1 Juan 4

Paano Makikilala ang mga Bulaang Propeta

1Mga minamahal, huwag kayong maniwala agad sa mga taong nagsasabing mula sa Espiritu ng Diyos ang ipinapahayag nila. Sa halip, subukin muna ninyo kung nagmula nga sa Espiritu ang ipinapahayag nila, sapagkat marami nang bulaang propetang naglipana sa mundo.

2Sa ganitong paraan ninyo malalaman kung nasa kanila ang Espiritu ng Diyos: Kapag kinikilala nilang si Hesu-Kristoʼy nagkatawang-tao, sila ay mula sa Diyos.

3Ngunit kung hindi nila kinikilala na si Hesus ay nagkatawang-tao, hindi ang Diyos ang nagsugo sa kanila kundi ang espiritu ng anti-Kristo na narinig ninyong darating, at naririto na nga ito sa mundo.

4Mga minamahal kong anak, kayoʼy sa Diyos at napagtagumpayan na ninyo ang mga bulaang propeta, dahil ang Espiritung nasa inyo ay mas makapangyarihan kaysa sa espiritung naghahari ngayon sa mundo.

5Silaʼy makamundo, kaya makamundong bagay din ang kanilang sinasabi, at pinakikinggan naman sila ng mundo.

6Subalit tayoʼy sa Diyos. Ang mga kumikilala sa Diyos ay nakikinig sa mga sinasabi natin, ngunit ang mga hindi kumikilala sa Diyos ay hindi nakikinig sa atin. Sa ganito natin nakikilala kung ang nasa kanila ay ang Espiritu ng katotohanan o ang espiritu ng kasinungalingan.

Ang Pag-ibig ng Diyos at ang Ating Pag-ibig

7Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos. Ang umiibig sa kanyang kapwa ay anak ng Diyos at nakakakilala sa Diyos.

8Ang sinumang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.

9Ipinakita ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang isinugo niya ang kanyang kaisa-isang Anak dito sa mundo, upang tayoʼy mabuhay sa pamamagitan niya.

10Ito ang tunay na pag-ibig: Hindi tayo ang umibig sa Diyos kundi siya ang umibig sa atin; at isinugo niya ang kanyang anak para ialay para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan.

11Mga minamahal, kung ganoon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa atin, nararapat lamang na mag-ibigan tayo.

12Wala pang taong nakakita sa Diyos. Ngunit kung nag-iibigan tayo, ang Diyos ay sumasaatin at nagiging ganap ang kanyang pag-ibig sa atin.

13Sa ganito natin nalalamang tayoʼy nananatili sa Diyos at siya naman sa atin: Ibinigay niya sa atin ang kanyang Espiritu.

14Nakita namin at nagpapatotoo kami na isinugo ng Ama ang kanyang anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan.

15Ang sinumang kumikilala na si Hesus ay Anak ng Diyos, ang Diyos ay nananatili sa kanila at sila naman sa Diyos.

16Kaya nalalaman natin at pinaniniwalaan ang pag-ibig ng Diyos sa atin.

Ang Diyos ay pag-ibig. At ang sinumang nabubuhay nang may pag-ibig ay nananatili sa Diyos at ang Diyos sa kanila.

17Sa ganito nagiging ganap ang pag-ibig sa atin: May kapanatagan tayo sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom dahil namumuhay tayong tulad ni Kristo sa mundong ito.

18Ang ganitong pag-ibig ay walang halong takot dahil pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang takot. Kung may takot man ang isang tao, itoʼy dahil takot siyang maparusahan, at ipinapakita nito na hindi pa nagiging ganap ang pag-ibig sa kanya.

19Tayoʼy umiibig sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin.

20Ang nagsasabing iniibig niya ang Diyos ngunit napopoot naman sa kanyang kapatid ay isang sinungaling. Sapagkat kung ang kapatid niya mismo na nakikita niya ay hindi niya magawang ibigin, paano pa kaya niya magagawang ibigin ang Diyos na hindi naman niya nakikita?

21Ito ang utos na ibinibigay sa atin ni Kristo: Ang taong umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang kapatid.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.