The chat will start when you send the first message.
1Anak, kung nais mong maglingkod sa Panginoon,
humanda ka sa mga pagsubok.
2Maging tapat ka at magpakatatag,
huwag kang masisiraan ng loob sa panahon ng kasawian.
3Manalig ka sa Panginoon at huwag kang lalayo sa kanya,
upang ikaw ay parangalan sa katapusan ng iyong buhay.
4Tanggapin ang anumang ipagkaloob niya sa iyo,
tiisin mo ang kabiguan kahit ano ang mangyari.
5Kung ang ginto ay dinadalisay sa apoy,[#Kar. 3:5-6; 1 Ped. 1:7.]
ang banal ay sinusubok ng Panginoon sa apoy ng paghamak.
6Magtiwala ka at tutulungan ka niya,
mamuhay ka sa katuwiran at umasa sa kanya.
7Kayong may paggalang sa Panginoon, maghintay kayo ng kanyang habag;
huwag kayong lalayo sa kanya nang hindi kayo mapahamak.
8Kayong may paggalang sa Panginoon, magtiwala kayo sa kanya,
at siguradong tatanggap kayo ng gantimpala.
9Kayong lahat na may paggalang sa Panginoon, umasa kayo sa kanyang pagpapala.
Asahan ninyo ang kanyang pagkahabag at kagalakang walang hanggan.
10Tingnan ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno:
May nagtiwala ba sa Panginoon at nabigo?
May nanatili bang naglilingkod sa kanya na kanyang pinabayaan?
May tumawag ba sa kanya na hindi niya dininig?
11Sapagkat maawain at mapagpatawad ang Panginoon,
pinatatawad niya tayo sa ating kasalanan at inililigtas sa kagipitan.
12Kawawa ang mahihinang-loob at mga tamad,
kawawa ang makasalanang mapagkunwari.
13Kawawa ang mahihina ang loob! Ayaw nilang magtiwala,
kaya hindi naman sila tatangkilikin.
14Kawawa kayong mga nawalan ng pag-asa at ayaw nang makibaka,
ano ang gagawin ninyo kapag pinarusahan kayo ng Panginoon?
15Ang mga may paggalang sa Panginoon at di sumusuway sa kanyang utos,[#Kar. 6:18; Jn. 14:15, 21, 23.]
ang mga umiibig sa kanya'y namumuhay ayon sa kanyang kalooban.
16Ang mga may paggalang sa Panginoon ay nagsisikap na siya'y bigyang-lugod;
ang kanyang Kautusan ang umiiral sa buhay ng mga umiibig sa kanya.
17Ang mga may paggalang sa Panginoon ay handang maglingkod sa kanya,
nagpapakababa sila sa kanyang harapan. Sabi nila,
18“Ipinagkakatiwala natin ang ating buhay sa Panginoon sa halip na sa mga tao,
sapagkat kapantay ng kanyang kamahalan ang kanyang habag.”