Dead Sea Scrolls, Septuagint at 1 Cro. 13:8. Sa tekstong Masoretic, sa pamamagitan ng mga instrumento na gawa sa kahoy na sipres.]

6Nang dumating sila sa may giikan ni Nacon, natisod ang mga baka at hinawakan ni Uza ang Kahon ng Kasunduan ng Diyos.

7Nagalit nang matindi ang Panginoon kay Uza dahil sa ginawa niya. Kaya pinatay siya ng Diyos doon sa tabi ng Kahon.

8Nagalit si David dahil biglang pinarusahan ng Panginoon si Uza. Ito ang dahilan kaya hanggang ngayon ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez-uza.[#6:8 : Ang ibig sabihin, biglang pagparusa kay Uza.]

9Nang araw na iyon, natakot si David sa Panginoon at sinabi niya, “Paano madadala sa lungsod ko ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon ?”

10Kaya nagdesisyon siyang huwag na lang dalhin sa lungsod niya ang Kahon ng Panginoon . Iniwan na lang niya ito sa bahay ni Obed-edom na taga-Gat.[#6:10 : Sa Hebreo, lungsod ni David. Ganito rin sa talata 12|2SA 6:12 at 16|2SA 6:16.]

11Nanatili ang Kahon ng Panginoon sa bahay ni Obed-edom sa loob ng tatlong buwan, at pinagpala siya ng Panginoon , maging ang buo niyang sambahayan.

12Ngayon, nabalitaan ni Haring David na pinagpala ng Panginoon ang sambahayan ni Obed-edom at ang lahat ng pag-aari nito dahil sa Kahon ng Diyos. Kaya pumunta siya sa bahay nito at kinuha ang Kahon ng Diyos at dinala sa Jerusalem nang may kagalakan.

13Nang makaanim na hakbang na ang mga nagbubuhat ng Kahon ng Panginoon , pinahinto sila ni David at naghandog siya ng isang toro at isang pinatabang guya.

14At sumayaw si David nang buong sigla sa presensya ng Panginoon na nakasuot ng efod na lino.

15Habang dinadala ni David at ng mga Israelita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon , nagsisigawan sila at umiihip ng trumpeta.

16Nang papasok na ang Kahon ng Panginoon sa lungsod ni David, dumungaw sa bintana si Mical na anak ni Saul. Nakita niyang palukso-lukso at sumasayaw si Haring David sa presensya ng Panginoon , labis siyang nainis sa hari.

17Inilagay nila ang Kahon ng Panginoon sa loob ng toldang ipinatayo ni David para rito. Pagkatapos, nag-alay siya sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog pangkapayapaan.

18Pagkatapos niyang maghandog, binasbasan niya ang mga tao sa pangalan ng Panginoon ng mga Hukbo.

19Binigyan niya ng tinapay, karne at pasas ang bawat isang Israelita, lalaki man o babae. Pagkatapos, umuwi sila sa kani-kanilang mga bahay.[#6:19 : Ito ang nasa tekstong Septuagint at sa Syriac, pero sa Hebreo hindi malinaw.]

20Nang umuwi si David para basbasan ang sambahayan niya, sinalubong siya ni Mical na anak ni Saul at kinutya, “Napakadakila ng araw na ito para sa kagalang-galang na hari ng Israel! Sumasayaw kang halos hubad na, sa harap ng mga babaeng alipin ng mga opisyal mo, hindi ka man lang nahiya!”

21Sinabi ni David kay Mical, “Ginawa ko iyon sa presensya ng Panginoon na pumili sa akin kapalit ng iyong ama o ng kahit sino pa sa angkan niya. Pinili niya akong mamuno sa mga mamamayan niyang Israelita kaya ipagpapatuloy ko ang pagsasaya sa presensya ng Panginoon .

22At kahit na nakakahiya pa ang gagawin ko ay gagawin ko pa rin ito. Kahiya-hiya ako sa paningin mo pero marangal ako sa paningin ng mga babaeng alipin na sinasabi mo.”[#6:22 : Ito ang nasa tekstong Septuagint. Sa Hebreo, sa paningin ko.]

23Dahil dito, hindi nagkaanak si Mical hanggang sa mamatay siya.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.