1 Samuel 5

Ang Kahon ng Kasunduan sa Asdod at Ekron

1Nang maagaw ng mga Filisteo ang Kahon ng Diyos, dinala nila ito mula sa Ebenezer papunta sa Asdod.

2Pagkatapos, dinala nila ito sa templo ng kanilang diyos-diyosan na si Dagon at itinabi rito.

3Kinaumagahan, nakita ng mga taga-Asdod ang rebulto ni Dagon na nakasubsob na sa harap ng Kahon ng Panginoon . Itinayo nila ito at ibinalik sa dating posisyon.

4Ngunit kinaumagahan, nakita ulit nilang nakasubsob ang rebulto ni Dagon sa harap ng Kahon ng Panginoon . Ang ulo at ang dalawang kamay nito ay putol na, at nakakalat sa bandang pintuan; katawan lang nito ang natirang buo.

5Kaya hanggang ngayon, ang mga pari ni Dagon at ang mga pumapasok sa templo niya roon sa Asdod ay hindi na tumatapak sa bandang pintuan.

6Pinarusahan nang matindi ng Panginoon ang mga taga-Asdod at mga karatig lugar nito. Binigyan sila ng Panginoon ng mga bukol bilang parusa sa kanila.

7Nang makita ng mga taga-Asdod ang nangyari, sinabi nila, “Hindi dapat manatili sa atin ang Kahon ng Diyos ng Israel dahil pinarurusahan niya tayo at si Dagon na ating diyos.”

8Kaya ipinatawag nila ang lahat ng pinuno ng mga Filisteo at nagtanong, “Ano ang gagawin natin sa Kahon ng Diyos ng Israel?” Sumagot sila, “Dalhin ito sa Gat.” Kaya dinala nila ang Kahon ng Diyos ng Israel sa Gat.

9Ngunit nang dumating ito roon, pinarusahan din ng Panginoon ang mga tao sa lungsod na iyon. Labis na nagkagulo ang buong bayan dahil binigyan din sila ng Panginoon ng mga bukol, bata man o matanda.

10Dahil doon, ipinadala nila ang Kahon ng Diyos sa Ekron.

Habang parating pa lang sila roon, nagrereklamo na ang mga mamamayan ng Ekron. Sinabi nila, “Dinala nila rito ang Kahon ng Diyos ng Israel para patayin din tayong lahat.”

11Kaya ipinatawag nila ang lahat ng pinuno ng mga Filisteo at sinabi, “Ilayo ninyo rito ang Kahon ng Diyos ng Israel at ibalik ito sa kanyang lugar dahil kung hindi, mamamatay kaming lahat.” Ito ang sinabi nila dahil nagsimula na ang matinding parusa ng Diyos sa kanilang lungsod. Nagkagulo ang lahat sa takot dahil marami na ang namatay.

12Nagkaroon din ng bukol ang mga natitirang buháy. Abot hanggang langit ang pag-iyak ng buong lungsod dahil sa nangyari.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.