The chat will start when you send the first message.
1“Kaya tawagin ninyo ang inyong kapwa Israelita na ‘Aking mga mamamayan’ at ‘Kinaawaan.’[#2:1 : Sa Hebreo, Ami.; #2:1 : Sa Hebreo, Ruhama.]
2“Mga anak, pagsabihan ninyo
ang inyong ina,
sapagkat hindi na ako
ang kanyang asawa
nang akoʼy iniwan niya.
Pagsabihan ninyo siya
para itigil na niya
ang pangangalunya
at talikuran ang imoral
na pamumuhay niya.
3Kung hindi,
huhubaran ko siyaʼt ilalantad,
gaya noong siya ay isinilang.
Gagawin ko siyang tigang
katulad ng disyerto o ilang,
at pababayaang mamatay sa uhaw.
4At kayong mga anak niyaʼy
hindi ko kahahabagan,
dahil mga anak kayo ng babaeng bayaran.
5Nakakahiya ang ginagawa
ng inang nagsilang sa inyo.
Sinabi pa niya,
‘Hahabulin ko ang mga lalaking
nagbibigay sa akin ng pagkain, tubig,
telang lana at lino, langis, at inumin.’
6Kaya babakuran ko siya
ng mga matitinik na halaman
upang hindi siya makalabas.
7Habulin man niya ang kanyang mga lalaki,
hindi niya sila maaabutan.
Hahanapin niya sila
ngunit hindi niya rin makikita.
Pagkatapos, sasabihin niya,
‘Babalik na lang ako sa aking asawa
sapagkat higit na mabuti
ang kalagayan ko noon
sa piling niya kaysa sa ngayon.’
8Hindi niya napagtanto
na ako ang nagbigay
sa kanya ng mga ito:
mga butil, bagong alak, at langis;
binigyan ko pa siya ng pilak at ginto.
Ngunit ibinigay niya
ang lahat ng ito
kay Baal na kanyang diyos-diyosan.
9“Kaya pagdating ng tag-ani
ay babawiin ko ang mga butil
at ang bagong alak na aking ibinigay.
Babawiin ko rin ang mga telang lana
at linong ibinigay ko
na sanaʼy pantakip
sa kanyang kahubaran.
10At ngayon,
ilalantad ko ang kanyang kahalayan
sa harap ng kanyang mga lalaki,
at walang makapagliligtas sa kanya
mula sa aking mga kamay.
11Wawakasan ko na ang lahat
ng espesyal na Araw ng Pagsamba
na ginagawa niya taon-taon,
buwan-buwan, at linggo-linggo.
12Sisirain ko ang mga ubasan niya
at mga puno ng igos
na ibinayad daw sa kanya
ng kanyang mga lalaki.
Gagawin ko itong parang gubat
at kakainin ng mga mababangis na hayop
sa gubat ang mga bunga nito.
13Parurusahan ko siya
dahil may mga panahong
nagsusunog siya
ng mga insenso sa diyos-diyosang si Baal.
Nagsuot siya ng mga alahas
at humabol sa kanyang mga lalaki,
akoʼy kanyang kinalimutan,”
sabi ng Panginoon .
14“Ngunit masdan mo,
siya ay aking susuyuin.
Dadalhin ko siya sa ilang
at dooʼy kakausapin ko nang malambing.
15Ibabalik ko sa kanya ang mga ubasan,
at ang Lambak ng Acor
ay gagawin kong daanan
na magpapaalala ng magandang kinabukasan.
At sasagutin niya ako katulad ng ginawa niya
noong panahon ng kanyang kabataan,
noong kinuha ko siya sa lupain ng Ehipto.”
16Sinabi ng Panginoon
sa mga Israelita,
“Sa araw ng inyong pagbabalik sa akin,
tatawagin na ninyo ako na inyong asawa
at hindi na ninyo ako tatawaging Baal.
17Hindi ko na hahayaang banggitin ninyo
ang mga pangalan ni Baal.
18Sa araw na iyon,
makikipagkasundo ako
sa lahat ng uri ng hayop
upang hindi nila kayo sasaktan.
Aalisin ko sa lupain ng Israel
ang lahat ng sandata
tulad ng mga pana at espada.
At dahil wala nang digmaan,
matutulog kayong ligtas at payapa.
19Ituturing ko kayong asawa magpakailanman.
Gagawin ko sa inyo ang matuwid at tama.
Mamahalin ko kayo at kaaawaan.
20Itatalaga ko sa inyo ang aking sarili
nang buong katapatan,
at kikilalanin na ninyo ako
bilang Panginoon .
21“Sa araw na iyon,
sasagutin ko
ang mga dalangin ninyo,”
sabi ng Panginoon .
“Magpapadala ako ng ulan
upang tumubo sa lupa
22ang mga trigo, ubas,
at mga olibo
para sa inyo
na tinatawag na Jezreel.
23Patitirahin ko kayo sa inyong lupain
bilang mga mamamayan ko.
Kaaawaan ko si Lo Ruhama,
at tatawagin kong aking mamamayan
si Lo Ami.
At sasabihin ninyong ako
ang inyong Diyos.”