1Dalawang araw na lang noon bago sumapit ang Pista ng Paglampas ng Anghel at Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ang mga namamahalang pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan ay naghahanap ng pagkakataon upang lihim nilang madakip at maipapatay si Hesus.[#14:1 : Tingnan sa Exo. 12:1‑30 kung paano nagsimula ang pistang ito.]
2Sinabi nila, “Huwag nating gawin sa pista dahil baka magkagulo ang mga tao.”
3Habang si Hesus ay nasa Betania at kumakain sa bahay ni Simon na dating may malubhang sakit sa balat, dumating ang isang babae. May dala itong mamahaling pabangong nasa sisidlang alabastro. Ang pabangong ito ay gawa sa purong nardo. Binasag niya ang leeg ng sisidlan at saka ibinuhos ang pabango sa ulo ni Hesus.
4Nagalit ang ilang tao na naroon. Sinabi nila, “Bakit niya sinayang ang pabango?
5Maipagbibili sana iyon sa halagang katumbas ng isang taóng suweldo, at maibibigay ang pera sa mga mahihirap.” At pinagalitan nila ang babae.
6Ngunit sinabi ni Hesus, “Pabayaan ninyo siya! Bakit nʼyo siya pinupuna? Mabuti itong ginawa niya sa akin.
7Ang mga mahihirap ay palagi ninyong makakasama at maaari kayong tumulong sa kanila kahit anong oras, pero ako ay hindi nʼyo laging makakasama.
8Ginawa ng babaeng ito ang makakaya niya para sa akin. Binuhusan niya ng pabango ang katawan ko bilang paghahanda sa aking libing.
9Sinasabi ko sa inyo ang totoo, saan mang sulok ng mundo ipangaral ang Magandang Balita, ipapahayag din ang ginawa niyang ito sa akin bilang pag-alaala sa kanya.”
10Si Judas Iscariote na isa sa labindalawang alagad ay pumunta sa mga namamahalang pari upang ipagkanulo si Hesus.
11Natuwa sila nang malaman nila ang pakay ni Judas, at nangako silang bibigyan siya ng pera. Kaya mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataong maipagkanulo si Hesus.
12Dumating ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, ang araw na pinapatay ang tupang hinahandog bilang pag-alaala sa Paglampas ng Anghel. Kaya tinanong si Hesus ng mga alagad niya, “Saan nʼyo po kami gustong maghanda ng hapunan para sa Pista ng Paglampas ng Anghel?”
13Inutusan niya ang dalawa sa mga alagad niya, “Pumunta kayo sa lungsod. Doon, may makakasalubong kayong isang lalaki na may pasan-pasang banga ng tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na papasukan niya,
14at sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung saan ang kuwartong kakainan niya ng hapunan kasama ang mga alagad niya upang ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel.’
15Ituturo niya sa inyo ang isang malaking kuwarto sa itaas, kumpleto na ng kagamitan at nakahanda na. Doon kayo maghanda ng hapunan natin.”
16Pumunta nga sa lungsod ang dalawa niyang alagad at nakita nila ang lahat ayon sa sinabi niya sa kanila. At doon sila naghanda ng hapunan para sa Pista.
17Kinagabihan, dumating si Hesus at ang labindalawang alagad.
18Habang kumakain sila sa mesa, sinabi ni Hesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ipagkakanulo ako ng isa sa inyo na kasalo ko sa pagkain.”
19Nalungkot sila nang marinig ito, at isa-isa silang nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba?”
20Sinabi ni Hesus sa kanila, “Isa siya sa inyong labindalawa. Siya ang kasama kong nagsasawsaw ng tinapay sa mangkok.
21Ang Anak ng Tao ay papatayin ayon sa sinasabi sa Kasulatan, ngunit nakakaawa ang taong magkakanulo sa Anak ng Tao. Mas mabuti pa para sa kanya kung hindi na lamang siya ipinanganak.”
22Habang kumakain sila, kumuha ng tinapay si Hesus. Nagpasalamat siya sa Diyos at pagkatapos ay pinagpira-piraso niya ito at ibinigay sa mga alagad niya at sinabi, “Kunin ninyo ito; ito ang aking katawan.”
