Daniel 12

Ang Pahayag ng Anghel tungkol sa Huling Panahon

1“Sa panahong iyon, darating si Miguel, ang makapangyarihang pinuno na nagtatanggol sa iyong mga kababayan. Magiging mahirap ang kalagayan sa mga panahong iyon, at ang matinding kahirapang ito ay hindi pa nangyayari mula nang naging bansa ang Israel. Ngunit ililigtas sa paghihirap ang iyong mga kababayan na ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat.[#12:1 : Ang huling panahon, ang panahon na mangyayari ang mga sinasabi sa 11:40‑45.; #12:1 : O anghel.; #12:1 : Listahan ng mga taong may buhay na walang hanggan.]

2Bubuhayin ang marami sa mga namatay na. Ang iba sa kanila ay tatanggap ng buhay na walang hanggan, pero ang iba ay isusumpa at ilalagay sa kahihiyang walang hanggan.

3Ang mga taong nakakaunawa ng katotohanan at nagtuturo sa mga tao na mamuhay nang matuwid ay magniningning na parang bituin sa langit magpakailanman.

4Ngunit Daniel, isara mo muna ang aklat na ito at huwag mo munang sabihin sa mga tao ang mensahe nito hanggang sa dumating ang katapusan. Habang hindi pa ito ipinapahayag, marami ang magsisikap na unawain ang mga nangyayari.”

5Pagkatapos niyang sabihin iyon, akong si Daniel ay may nakita pang dalawang taong nakatayo sa magkabilang pampang ng ilog.

6Nagtanong ang isa sa kanila sa taong nakadamit ng telang lino na nakatayo sa mataas na bahagi ng ilog, “Gaano kaya katagal bago matapos ang mga nakakamanghang pangyayaring iyon?”

7Itinaas ng taong nakadamit ng telang lino ang kanyang dalawang kamay at narinig kong sumumpa siya sa Diyos na buháy magpakailanman. Sinabi niya, “Matatapos ito sa loob ng tatlong taon at kalahati, kapag natapos na ang paghihirap ng mga mamamayan ng Diyos.”

8Hindi ko naunawaan ang kanyang sagot kaya tinanong ko siya, “Ano po ba ang kalalabasan ng mga pangyayaring iyon?”

9Sumagot siya, “Sige na, Daniel, hayaan mo na iyon, dahil ang sagot sa tanong moʼy mananatiling lihim at hindi maaaring sabihin hanggang sa dumating ang katapusan.[#12:9 : Sa literal, Alis na.]

10Marami sa mga nakakaunawa ng katotohanan ang lilinisin ang kanilang buhay, at mauunawaan nila ang mga sinasabi ko. Ngunit ang masasama ay patuloy na gagawa ng masama at hindi makakaunawa ng mga sinasabi ko.

11“Lilipas ang 1,290 araw mula sa panahon ng pagpapatigil ng araw-araw na paghahandog at paglalagay ng kasuklam-suklam na bagay na magiging dahilan ng pag-iwan sa templo hanggang sa dumating ang katapusan.

12Mapalad ang naghihintay at nananatili hanggang sa matapos ang 1,335 araw.

13“At ikaw Daniel, ipagpatuloy mo ang iyong gawain. Mamamatay ka, pero bubuhayin kang muli sa mga huling araw upang tanggapin ang iyong gantimpala na inihanda para sa iyo.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.