Hoseas 3

Si Hoseas at ang Kanyang Asawa

1Sinabi ng Panginoon sa akin, “Umalis ka at ipakita mong muli ang iyong pagmamahal sa iyong asawa kahit na nangangalunya siya. Mahalin mo siya katulad ng pagmamahal ko sa mga mamamayan ng Israel kahit na sumasamba sila sa ibang mga diyos at gustong maghandog sa kanila ng mga tinapay na may mga pasas.”

2Kaya binili ko siya sa halagang labinlimang pirasong pilak at apat na sakong sebada.[#3:2 : Hindi matiyak kung siyaʼy kailangang bilhin. Iba-iba ang mga pakahulugan dito.; #3:2 : Sa Septuagint, tatlong sakong sebada at ilang litrong alak.]

3At sinabi ko sa kanya, “Makisama ka sa akin ng mahabang panahon, at huwag ka nang sumiping sa ibang lalaki. Kahit ako ay hindi muna sisiping sa iyo.”

4Nangangahulugan ito na sa mahabang panahon ang mga Israelita ay mawawalan ng hari, pinuno, mga handog, alaalang bato, espesyal na damit sa panghuhula, at mga diyos-diyosan.[#3:4 : Sa Hebreo, efod.]

5Ngunit sa bandang huli, magbabalik-loob silang muli sa Panginoon nilang Diyos at sa lahi ni David na kanilang hari. Buong paggalang silang lalapit sa Panginoon dahil sa kanyang kabutihan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.