Mga Hebreo 1

Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng Kanyang Anak

1Noong una, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta.

2Ngunit sa mga huling araw na ito, siya'y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan ng Anak ay nilikha ng Diyos ang sanlibutan, at siya ang piniling tagapagmana ng lahat ng bagay.[#Kar. 7:22.]

3Nakikita sa Anak ang kaluwalhatian ng Diyos. Kung ano ang Diyos ay gayundin ang Anak. Siya ang nag-iingat sa sansinukob sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita. Pagkatapos niyang linisin tayo sa ating mga kasalanan, siya'y umupo sa kanan ng Makapangyarihan doon sa langit.[#Kar. 7:25-26; 8:1.]

Mas Dakila ang Anak kaysa sa mga Anghel

4Ang Anak ay ginawang higit na dakila kaysa mga anghel, tulad ng pangalan na ibinigay sa kanya ng Diyos ay higit na dakila.

5Sapagkat kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel,[#Awit 2:7; 2 Sam. 7:14; 1 Cro. 17:13.]

“Ikaw ang aking Anak,

mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.”

Ni hindi rin niya sinabi sa kaninumang anghel,

“Ako'y magiging kanyang Ama,

at siya'y magiging aking Anak.”

6At nang isusugo na ng Diyos ang kanyang panganay na Anak sa sanlibutan ay sinabi niya,[#Deut. 32:43 (LXX).]

“Dapat siyang sambahin ng lahat ng mga anghel ng Diyos.”

7Tungkol naman sa mga anghel ay sinabi niya,[#Awit 104:4 (LXX).]

“Ginawa niyang hangin ang kanyang mga anghel,

at ningas ng apoy ang kanyang mga lingkod.”

8Ngunit tungkol sa Anak ay sinabi niya,[#Awit 45:6-7.]

“Ang iyong trono, O Diyos, ay magpakailan pa man,

ikaw ay maghaharing may katarungan.

9Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi;

kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili;

higit sa sinumang hari, kagalakang natatangi.”

10Sinabi pa rin niya,[#Awit 102:25-27 (LXX).]

“Panginoon, nang pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan,

at ang mga kamay mo ang siyang gumawa ng kalangitan.

11Maliban sa iyo, lahat ay lilipas,

at tulad ng damit, lahat ay kukupas,

12at ililigpit mong gaya ng isang balabal,

at tulad ng damit, sila'y papalitan.

Ngunit mananatili ka at hindi magbabago,

walang katapusan ang mga taon mo.”

13Kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel,[#Awit 110:1.]

“Maupo ka sa kanan ko,

hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”

14Ano ang mga anghel, kung ganoon? Sila'y mga espiritung naglilingkod sa Diyos at mga isinugo upang tumulong sa mga magkakamit ng kaligtasan.[#Tob. 12:14-15.]

New Testament © 2012 Philippine Bible Society Old Testament © 2005 Philippine Bible Society
Published by: Philippine Bible Society