The chat will start when you send the first message.
1Sinabi pa ng Panginoon , “Sa araw na iyon, akoʼy magiging Diyos ng buong angkan ng Israel at magiging hinirang ko sila.”
2Ito ang sinasabi ng Panginoon :
“Aalagaan ko ang mga natirang buháy
sa kanila mula sa digmaan
habang silaʼy naglalakbay sa ilang.
Magbabalik ako
upang bigyan ng kapahingahan ang Israel.”
3Noong una, ang Panginoon ay nagpakita sa mga Israelita at nagsabi:[#31:3 : O Mula sa malayo.]
“Inibig ko kayo ng pag-ibig na walang hanggan.
Sa aking kagandahang-loob,
pinalapit ko kayo sa akin.
4Muli ko kayong itatayo,
kayong mga taga-Israel,
na katulad ng isang birhen.
Muli kayong sasayaw sa tuwa
sa saliw ng inyong tamburin.
5Muli kayong magtatanim ng ubas
sa mga burol ng Samaria
at pakikinabangan ninyo
ang mga bunga nito.
6Darating ang araw na ang mga nagbabantay ng lungsod
ay sisigaw doon sa kabundukan ng Efraim,
‘Halikayo, pumunta tayo sa Jerusalem
upang sumamba sa Panginoon na ating Diyos.’ ”
7Ito ang sinabi ng Panginoon :
“Sumigaw kayo sa tuwa para sa Israel,
ang bansang pinakadakila
sa lahat ng bansa.
Magpuri kayo at sumigaw,
‘O Panginoon , iligtas mo
ang iyong mga mamamayan,
ang mga natitirang buhay
sa mga taga-Israel.’
8Makinig kayo! Ako ang kukuha sa kanila
at titipunin ko sila mula sa hilaga
at sa alinmang bahagi ng mundo.
Pati ang mga bulag at mga lumpo ay kasama,
ganoon din ang mga buntis at ang mga malapit nang manganak.
Napakalaking grupo ang uuwi.
9Mag-iiyakan sila sa tuwa at mananalangin habang dinadala ko sila pauwi.
Dadalhin ko sila sa mga bukal,
dadaan sila sa magandang daan
at hindi sila matitisod.
Sapagkat ako ang ama ng Israel;
at si Efraim ang panganay kong anak.
10“Mga bansa, pakinggan ninyo
ang mensahe ng Panginoon ;
at ibalita ninyo ito
sa malalayong lugar:
‘Ikinalat ko ang mga taga-Israel,
pero muli ko silang titipunin
at aalagaan ko sila
katulad ng pag-aalaga ng pastol
sa kanyang kawan ng tupa.’
11Sapagkat ililigtas ng Panginoon
ang mga lahi ni Jacob
sa kamay ng mga taong higit na makapangyarihan
kaysa sa kanila.
12Pupunta sila sa Bundok ng Zion
at sisigaw dahil sa kagalakan.
Magsasaya sila dahil sa mga pagpapala ng Panginoon sa kanila.
Magiging sagana ang mga trigo, ang bagong alak,
langis at mga hayop nila.
Silaʼy matutulad sa halamanang
palaging dinidiligan
at hindi na sila muling magdadalamhati.
13Kung magkagayon, ang kanilang mga dalagaʼt binata
pati ang matatanda ay sasayaw sa tuwa.
Papalitan ko ng kagalakan ang pag-iiyakan nila.
At sa halip na magdalamhati sila,
bibigyan ko sila ng kaaliwan.
14Bibigyan ko ng maraming handog ang mga pari.
Bubusugin ko ng masaganang pagpapala ang aking mga mamamayan,” sabi ng Panginoon .
15Sinabi pa ng Panginoon :
“May narinig na tinig sa Rama,
tumatangis at nananaghoy,
iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak,
at ayaw niyang magpaaliw,
dahil silaʼy pumanaw na.”
16Ngunit sinabi ng Panginoon :
“Huwag ka nang umiyak
dahil gagantimpalaan kita
sa mga ginawa mo.
Babalik ang mga anak mo
galing sa lupain ng mga kaaway.
17Kaya may pag-asa ka sa hinaharap,” sabi ng Panginoon .
“Sapagkat talagang babalik
ang mga anak mo sa sarili nilang lupain.”
18Narinig ko ang panaghoy ng mga taga-Efraim.
Sinabi nila, “Panginoon , kami po ay parang mga guya
na hindi pa sanay sa pamatok,
pero tinuruan nʼyo po kaming sumunod sa inyo.
Kayo ang Panginoon naming Diyos,
kaya ibalik na po ninyo kami
sa sarili naming lupain.
19Lumayo kami sa inyo noon,
pero nagsisisi na po kami ngayon.
