The chat will start when you send the first message.
1-2Sinabi pa ng Panginoon ng mga Hukbo sa mga pari, “Ito ang aking babala sa inyo: Kung hindi ninyo pakikinggan ang sinasabi ko at hindi ninyo pahahalagahan ang pagpaparangal sa akin, susumpain ko kayo, pati na ang mga pagpapalang tinatanggap ninyo bilang mga pari. Sa katunayan, ginawa ko na iyan dahil hindi ninyo pinahahalagahan ang pagpaparangal sa akin.[#2:1‑2 : O susumpain ko kayo at gagawin kong sumpa ang mga pagpapalang inyong iginagawad sa mga tao.]
3“Makinig kayo! Dahil sa inyo, parurusahan ko ang inyong mga lahi. Isasaboy ko sa inyong mukha ang dumi ng mga hayop na inyong inihahandog at itatapon din kayo sa tapunan ng mga dumi.
4Dapat ninyong malaman na binabalaan ko kayo upang magpatuloy ang aking kasunduan sa inyong ninunong si Levi,” sabi ng Panginoon ng mga Hukbo.
5Sa aking kasunduan kay Levi, ipinangako ko sa kanya ang buhay at kapayapaan, basta igalang lamang niya ako. At iyan nga ang kanyang ginawa.[#2:5 : Maaaring ang ibig sabihin ay mabuti at mahabang buhay.]
6Itinuro niya ang katotohanan at hindi ang kasinungalingan. Mapayapa ang pakikitungo niya sa akin at namuhay siya nang matuwid. At tinulungan niya ang maraming tao upang huwag nang gumawa ng kasalanan.
7“Sa katunayan, tungkulin ninyong mga pari na turuan ang mga tao, na malaman nila ang tungkol sa akin. At dapat naman silang magpaturo sa inyo, dahil mga sugo kayo ng Panginoon ng mga Hukbo.
8Ngunit hindi ninyo sinunod ang aking mga pamamaraan. Ang mga turo ninyo ang nagtulak sa marami para magkasala. Sinira ninyo ang kasunduan ko sa ninuno ninyong si Levi,” sabi ng Panginoon ng mga Hukbo.
9“Kaya ipinahamak at ipinahiya ko kayo sa lahat ng tao dahil hindi ninyo sinunod ang aking mga pamamaraan, at may kinikilingan kayo sa inyong pagtuturo.”
10Sinabi ni Malakias sa mga Israelita: Hindi baʼt iisa ang ating ama? At iisang Diyos ang lumalang sa atin? Bakit hindi tayo nagiging tapat sa isaʼt isa? Sa ginagawa nating ito, nilalabag natin ang kasunduan ng Diyos sa ating mga ninuno.[#2:10 : Maaaring ang tinutukoy ay si Abraham o ang Diyos.]
11Naging taksil ang mga taga-Juda. Gumawa sila ng kasuklam-suklam sa Jerusalem at sa buong bansa ng Israel. Sapagkat dinungisan nila ang templo na mahal ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapakasal sa mga babaeng sumasamba sa ibang mga diyos.[#2:11 : O piniling mga mamamayan.]
12Huwag na sanang ituring na kabilang sa mga mamamayan ng Israel ang mga taong gumagawa nito, pati na ang mga anak nila at mga apo, kahit na maghandog pa sila sa Panginoon ng mga Hukbo.[#2:12 : Ito ang nasa Syriac at sa Targum, pero sa Hebreo ay hindi malinaw.]
13Ito pa ang inyong ginagawa: Iyak kayo nang iyak sa altar ng Panginoon dahil hindi na niya pinapansin ang inyong mga handog at hindi na siya nalulugod sa mga iyon.
14Itinatanong ninyo, “Bakit?” Sapagkat saksi ang Panginoon na nagtaksil kayo sa asawa na inyong pinakasalan noong inyong kabataan. Sinira ninyo ang inyong kasunduan na magiging tapat kayo sa isaʼt isa.
15Hindi baʼt pinag-isa kayo ng Diyos sa katawan at sa espiritu para maging kanya? At bakit niya kayo pinag-isa? Sapagkat gusto niyang magkaroon kayo ng mga anak na makadiyos. Kaya siguraduhin ninyong hindi kayo magtataksil sa babaeng pinakasalan ninyo noong inyong kabataan.[#2:15 : O Walang taong gagawa ng ganyan kung pinangungunahan siya ng Espiritu kahit papaano.]
16Sapagkat sinabi ng Panginoon , ang Diyos ng Israel, “Ayaw kong maghiwalay ang mag-asawa. Kung hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa, itoʼy pagmamalupit sa asawang babae,” sabi ng Panginoon ng mga Hukbo.
Kaya siguraduhin ninyong hindi kayo magtataksil sa inyong asawa.
17Sawang-sawa na ang Panginoon sa inyong mga sinasabi.
Pero itinatanong pa ninyo, “Ano ang ikinasasawa niya sa amin?”
Sinasabi ninyo na mabuti sa paningin ng Panginoon ang lahat ng gumagawa ng masama at natutuwa siya sa kanila. Pakutya ninyong sinasabi, “Nasaan na ang Diyos ng katarungan?”