Isaias 3

Ang Parusa sa Jerusalem at Juda

1Makinig kayo!

Kukunin ng Panginoon,

ang Panginoon ng mga Hukbo,

ang lahat ng inaasahan

ng mga taga-Jerusalem at taga-Juda:

ang pagkain at tubig nila,

2ang mga bayani at mga mandirigma,

mga hukom at mga propeta,

mga manghuhula at mga pinuno,

3mga kapitan ng mga hukbo

at mga mararangal na tao,

mga tagapayo

at ang mga bihasang salamangkero nila

at mga dalubhasa sa paggayuma.

4Gagawin kong kanilang pinuno

ang mga binatilyo,

at ang mga musmos na bata

ang mamamahala sa kanila.

5Aapihin ng mga tao ang bawat isa,

bawat isa laban sa kanyang kapwa.

Lalabanan ng mga bata ang matatanda,

at lalabanan ng mga hamak

ang mararangal.

6Susunggaban ng isang tao

ang kanyang kapatid

sa bahay ng kanyang ama at sasabihin,

“May damit ka pa, kaya ikaw na

ang mamuno sa amin;

Pamahalaan mo itong wasak na lugar.”

7Ngunit sa araw ding iyon

ay sasagot ang kapatid niya,

“Hindi ako ang lunas nito.

Wala rin akong pagkain

o damit sa bahay,

kaya huwag ninyo

akong gawing pinuno ninyo.”

8Sapagkat bumagsak na ang Jerusalem at Juda,

dahil ang kanilang mga salita at gawa

ay laban sa Panginoon .

Nilalapastangan nila

ang kaluwalhatian

ng kanyang presensya.

9Halatang-halata sa kanilang mga mukha

ang kanilang pagkakasala.

Hayagan silang gumagawa

ng kasalanan tulad ng Sodoma at Gomora.

Hindi na nila ito itinatago.

Nakakaawa sila!

Sila na mismo ang nagpapahamak

sa sarili nila.

10Sabihin ninyo sa mga matuwid

na mapalad sila,

dahil aanihin nila ang bunga

ng kanilang mabubuting ginawa.

11Ngunit nakakaawa ang masasamâ,

dahil darating sa kanila ang kapahamakan!

Gagantihan sila ayon sa mga ginawa nila.

12Inaapi ng mga kabataan

ang aking mga mamamayan.

Pinamumunuan sila ng mga babae.

Mga mamamayan ko,

nililinlang kayo ng mga pinuno ninyo.

Inaakay nila kayo sa maling daan.

13Nakahanda na ang Panginoon

para hatulan

ang kanyang mga mamamayan.

14Hahatulan na ng Panginoon

ang mga tagapamahala at mga pinuno

ng kanyang mga mamamayan.

Sabi niya,

“Kayo ang sumira ng aking ubasan.

Ang mga bahay ninyo ay puno ng mga bagay

na sinamsam ninyo sa mga mahihirap.

15Bakit ninyo inaapi ang aking mga mamamayan

at ginigipit ang mga mahihirap?”

Iyan ang sinabi ng

Panginoon ng mga Hukbo.

16Sinabi pa ng Panginoon ,

“Mapagmataas ang mga babae ng Jerusalem.

Nakataas ang noo habang naglalakad,

malandi kung tumingin,

umiindayog ang balakang sa paghakbang,

pinapakalansing pa ang mga alahas

sa kanilang mga paa.

17Kaya ang mga kababaihang ito ng Zion

ay magkakapigsa sa kanilang mga ulo;

gagawing kalbo ng Panginoon ang

kanilang mga anit.”

18Sa araw na iyon, kukunin ng Panginoon ang mga alahas sa kanilang paa, ulo, at leeg;

19mga hikaw, pulseras, belo,

20mga alahas sa buhok, braso, at sinturon, mga sisidlan ng pabango at mga anting-anting,

21mga singsing sa daliri at ilong,

22ang kanilang mga mamahaling damit, mga kapa at mga balabal, mga pitaka,

23at mga salamin, mga damit na gawa sa pinong lino, mga putong, at mga belo.

24Ang kapalit ng halimuyak

ay umaalingasaw na amoy.

At ang sinturon nilaʼy

mapapalitan ng lubid;

ang magaganda nilang buhok

ay makakalbo;

ang magagarang kasuotaʼy

mapapalitan ng sako;

ang kanilang kagandahaʼy

magiging kahihiyan.

25Ang inyong kalalakihaʼy

mamamatay sa digmaan,

ang inyong mga kawal

ay babagsak sa labanan.

26Pagtangis at pagluluksa

ang pupuno sa pintuan ng bayan,

parang babaeng maglulupasay

sa kanyang kawalan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.