Mga Gawa 6

Ang Pagpili sa Pitong Tagapaglingkod

1Nang mga panahong iyon, dumarami na ang mga alagad ni Hesus. Nagreklamo ang mga Hudyong nagsasalita ng Griyego laban sa mga Hudyong nagsasalita ng Hebreo. Itoʼy sa dahilang napapabayaan ang pang-araw-araw na rasyon para sa mga biyuda sa pangkat nila.

2Kaya ipinatawag ng labindalawang apostol ang lahat ng alagad, at sinabihan sila, “Hindi tamang pabayaan namin ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mamahala ng mga rasyon.

3Kaya mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking may malilinis na pangalan, puspos ng Espiritu at karunungan. Sa kanila namin ibibigay ang tungkuling ito.

4At ilalaan naman namin ang aming oras sa pananalangin at sa pangangaral ng salita ng Diyos.”

5Sumang-ayon ang lahat ng mga alagad sa sinabi ng mga apostol. Kaya pinili nila si Esteban na puno ng pananampalataya at puspos ng Banal na Espiritu, sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at Nicolas na taga-Antioquia. Si Nicolas ay isang Hentil na nahikayat sa pananampalataya ng mga Hudyo.

6Dinala nila ang mga napiling ito sa mga apostol. Silaʼy ipinanalangin ng mga ito at pinatungan ng kamay bilang pagtatalaga sa tungkulin.

7Kaya patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at mabilis na dumami ang mga naging alagad sa Jerusalem, at maraming paring Hudyo ang sumampalataya sa kanya.

Dinakip si Esteban

8Si Esteban, na puno ng biyaya at kapangyarihang mula sa Diyos, ay gumawa ng mga kamangha-manghang himala at tanda sa harap ng mga tao.

9Subalit nakipagtalo sa kanya ang ilan sa mga Hudyong mula sa Cirene, Alejandria, Cilicia, at Asia na kasapi sa Sinagoga ng mga Pinalayang Alipin.

10Ngunit hindi nila siya kayang talunin dahil sa karunungang kaloob sa kanya ng Espiritu.

11Kaya lihim nilang sinulsulan ang ilang tao na magsabi, “Narinig namin siyang nagsasalita ng kalapastanganan laban kay Moises at sa Diyos.”

12Sa ganitong paraan, naudyukan nilang magalit ang mga tao, ang mga pinuno ng mga Hudyo, at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Dinakip nila si Esteban at iniharap sa Sanhedrin.

13Mayroon din silang iniharap na mga bulaang saksi na nagsabi, “Ang taong ito ay palaging nagsasalita laban sa ating banal na Templo at sa Kautusan.

14Narinig naming sinabi niya na gigibain nitong si Hesus na taga-Nazaret ang ating Templo at babaguhin niya ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises.”

15Tinitigan si Esteban ng lahat ng miyembro ng Sanhedrin, at nakita nilang nagliliwanag ang kanyang mukha katulad ng sa anghel.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.