I MGA TAGA CORINTO 16

1Ngayon tungkol sa ambagan sa mga banal, ay gawin din naman ninyong gaya ng iniutos ko sa mga iglesia ng Galacia.[#Gawa 24:17.; #Rom. 12:13.; #1 Cor. 11:34.; #1 Cor. 11:16.; #Gawa 16:6.]

2Tuwing unang araw ng sanglinggo ang bawa't isa sa inyo ay magbukod na magsimpan, ayon sa kaniyang iginiginhawa, upang huwag nang gumawa ng mga ambagan sa pagpariyan ko.[#Gawa 20:7; Apoc. 1:10.; #2 Cor. 8:3, 11.; #2 Cor. 9:3.]

3At pagdating ko, ang sinomang inyong mamagalingin, ay sila ang aking susuguin na may mga sulat upang makapagdala ng inyong abuloy sa Jerusalem:[#2 Cor. 8:4, 6, 19.]

4At kung nararapat na ako naman ay pumaroon, sila'y isasama ko.

5Nguni't ako'y paririyan sa inyo, pagkaraan ko sa Macedonia; sapagka't magdaraan ako sa Macedonia;[#Gawa 19:21.]

6Datapuwa't marahil ako'y matitira sa inyo o makikisama sa inyo sa taginaw, upang ako'y tulungan ninyo sa aking paglalakbay saan man ako pumaroon.[#Gawa 15:3.]

7Sapagka't hindi ko ibig na kayo'y makita ngayon sa paglalakbay; sapagka't inaasahan kong ako'y makikisama sa inyong kaunting panahon, kung itutulot ng Panginoon.[#2 Cor. 1:15, 16.]

8Datapuwa't ako'y titigil sa Efeso hanggang sa Pentecostes;[#Gawa 18:19.; #Gawa 20:16.]

9Sapagka't sa akin ay nabuksan ang isang pintuang malaki at mapapakinabangan, at marami ang mga kaaway.[#Gawa 14:27.; #Gawa 19:9.]

10Ngayon kung dumating si Timoteo, ingatan ninyo na siya'y mapasainyo na walang pangamba; sapagka't ginagawa niya ang gawain ng Panginoon, na gaya ko rin naman:[#1 Cor. 4:17; 2 Cor. 1:1.; #Rom. 16:21; 1 Tes. 3:2.]

11Sinoman nga ay huwag humamak sa kaniya. Kundi tulungan ninyo siyang payapa sa kaniyang paglalakbay, upang siya'y makaparito sa akin: sapagka't inaasahan ko siya'y kasama ng mga kapatid.[#1 Tim. 4:12.]

12Nguni't tungkol sa kapatid na si Apolos, ay ipinamanhik ko sa kaniyang malabis na siya'y pumariyan sa inyong kasama ng mga kapatid: at sa anomang paraan ay hindi niya kalooban na pumariyan ngayon; nguni't paririyan pagkakaroon niya ng panahon.[#Gawa 18:24; 1 Cor. 1:12; 3:5.]

13Magsipagingat kayo, mangagpakatibay kayo sa pananampalataya, kayo'y mangagpakalalake, kayo'y mangagpakalakas.[#Mat. 24:42.; #Fil. 1:27; 4:1.; #1 Sam. 4:9.; #Ef. 3:16.]

14Gawin ninyo sa pagibig ang lahat ninyong ginagawa.[#1 Cor. 14:1.]

15Ipinamamanhik ko nga sa inyo, mga kapatid (nalalaman ninyo na ang sangbahayan ni Estefanas ay siyang pangunahing bunga ng Acaya, at nangagsitalaga sa paglilingkod sa mga banal),[#1 Cor. 1:16.; #Rom. 16:5.; #Gawa 18:12.; #2 Cor. 8:4.]

16Na kayo'y pasakop naman sa mga gayon, at sa bawa't tumutulong sa gawa at nagpapagal.[#1 Tes. 5:12.]

17At ikinagagalak ko ang pagdating ni Estefanas at ni Fortunato at ni Acaico: sapagka't ang kakulangan ninyo ay pinunan nila.[#2 Cor. 11:9; Fil. 2:30.]

18Sapagka't inaliw nila ang aking espiritu at ang inyo: magsikilala nga kayo sa mga gayon.

19Binabati kayo ng mga iglesia sa Asia. Kayo'y binabating malabis sa Panginoon ni Aquila at ni Prisca pati ng iglesiang nasa kanilang bahay.[#Gawa 18:2.; #16:19 Pricila.; #Rom. 16:5.]

20Binabati kayo ng lahat ng mga kapatid. Kayo'y mangagbatian ng halik na banal.[#Rom. 16:16.]

21Ang bati ko, ni Pablo na sinulat ng aking sariling kamay.[#Rom. 16:22; Col. 4:18; 2 Tes. 3:17.]

22Kung ang sinoman ay hindi umiibig sa Panginoon, ay maging takuwil siya. Maranatha[#1 Cor. 12:3.; #Fil. 4:5.; #16:22 Maran-atha—ang ating Panginoon ay paririto.]

23Ang biyaya ng Panginoong Jesucristo ay sumainyo nawa.

24Ang aking pagibig kay Cristo Jesus ay sumainyo nawang lahat. Siya nawa.[#Rom. 16:20.]

Ang Biblia © Philippine Bible Society, 1982
Published by: Philippine Bible Society