1 Mga Hari 1

Ang mga Huling Araw ni Haring David

1Matandang-matanda na si Haring David at kahit kumutan pa siya ng makapal ay giniginaw pa rin siya.

2Kaya sinabi ng kanyang mga lingkod, “Mahal na Hari, payagan nʼyo po kaming maghanap ng isang dalagita na mag-aalaga sa inyo. Tatabihan po niya kayo para hindi kayo ginawin.”

3Kaya naghanap sila ng magandang dalagita sa buong Israel, at nakita nila si Abisag na taga-Shunem, at dinala nila siya sa hari.

4Talagang maganda si Abisag at naging tagapag-alaga siya ng hari. Pero hindi sumiping ang hari sa kanya.

Gusto ni Adonias na Maging Hari

5Ngayon, si Adonias na anak ni David kay Haguit ay nagmamayabang na siya ang susunod na magiging hari. Kaya naghanda siya ng mga karwahe at mga kabayo at limampung sundalo na mauuna sa kanya.[#1:5 : O mga mangangarwahe.]

6Hindi siya kailanman pinakialaman ng kanyang amang si David, at hindi sinaway sa kanyang mga ginagawa. Napakaguwapong lalaki ni Adonias at ipinanganak siyang kasunod ni Absalom.

7Nakipag-usap siya kay Joab na anak ni Zeruias at sa paring si Abiatar tungkol sa balak niyang maging hari, at pumayag ang dalawa na tumulong sa kanya.

8Ngunit hindi pumanig sa kanya ang paring si Sadoc at ang propetang si Natan, pati si Benaias na anak ni Jehoiada, gayon din sina Simei at Rei at ang magigiting na bantay ni David.

9Isang araw, pumunta si Adonias sa Bato ng Zohelet malapit sa En-rogel at naghandog siya roon ng mga tupa, mga baka, at mga pinatabang guya. Inimbita niya ang halos lahat ng kapatid niyang lalaki kay Haring David at ang halos lahat ng pinuno ng Juda.

10Pero hindi niya inimbita ang propetang si Natan, si Benaias, ang magigiting na bantay ng hari at si Solomon na kanyang kapatid.

11Pumunta si Natan kay Batsheba na ina ni Solomon, at nagtanong, “Hindi mo ba alam na ang anak ni Haguit na si Adonias ay ginawang hari ang sarili at hindi ito alam ni Haring David?

12Kung gusto mong maligtas ang buhay mo at ang buhay ng anak mong si Solomon, sundin mo ang payo ko.

13Puntahan mo si Haring David at sabihin mo sa kanya, ‘Mahal na Hari, hindi po baʼt nangako kayo sa akin na ang anak nating anak na si Solomon ang papalit sa inyo bilang hari? Bakit si Adonias po ang naging hari?’[#1:13 : Sa literal, kong. Ganito rin sa talata 17|1KI 1:17.]

14At habang nakikipag-usap ka sa hari, papasok ako at patutunayan ko ang iyong sinasabi.”

15Kaya nagpunta si Batsheba sa kuwarto ng hari. Matanda na talaga ang hari at si Abisag na taga-Shunem ang nag-aalaga sa kanya.

16Yumukod si Batsheba at lumuhod sa harapan ng hari. Tinanong siya ng hari, “Ano ang kailangan mo?”

17Sumagot si Batsheba, “Mahal na Hari, nangako po kayo sa akin sa pangalan ng Panginoon na inyong Diyos, na ang anak nating si Solomon ang papalit sa inyo bilang hari.

18Ngunit ipinalagay ni Adonias na siya na ang hari ngayon, at hindi mo ito alam.

19Naghandog siya ng maraming torong baka, mga pinatabang guya at mga tupa. Inanyayahan niya ang lahat ng anak ninyong lalaki, maliban kay Solomon na iyong lingkod. Inanyayahan din niya ang paring si Abiatar at si Joab na kumander ng inyong mga sundalo.

20Ngayon, Mahal na Hari, naghihintay po ang mga Israelita sa inyong pasya kung sino po ang papalit sa inyo bilang hari.

21Kung hindi kayo magpapasya, mahal na hari, ako at ang anak nating si Solomon ay ituturing na kriminal kapag wala ka na.”

22Habang nakikipag-usap si Batsheba sa hari, dumating ang propetang si Natan.

23Pumunta sa silid ng hari ang kanyang lingkod at sinabi na dumating si Natan at nais siyang makausap, kaya ipinatawag siya ng hari.

Pagpasok ni Natan nagpatirapa siya sa harapan ng hari,

24at sinabi, “Mahal na Hari, sinabi po ba ninyong si Adonias ang siyang papalit sa inyo bilang hari?

25Ngayong araw na ito, naghandog siya ng maraming toro, pinatabang guya at mga tupa. At inimbita niya ang halos lahat ng inyong anak na lalaki, ang kumander ng iyong mga sundalo at ang paring si Abiatar. Ngayoʼy kumakain at nag-iinuman sila at nagsasabi, ‘Mabuhay si Haring Adonias!’

26Pero ako na inyong lingkod ay hindi niya inimbita, pati na rin ang paring si Sadoc, si Benaias na anak ni Jehoiada at si Solomon na inyong lingkod.

27Ito po ba ang pasya ninyo, Mahal na Hari, na hindi nʼyo na ipinaalam sa amin kung sino ang papalit sa inyo bilang hari?”

Hinirang ni David si Solomon Bilang Hari

28Sinabi ni Haring David, “Sabihan mo si Batsheba na pumunta rito.” Kaya pumunta si Batsheba sa hari.