23Pagkatapos, kumuha siya ng isang kopang may inumin, nagpasalamat sa Diyos, at ibinigay sa kanila. At uminom silang lahat mula sa kopang iyon.
24Sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking dugo na ibubuhos para sa maraming tao. Ito ang katibayan ng bagong kasunduan ng Diyos sa mga tao.
25Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi na ako muling iinom ng inuming mula sa ubas hanggang sa araw na iinom ako ng bagong inumin sa kaharian ng Diyos.”
26Umawit sila ng papuri sa Diyos at pagkatapos ay pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo.
27Sinabi ni Hesus sa mga alagad niya, “Iiwan ninyo akong lahat, dahil sinabi ng Diyos sa Kasulatan:
‘Papatayin ko ang pastol
at magsisipangalat ang mga tupa.’
28Ngunit pagkatapos na ako ay muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”
29Sinabi ni Pedro kay Hesus, “Kahit iwanan po kayo ng lahat, hindi ko kayo iiwanan.”
30Sinagot siya ni Hesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, bago tumilaok ang manok nang pangalawang beses ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.”
31Ngunit iginiit pa rin ni Pedro, “Hinding-hindi ko kayo ikakaila, kahit na patayin pa akong kasama ninyo.” At ganoon din ang sinabi ng iba niyang kasamahan.
32Pagkatapos, pumunta si Hesus at ang kanyang mga alagad sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Pagdating nila roon, sinabi ni Hesus sa kanila, “Maupo kayo rito habang nananalangin ako.”
33Isinama niya sina Pedro, Santiago, at Juan sa di-kalayuan. Balisang-balisa at nababahala si Hesus.
34Sinabi niya sa kanila, “Para akong mamamatay sa labis na kalungkutan. Dito lang kayo at magpuyat.”
35Lumayo siya nang kaunti, lumuhod sa lupa at nanalangin na kung maaari ay huwag na niyang danasin ang paghihirap na kanyang haharapin.
36Sinabi niya, “Ama, magagawa nʼyo ang lahat ng bagay. Kung maaari, ilayo nʼyo sa akin ang mga paghihirap na darating. Ngunit hindi ang kalooban ko ang masusunod kundi ang kalooban ninyo.”[#14:36 : Sa literal, ang kopang ito.]
37Binalikan ni Hesus ang tatlo niyang alagad at dinatnan silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Simon, natutulog ka ba? Hindi ka ba makapagpuyat kahit isang oras lang?
38Magpuyat kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso. Ang espiritu ay handang sumunod, ngunit mahina ang laman.”[#14:38 : Maaaring ang ibig sabihin nito ay gusto ng kanilang espiritu na magpuyat at manalangin, kaya lang ay hindi kaya ng kanilang katawan.]
39Muling lumayo si Hesus at nanalangin. Ganoon pa rin ang kanyang dalangin.
40Pagkatapos, muli niyang binalikan ang mga alagad niya at nadatnan na naman niya silang natutulog, dahil antok na antok na sila. At nang gisingin sila ni Hesus, nahiya sila at hindi nila alam kung ano ang sasabihin nila sa kanya.
41Sa ikatlong pagbalik ni Hesus, sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tama na iyan! Dumating na ang oras na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa kamay ng mga makasalanan.
42Tayo na! Narito na ang nagkanulo sa akin.”
43Nagsasalita pa si Hesus nang biglang dumating si Judas na isa sa labindalawang alagad. Marami siyang kasama at may mga dala silang espada at pamalo. Isinugo sila ng mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng mga Hudyo.
44Ganito ang palatandaan na ibinigay ng traydor na si Judas sa mga huhuli kay Hesus: “Ang babatiin ko sa pamamagitan ng isang halik ang siyang pakay ninyo. Dakpin ninyo siya at dalhin, at bantayang mabuti.”
45Kaya nang dumating si Judas, agad siyang lumapit kay Hesus at bumati, “Guro!” sabay halik sa kanya.
46At dinakip agad ng mga tao si Hesus.
47Bumunot ng espada ang isa sa mga alagad ni Hesus at tinaga ang alipin ng punong pari, at natagpas ang tainga nito.
