1Mga taga-Jerusalem,
ihanda ninyo ang inyong mga kawal,
dahil napapaligiran na kayo
ng mga kalaban.
Hahampasin nila ng tungkod
ang mukha ng pinuno ng Israel.
2Sinabi ng Panginoon ,
“Bethlehem Efrata,
kahit na isa ka sa pinakamaliit
na bayan sa Juda,
manggagaling sa iyo
ang taong maglilingkod sa akin
bilang pinuno ng Israel.
Ang kanyang mga ninuno
ay kilalang-kilala noong
unang panahon.”
3Kaya ang mga mamamayan ng Israel
ay ipapaubaya ng Panginoon
sa kanilang mga kaaway
hanggang sa maisilang
ng babaeng namimilipit sa sakit
ang sanggol na lalaki
na mamumuno sa Israel.
Pagkatapos,
ang mga kababayan ng pinunong ito
na nabihag ng ibang bansa
ay babalik sa kanilang mga kapwa Israelita.
4Pamamahalaan niya
ang mga mamamayan ng Israel
sa pamamagitan ng lakas
at kapangyarihan ng Panginoon .
Ang katulad niyaʼy isang pastol
na nagbabantay ng kanyang kawan.
Kaya mamumuhay sila nang mapayapa
dahil kikilalanin ng mga tao
sa buong mundo
ang kanyang kadakilaan.
5Siya ang magdadala ng kapayapaan.
Kapag sinalakay ng Asiria ang ating bansa
at pasukin ang mga muog ng ating lungsod,
ihaharap natin sa kanila
ang ating mga malalakas na pinuno.
6Tatalunin nila
at pamumunuan ang Asiria,
ang lupain ni Nimrod,
sa pamamagitan ng kanilang mga tabak.
Kaya ililigtas nila tayo
kapag sinalakay ng mga taga-Asiria
ang ating bansa.
7Ang mga natitirang Israelita
ay magiging pagpapala sa maraming bansa.
Magiging tulad sila ng hamog at ulan
na ibinibigay ng Panginoon
upang tumubo ang mga tanim.
Magtitiwala sila sa Diyos at hindi sa tao.
8Ngunit magdadala rin sila
ng kapahamakan sa mga bansa.
Magiging tulad sila ng leon
na matapang sumalakay
sa mga hayop sa kagubatan
at sa kawan ng mga tupa sa pastulan.
Kapag sumalakay ang leon,
nilulundagan nito ang kanyang biktima
at nilalapa,
at hindi ito makakaligtas sa kanya.
9Magtatagumpay ang mga Israelita
laban sa kanilang mga kalaban.
Lilipulin nila silang lahat.
10Sinabi ng Panginoon ,
“Sa mga araw na iyon,
ipapapatay ko ang inyong mga kabayo
at sisirain ko ang inyong mga karwahe.
11Gigibain ko ang inyong mga lungsod
pati na ang mga napapaderang lungsod.
12Sisirain ko ang inyong mga anting-anting
at maglalaho ang inyong mga mangkukulam.
13Hindi na kayo sasamba sa mga imahen
at sa mga alaalang bato na inyong ginawa,
dahil wawasakin ko ang mga ito.
14Sisirain ko rin
ang inyong mga imahen
ng diyosang si Ashera.
At wawasakin ko ang inyong mga lungsod.
15Sa aking matinding galit,
maghihiganti ako sa mga bansang
sumuway sa akin.”