29Pagkatapos, sumumpa si Haring David, “Sumusumpa ako sa buháy na Panginoon , na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan,

30na tutuparin ko ngayon ang pangako ko sa iyo sa pangalan ng Panginoon , ang Diyos ng Israel, na si Solomon na ating anak ang siyang papalit sa akin bilang hari.”

31Nagpatirapa agad si Batsheba, at sinabi, “Mabuhay kayo magpakailanman, Mahal na Haring David!”[#1:31 : O nang matagal.]

32Sinabi ni Haring David, “Papuntahin dito ang paring si Sadoc, ang propetang si Natan at si Benaias na anak ni Jehoiada.” Kaya pumunta sila sa hari.

33At sinabi ng hari sa kanila, “Pasakayin ninyo ang anak kong si Solomon sa aking mola at dalhin ninyo siya sa Gihon kasama ang aking mga pinuno.[#1:33 : Hayop na parang kabayo.]

34Pagdating ninyo doon, papahiran ng paring si Sadoc at ng propetang si Natan ang ulo ni Solomon ng langis para ipakita na siya ang pinili kong maging hari ng Israel. Pagkatapos, patunugin nʼyo ang trumpeta at isigaw, ‘Mabuhay si Haring Solomon!’

35Pagkatapos, samahan nʼyo siya pabalik dito, uupo siya sa aking trono at papalit sa akin bilang hari. Siya ang pinili ko na mamamahala sa buong Israel at Juda.”

36Sumagot si Benaias na anak ni Jehoiada, “Gagawin po namin iyan! Mahal na Hari, nawaʼy ang Panginoon na inyong Diyos ang magpatunay nito.

37Kung paano kayo sinamahan ng Panginoon , samahan din sana niya si Solomon at gawin niyang mas matagumpay pa ang paghahari niya kaysa sa inyong paghahari.”

38Kaya lumakad na ang paring si Sadoc, ang propetang si Natan, si Benaias na anak ni Jehoiada, at ang mga Kereteo at Peleteo. Pinasakay nila si Solomon sa mola ni Haring David at dinala sa Gihon.[#1:38 : Sila ang mga guwardiya ng hari.]

39Pagdating nila roon, kinuha ni Sadoc sa banal na tolda ang langis na nasa loob ng sisidlang sungay, at pinahiran niya si Solomon sa ulo. Pinatunog nila ang trumpeta at sumigaw silang lahat, “Mabuhay si Haring Solomon!”

40Inihatid si Haring Solomon ng mga tao pauwi sa Jerusalem na nagkakasayahan at tumutugtog ng mga plauta. Nayanig ang lupa sa ingay nila.

41Narinig ito ni Adonias at ng kanyang mga bisita nang malapit na silang matapos sa kanilang handaan. Nang marinig ni Joab ang tunog ng trumpeta, nagtanong siya, “Ano ba ang nangyayari, bakit masyadong maingay sa lungsod?”

42Habang nagsasalita siya, dumating si Jonatan na anak ng paring si Abiatar. Sinabi ni Adonias, “Pumasok ka dahil mabuti kang tao, at tiyak kong may dala kang magandang balita.”

43Sumagot si Jonatan, “Hindi ito magandang balita, dahil ginawang hari ni Haring David si Solomon.

44Pinapunta niya ito sa Gihon kasama ang paring si Sadoc, ang propetang si Natan, si Benaias na anak ni Jehoiada at ang kanyang mga personal na tagapagbantay na mga Kereteo at Peleteo. Pinasakay pa nila si Solomon sa mola ng hari.

45Pagdating nila sa Gihon, pinahiran siya ng langis nina Sadoc at Natan para ipakitang siya ang piniling hari. Kababalik lang nila, kaya nga nagkakasayahan ang mga tao sa lungsod. Iyan ang mga ingay na inyong naririnig.

46At ngayon, si Solomon na ang nakaupo sa trono bilang hari.

47Pumunta rin kay Haring David ang mga pinuno niya para parangalan siya. Sinabi nila, ‘Gawin sana ng Diyos na mas tanyag si Solomon kaysa sa inyo, at gawin sana niyang mas matagumpay pa ang paghahari niya kaysa sa inyo.’ Yumukod agad si David sa kanyang higaan para sumamba sa Panginoon ,

48at sinabi, ‘Purihin ang Panginoon , ang Diyos ng Israel, niloob niya na makita ko sa araw na ito ang papalit sa akin bilang hari.’ ”

49Nang marinig ito ng mga bisita ni Adonias, tumayo silang takot na takot, at isa-isang umalis.

50Natakot din si Adonias kay Solomon, kaya pumunta siya sa toldang sambahan at humawak sa mga sungay na bahagi ng altar.[#1:50 Ang sinumang hahawak sa parang mga sungay na bahagi ng altar ay hindi papatayin.]

51May nagsabi kay Haring Solomon, “Natakot sa inyo si Adonias, at ngayoʼy nakahawak siya sa mga sungay na bahagi ng altar. Hinihiling niya na sumumpa kayong hindi nʼyo siya papatayin.”

52Sinabi ni Solomon, “Kung mananatili siyang tapat sa akin, hindi siya mapapahamak. Pero kung magtatraydor siya, mamamatay siya.”[#1:52 : Sa literal, wala ni kahit isang buhok niya na mahuhulog sa lupa.]

53Pagkatapos, ipinakuha ni Haring Solomon si Adonias roon sa altar, at pagdating ni Adonias, yumukod siya kay Haring Solomon. Sinabi ni Solomon sa kanya, “Umuwi ka na.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.