48Sinabi ni Hesus sa mga humuli sa kanya, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo upang dakpin ako?
49Araw-araw ay nasa Templo ako at nagtuturo, at naroon din kayo. Bakit hindi ninyo ako dinakip? Ngunit kailangang mangyari ito upang matupad ang sinasabi ng Kasulatan.”
50Iniwan siya noon din ng mga alagad niya at nagsitakas sila.
51May isang binata roon na sumunod kay Hesus na nakabalabal lang ng telang lino. Dinakip din siya ng mga sundalo,
52ngunit nakawala siya at tumakas na hubad at naiwan ang kanyang balabal.
53Dinala nila si Hesus sa bahay ng punong pari. Nagtipon doon ang lahat ng namamahalang pari, mga pinuno ng mga Hudyo at ang mga tagapagturo ng Kautusan.
54Samantala, sumunod din doon si Pedro ngunit hindi siya lumapit kay Hesus. Pumasok siya sa bakuran ng bahay ng punong pari at nakiupo sa mga guwardiya na nagpapainit sa tabi ng apoy.
55Doon sa loob, ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Sanhedrin ay nagsisikap na makakuha ng mga ebidensya laban kay Hesus upang mahatulan siya ng kamatayan. Ngunit wala silang makuha.
56Marami ang sumasaksi ng kasinungalingan laban kay Hesus, pero magkakasalungat naman ang mga sinasabi nila.
57May ilang sumasaksi ng kasinungalingang ito laban kay Hesus. Sinabi nila,
58“Narinig po naming sinabi niya, ‘Gigibain ko ang Templong ito na gawa ng tao, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng ibang Templo na hindi gawa ng tao!’ ”
59Ngunit hindi rin magkakatugma ang sinasabi nila.
60Tumayo sa gitna ang punong pari at tinanong si Hesus, “Wala ka bang maisasagot sa mga paratang na ito laban sa iyo?”
61Ngunit nanatiling walang imik si Hesus at hindi sumagot.
Kaya tinanong siyang muli ng punong pari, “Ikaw ba ang Mesias, ang Anak ng Kapuri-puring Diyos?”
62Sumagot si Hesus, “Ako nga siya, at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos. At makikita rin ninyo siya sa mga ulap na paparating dito sa mundo.”
63Nang marinig ito ng punong pari, pinunit niya ang kanyang damit sa galit at sinabi, “Hindi na natin kailangan ng mga saksi!
64Narinig ninyo ang paglapastangan niya sa Diyos. Ano ngayon ang hatol ninyo?”
At hinatulan nila si Hesus ng kamatayan.
65Dinuraan siya ng ilang naroon. Piniringan din siya at sinuntok, at tinanong, “Sige nga, hulaan mo kung sino ang sumuntok sa iyo?” Pagkatapos, kinuha siya ng mga guwardiya at pinagbubugbog.
66Habang nasa loob pa ng bakuran si Pedro, dumaan ang isang babaeng utusan ng punong pari.
67Nang makita niya si Pedro na nagpapainit sa apoy, tinitigan niya ito.
Sinabi niya, “Kasama ka rin ni Hesus na taga-Nazaret, hindi ba?”
68Ngunit itinanggi ito ni Pedro, “Hindi ko alam ang sinasabi mo.” Pagkatapos, umalis siya roon at pumunta sa may labasan, at noon din ay tumilaok ang manok.
69Nakita na naman siya roon ng babaeng utusan, kaya sinabi ng babae sa mga taong naroon, “Ang taong iyan ay isa rin sa mga kasamahan ni Hesus.”
70Ngunit muling itinanggi ito ni Pedro.
Maya-maya, sinabi ng mga taong naroon, “Isa ka nga sa mga kasamahan niya, dahil taga-Galilea ka rin!”
71Ngunit sumumpa si Pedro, “Kahit mamatay man ako, hindi ko talaga kilala ang taong sinasabi ninyo.”
72Noon din ay muling tumilaok ang manok, at naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Hesus, “Bago tumilaok ang manok nang dalawang beses, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” At humagulgol siya.