1 Juan 1

Ang Salitang Nagbibigay-buhay

1Ang ipinapahayag namin sa inyo ay ang tungkol sa kanya na naroon na mula pa nang pasimula. Narinig namin siya, at nakita. Napagmasdan namin siya ng aming sariling mga mata at nahawakan ng aming mga kamay. Siya ang Salitang nagbibigay ng buhay.

2Siya na nagbibigay ng buhay ay nahayag, at aming nakita at pinapatotohanan. Ipinapangaral namin sa inyo ang nahayag sa amin – ang buhay na walang hanggan na kasama ng Ama.

3Ipinapahayag namin sa inyo ang aming nakita at narinig upang maging kaisa namin kayo sa pakikiisa namin sa Ama at sa kanyang Anak na si Hesu-Kristo.

4Isinusulat namin ito upang maging ganap ang aming kagalakan.

Ang Pamumuhay sa Liwanag

5Ito ang mensaheng narinig namin mula sa kanyang Anak at ipinapahayag naman namin sa inyo: Ang Diyos ay liwanag at sa kanyaʼy walang anumang kadiliman.

6Kung sinasabi nating may pakikiisa tayo sa kanya ngunit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay nang ayon sa katotohanan.

7Ngunit kung namumuhay tayo sa liwanag, tulad ng Diyos na nasa liwanag, may pagkakaisa tayo, at nililinis tayo ng dugo ni Hesus na kanyang Anak sa lahat ng kasalanan.

8Kung sinasabi nating wala tayong kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan.

9Ngunit kung ipinagtatapat natin sa Diyos ang ating mga kasalanan, matapat siyang magpapatawad sa ating mga kasalanan at maglilinis sa lahat ng ating kasamaan sapagkat siyaʼy matuwid.

10Kung sinasabi nating wala tayong kasalanan, ginagawa nating sinungaling ang Diyos, at walang puwang ang kanyang salita sa ating mga puso.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.