1Anak, huwag mong aalisan ng ikabubuhay ang mahihirap
at huwag mong paghihintayin ang nangangailangan.
2Huwag mong dudustain ang nagugutom,
at huwag mong gagalitin ang taong nasa mahigpit na pangangailangan.
3Huwag mong dadagdagan ng suliranin ang taong masama ang loob,
at huwag mong ipagpaliban ang pagtulong sa maralita.
4Huwag mong tatanggihan ang hiling ng nasa kasawian;
huwag mong tatalikuran ang taong dukha.
5Huwag mong iiwasan ang nangangailangan;
huwag mo siyang bibigyan ng dahilang sumpain ka.
6Kung sumpain ka niya sa gitna ng mapait niyang karanasan,
diringgin ng Maykapal ang kanyang dalangin.
7Sikapin mong kalugdan ka ng lipunan;
igalang mo ang mga may kapangyarihan.
8Pakinggan mo ang daing ng maralita;
sagutin mo siya nang banayad at payapa.
9Iligtas mo ang naaapi sa kamay ng mang-aapi,
at magpakatatag ka kapag ikaw ay humahatol.
10Maging isa kang ama sa mga ulila;
bigyan mo ang mga biyuda ng tulong na hindi na maidulot ng yumaong asawa;
aariin kang anak ng Kataas-taasang Diyos
at iibigin ka niya nang higit pa sa pag-ibig ng isang ina.
11Kinakalinga ng Karunungan ang mga humahanap sa kanya;
sila'y kanyang tinuturuan.
12Ang nagmamahal sa kanya'y nagpapahalaga sa buhay;
ang maagang naghihintay sa kanya ay magtatamasa ng kaligayahan.
13Ang nagkamit ng Karunungan ay magtatamo ng karangalan,
pagpapalain siya ng Panginoon saanman siya pumunta.
14Ang naglilingkod sa Karunungan ay naglilingkod sa Panginoon;
iibigin ng Panginoon ang sinumang umiibig sa Karunungan.
15Ang sumusunod sa kanya'y humahatol nang wasto;[#15 Sa tekstong Griego ay .]
ang nagpapahalaga sa kanya'y nabubuhay nang matiwasay.
16Magtiwala ka sa Karunungan at kakamtan mo siya;
mananatili siya sa iyong lahi hanggang sa iyong kaapu-apuhan.
17Sa pasimula'y isasama ka niya sa mga liku-likong landas,
tatakutin ka niya at pupunuin ng alalahanin.
Pagtitiisin ka niya ng bigat ng kanyang mga tuntunin,
at susubukin ka niya sa pamamagitan ng kanyang mga utos,
hanggang sa ikaw ay pagtiwalaan niya.
18Pagkatapos, agad-agad ka niyang lalapitan;
ihahayag niya sa iyo ang kanyang mga lihim, at bibigyan ka niya ng kaligayahan.
19Ngunit kapag siya'y iyong tinalikuran,
pababayaan ka niya at mabubulid ka sa kapahamakan.
20Gawin mo ang lahat sa tamang panahon at umiwas kang lagi sa masama.
Huwag mong hahamakin ang iyong sarili.
21Ang kababaang-loob ay kapuri-puri at marapat igalang,
ngunit ang paghamak sa sarili ay kasalanan.
22Huwag mong bayaang pagsamantalahan ka ng iba;
huwag mong ipahamak ang iyong sarili dahil sa di pagtatanggol sa iyong mga karapatan.
23Huwag kang mag-atubiling magsalita kung napapanahon,
at huwag mong itago ang iyong karunungan.
24Ang karunungan ay nakikilala sa pananalita;
ang pinag-aralan mo ay makikilala sa iyong pangungusap.
25Huwag kang magsasalita laban sa katotohanan,
at huwag mong kalilimutang marami kang di nalalaman.
26Huwag mong ikahihiyang ipahayag ang iyong mga kasalanan;
hindi mo mapipigilan ang agos ng ilog.
27Huwag kang paiilalim sa hangal,
at huwag mo namang kikilingan ang makapangyarihan.
28Ipakipaglaban mo ang katotohanan hanggang kamatayan,
at ipaglalaban ka ng Panginoong Diyos.
29Huwag kang pabigla-bigla sa pananalita;
huwag ka namang babagal-bagal sa paggawa.
30Huwag kang mag-asal leon sa iyong tahanan,
at huwag kang magmalupit sa iyong mga katulong.
31Huwag laging nakabuka ang palad mo para tumanggap,[#Gw. 20:35.]
ngunit huwag ding nakakimkim nang mahigpit kapag napapanahong magbayad.