2 Mga Taga-Tesalonica 3

Ang Kahilingan upang Ipanalangin

1At ngayon, mga kapatid, ipanalangin nʼyo kami upang mabilis na lumaganap at maparangalan ang salita ng Panginoon, katulad nang nangyari sa inyo.

2Ipanalangin nʼyo rin na maligtas kami sa mga masasama at makasalanang tao; dahil hindi lahat ng taoʼy naniniwala sa itinuturo namin.

3Ngunit matapat ang Panginoon; bibigyan niya kayo ng lakas at iingatan laban sa masama.

4Dahil sa Panginoon, nagtitiwala kaming ginagawa nʼyo at patuloy na gagawin ang mga ibinilin namin.

5Patnubayan nawa kayo ng Panginoon upang makita sa inyo ang pag-ibig ng Diyos at katatagan ni Kristo.

Babala laban sa Katamaran

6Mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Hesu-Kristo, iniuutos namin sa inyo na layuan ninyo ang sinumang kapatid na tamad at hindi sumusunod sa mga ipinangaral namin sa inyo.

7Sapagkat alam naman ninyong dapat nʼyo kaming tularan dahil hindi kami naging tamad noong nariyan pa kami.

8Hindi kami tumanggap ng pagkain mula sa inyo na hindi namin binayaran. Sa halip, nagsikap kaming magtrabaho araw at gabi upang hindi kami maging pabigat kaninuman.

9Ginawa namin ito, hindi dahil wala kaming karapatang tumanggap ng tulong galing sa inyo, kundi upang magsilbing halimbawa sa inyo.

10Noong kasama nʼyo pa kami, sinabi namin sa inyo na huwag pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho.

11Nabalitaan naming ang ilan sa inyo ay tamad, ayaw kumilos, at walang ibang ginagawa kundi makialam sa buhay ng iba.

12Kaya sa pangalan ng Panginoong Hesu-Kristo, mahigpit naming inuutusan ang mga taong ito na maghanapbuhay at huwag makialam sa buhay ng iba.

13At sa inyo naman, mga kapatid, huwag kayong magsawa sa paggawa ng mabuti.

14Kung mayroon mang ayaw sumunod sa mga sinabi namin sa sulat na ito, tandaan nʼyo kung sino siya at iwasan para mapahiya siya.

15Ngunit huwag nʼyo siyang ituring na kaaway, kundi paalalahanan siya bilang kapatid.

Mga Pangwakas na Pagbati

16Nawaʼy ang Panginoon na pinagmumulan ng kapayapaan ang siya ring magbigay sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng pagkakataon, maging anuman ang kalagayan ninyo. At patnubayan nawa kayong lahat ng Panginoon.

17Akong si Pablo ang mismong sumusulat ng pagbating ito. Ito ang palatandaan na ako ang sumulat ng liham na ito. Ganito ang sulat-kamay ko.

18Sumainyong lahat nawa ang biyaya ng ating Panginoong Hesu-Kristo.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.