1 Juan 2

1Mga minamahal kong anak, isinusulat ko sa inyo ang mga bagay na ito upang hindi kayo magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may nakikiusap sa Ama para sa atin – si Hesu-Kristo, na siyang matuwid.

2Siya ang inialay para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan, at hindi lang ng ating mga kasalanan kundi pati na rin ng kasalanan ng buong sanlibutan.

Pagmamahal at Pagkamuhi sa Kapwa Mananampalataya

3Nakatitiyak tayong kilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos.

4Ang sinumang nagsasabing, “Kilala ko ang Diyos,” ngunit hindi naman sumusunod sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan.

5Ngunit ang sinumang sumusunod sa salita ng Diyos, ganap na natupad sa kanya ang pag-ibig ng Diyos. At sa ganitong paraan natin malalaman na tayoʼy nasa kanya:

6Ang sinumang nagsasabing nananatili siya sa Diyos, dapat siyang mamuhay kung paanong namuhay si Hesu-Kristo.

7Mga minamahal, hindi na bago itong utos na isinusulat ko kundi dati na. Ang utos na ito, na magmahalan kayo, ay ang mismong mensaheng narinig ninyo noong nagsimula kayo sa pananampalataya.

8Sa kabilang banda, masasabi ko ring bago ang utos na ito dahil lumilipas na ang kadiliman at lumiliwanag na ang tunay na ilaw. At ang katotohanang itoʼy nasaksihan sa buhay ni Kristo at maging sa inyo.

9Ang sinumang nagsasabing siyaʼy nasa liwanag ngunit kinakamuhian naman ang kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa rin.

10Ang sinumang nagmamahal sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at walang anumang bagay sa buhay niya ang magiging dahilan ng pagkakasala nila.

11Ngunit ang sinumang namumuhi sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi niya alam ang kanyang patutunguhan sapagkat binulag siya ng kadilimang ito.

Mga Dahilan ng Pagsulat

12Sumusulat ako sa inyo, mga anak,

sapagkat pinatawad na ang inyong mga kasalanan

alang-alang sa kanyang pangalan.

13Sumusulat ako sa inyo, mga ama,

sapagkat kilala nʼyo siya

na naroon na mula sa pasimula.

Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan,

sapagkat napagtagumpayan ninyo si Satanas.

14Sumusulat ako sa inyo, mga anak,

sapagkat kilala nʼyo na ang Ama.

Sumusulat ako sa inyo, mga ama,

sapagkat kilala nʼyo siya

na naroon na mula sa pasimula.

Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan,

sapagkat matatag ang inyong pananampalataya.

Nananatili sa inyo ang salita ng Diyos,

at napagtagumpayan ninyo si Satanas.

Huwag Ibigin ang Mundo

15Huwag ninyong ibigin ang mundo o ang mga makamundong bagay, sapagkat ang sinumang umiibig sa mga ito ay hindi umiibig sa Ama.

16Sapagkat ang lahat ng makamundong bagay – ang masasamang hilig ng laman, ang pagnanasa sa mga nakikita ng mata, at ang anumang pagmamayabang sa buhay – ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa mundo.

17Ang mundo at lahat ng bagay dito na pinagnanasahan ng tao ay maglalaho, ngunit ang taong sumusunod sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman.

Babala laban sa Anti-Kristo

18Mga minamahal kong anak, nasa mga huling araw na tayo, at tulad ng narinig ninyo, malapit na ang pagdating ng anti-Kristo. Kahit ngayon ay marami nang naglilitawang mga anti-Kristo, kaya alam nating nasa mga huling araw na tayo.

19Totoong naging kasama natin sila dati, ngunit hindi sila tunay na kabilang sa atin. Sapagkat kung tunay ngang kabilang sila sa atin, nanatili sana sila. Ngunit ang pag-alis nilaʼy nagpapakita na hindi talaga sila kabilang sa atin.

20Subalit kayoʼy hindi tulad nila, sapagkat ipinagkaloob sa inyo ang Banal na Espiritu, kaya alam ninyong lahat ang katotohanan.[#2:20 : Sa literal, kayo ay pinahiran ng Banal . Ganito rin sa talata 27|1JN 2:27.]

21Sumusulat ako sa inyo, hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan kundi dahil alam nʼyo na, at alam din ninyong walang kasinungalingan na maaaring magmula sa katotohanan.

22At sino nga ba ang sinungaling? Hindi baʼt ang sinumang nagsasabing hindi si Hesus ang Kristo? Ang taong iyon ang anti-Kristo dahil hindi niya kinikilala ang Ama at ang Anak.

23Ang taong hindi kumikilala sa Anak, hindi sumasakanya ang Ama. Ngunit ang taong kumikilala sa Anak, sumasakanya ang Ama.

24Pakaingatan nʼyo ang mga natutunan nʼyo noong nagsimula kayo sa pananampalataya. Kung gagawin nʼyo ito, mananatili kayo sa Anak at sa Ama.

25Sapagkat ito ang buhay na walang hanggan na ipinangako ni Kristo sa atin.

26Isinusulat ko sa inyo ang tungkol sa mga taong nanlilinlang sa inyo.

27Tungkol naman sa inyo, ang Banal na Espiritung ipinagkaloob sa inyo ni Kristo ay nananatili sa inyo, at hindi na kayo kailangang turuan pa ng iba, sapagkat siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay. At ang mga itinuturo niya ay pawang katotohanan, at walang kasinungalingan. At tulad ng itinuro niya sa inyo, manatili kayo kay Kristo.

Mga Anak ng Diyos

28Kaya nga, mga minamahal kong anak, manatili kayo sa kanya, para sa kanyang pagdating ay magiging panatag ang loob natin at hindi rin tayo mapapahiya sa harapan niya.

29Alam ninyo na si Kristo ay matuwid, kaya makasisiguro kayo na ang lahat ng taong gumagawa ng matuwid ay mga anak ng Diyos.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.