Nang malaman po namin na nagkasala kami,
dinagukan po namin ang aming mga dibdib
sa pagsisisi.
Nahihiya po kami sa aming mga ginawa
noong aming kabataan.”
20Sumagot ang Panginoon ,
“Kayong mga mamamayan ng Efraim
ay aking minamahal na mga anak.
Kahit palagi akong nagsasalita laban sa inyo,
nalulugod pa rin ako sa inyo.
Nananabik ako
at nahahabag sa inyo.
21“Maglagay kayo ng mga tanda
at tulos na magiging gabay
sa inyong daan.
Tandaan ninyong mabuti ang inyong dinaanan
dahil diyan din kayo dadaan
pagbalik ninyo sa inyong bayan, Israel.
22Kailan pa kayo babalik sa akin,
mga anak kong naliligaw?
Gagawa ang Panginoon ng bagong bagay sa mundo,
ang babae na ang magtatanggol sa lalaki.”
23Sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel, “Kapag naibalik ko na sila mula sa pagkakabihag muling sasabihin ng mga taga-Juda, ‘Pagpalain nawa ng Panginoon ang banal na bundok ng Jerusalem, ang maunlad na lungsod na tinitirhan niya.’
24Maninirahan ang mga tao sa Juda at sa mga bayan nito, pati na ang mga magbubukid at mga pastol ng mga kawan.
25Sapagkat pagpapahingahin ko ang mga napapagod at bubusugin ko ang mga nanghihina dahil sa gutom.”
26“Sa aking paggising naramdaman kong nakabuti sa akin ang aking pagtulog.
27“Darating ang araw,” sabi ng Panginoon , “na pararamihin ko ang mga mamamayan ng Israel at Juda, pati ang mga hayop nila.
28Noong una ay winasak, giniba, at ibinuwal ko sila pero sa bandang huli, muli ko silang ibabangon at itatayo,” sabi ng Panginoon .
29“Sa panahong iyoʼy hindi na sasabihin ng mga tao,
‘Kumain ng maasim na ubas
ang mga magulang
at ang asim ay nalasahan
ng mga anak.’
30Sa halip, kung sino ang kumain ng maasim na ubas, siya lang ang makakalasa ng asim nito. Ang taong nagkasala lang ang siyang mamamatay.”
31Sinabi pa ng Panginoon , “Darating ang panahon
na gagawa ako ng bagong kasunduan
sa mga taga-Israel
at taga-Juda.
32At hindi ito katulad ng unang kasunduan
na ginawa ko sa kanilang mga ninuno
noong pinatnubayan ko sila
sa paglabas sa Ehipto.
Kahit na akoʼy parang asawa nila,
hindi nila tinupad ang una naming kasunduan,”
sabi ng Panginoon .
33“Ito ang bagong kasunduan
na gagawin ko sa mga mamamayan
ng Israel pagdating
ng araw na iyon,”
sabi ng Panginoon .
“Itatanim ko sa kanilang isipan
ang aking kautusan,
at isusulat ko ito sa mga puso nila.
34Hindi na nila kailangan pang turuan
ang mga kababayan o kapatid nila
na kilalanin ang Panginoon.
Sapagkat patatawarin ko ang kanilang kasamaan
at kakalimutan ko na
ang kanilang mga kasalanan,”
sabi ng Panginoon .
35Sinabi pa ng Panginoon ,
“Ako ang nag-utos sa araw
upang magbigay-liwanag sa maghapon,
at sa buwan at mga bituin
na magbigay-liwanag sa magdamag.
At ako ang kumakalawkaw ng dagat
hanggang sa umugong ang mga alon. Makapangyarihang Panginoon
ang aking pangalan.
36Habang nananatili ang langit
at ang mundo,
mananatili rin ang bansang Israel
magpakailanman.”
37Ito ang sinasabi ng Panginoon :
“Kung paanong hindi masusukat ang langit
at hindi malalaman ang pundasyon ng lupa,
ganoon din naman, hindi ko maitatakwil
ang lahat ng angkan ng Israel
kahit na marami silang nagawang kasalanan,”
sabi ng Panginoon .
38Patuloy na sinabi ng Panginoon , “Darating ang panahon na ang lungsod ng Jerusalem ay muling itatayo mula sa Tore ni Hananel hanggang sa Panulukang Pintuan.
39Mula sa mga lugar na iyon, magpapatuloy ang hangganan patungo sa burol ng Gareb at saka liliko sa Goa.
40Ang buong lambak na tinatapunan ng mga bangkay at mga basura ay nakatalaga sa Panginoon pati ang lahat ng bukirin sa Lambak ng Kidron hanggang sa pintuan na tinatawag na Kabayo sa silangan. Ang lungsod na itoʼy hindi na mawawasak o muling magigiba.”