Mga Taga-Galacia 1

Iisa Lang ang Magandang Balita

6Nagtaka ako dahil napakadali ninyong tumalikod sa Diyos na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng biyaya ni Kristo. Bumaling kayo sa ibang katuruan na ayon sa ibaʼy magandang balita.

7Ang totoo, walang ibang Magandang balita. Nasabi ko ito dahil may mga taong nanggugulo sa inyo, at gusto nilang baluktutin ang Magandang Balita tungkol kay Kristo.

8Sumpain nawa ng Diyos ang sinuman – kami man ito o kahit isang anghel galing sa langit – na mangangaral sa inyo ng magandang balita na iba kaysa sa ipinangaral namin sa inyo.

9Sinabi na namin sa inyo noon at muli kong sasabihin: Kung may mangangaral sa inyo ng magandang balita na iba kaysa sa tinanggap ninyo, sumpain siya ng Diyos!

10Sa tingin ba ninyoʼy papuri ng tao ang hinahanap ko? Hindi! Ang nais ko lang ay malugod sa akin ang Diyos. Kung papuri lang ng tao ang hinahanap ko, hindi ako tunay na lingkod ni Kristo.

Paano Naging Apostol si Pablo

11Gusto kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo ay hindi lang gawa-gawa ng tao,

12dahil hindi ko ito tinanggap o natutunan mula sa tao, kundi ipinahayag mismo ito sa akin ni Hesu-Kristo.

13Alam naman ninyo ang dati kong pamumuhay noong kasapi ako sa relihiyon ng mga Hudyo. Inusig ko nang lubos ang iglesya ng Diyos at sinikap ko itong lipulin.

14At tungkol naman sa pagsunod sa relihiyon ng mga Hudyo, nahigitan ko ang marami sa mga kaedad ko, dahil masigasig kong sinunod ang mga tradisyong nanggaling pa sa mga ninuno namin.

15-16Ngunit sa biyaya ng Diyos, bago pa man ako ipanganak, pinili na niya ako at tinawag para ihayag sa akin ang kanyang Anak upang maipangaral siya sa mga Hentil. Nang mangyari ito, hindi ako sumangguni kaninuman.

17Hindi rin ako pumunta sa Jerusalem upang makipagkita sa mga naunang naging apostol kaysa sa akin. Sa halip, pumunta ako sa Arabia at pagkatapos ay bumalik ako sa Damasco.

18Pagkatapos ng tatlong taon, pumunta ako sa Jerusalem para makipagkita kay Pedro. Dalawang linggo lang akong nakitira sa kanya.[#1:18 : O Cefas.]

19Wala na akong nakita pang ibang apostol maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.

20Totoo ang lahat ng sinasabi ko sa sulat na ito, at alam ng Diyos na hindi ako nagsisinungaling.

21Pagkatapos, pumunta na ako sa Siria at Cilicia.

22Nang panahong iyon, hindi pa ako personal na nakikita ng mga mananampalataya sa Judea na nakay Kristo.

23Naririnig lang nila ang ganitong balita tungkol sa akin: “Ang dating umuusig sa atin ay nangangaral na ngayon ng tungkol sa pananampalatayang sinikap niyang wasakin noon.”

24Kaya pinapurihan nila ang Diyos dahil sa ginawa niya sa akin.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.