2 Mga Taga-Corinto 7

1Mga minamahal, dahil taglay natin ang mga pangakong ito, linisin natin ang ating sarili sa anumang bagay na nagpaparumi sa ating katawan at espiritu, at sikapin nating mamuhay nang banal at may takot sa Diyos.

Ang Kagalakan ni Pablo sa Pagsisisi ng Iglesya

2Buksan ninyo ang inyong mga puso para sa amin. Wala kaming ginawang masama kahit kanino. Hindi namin siniraan o dinaya ang sinuman.

3Hindi ko sinasabi ito para ipahiya kayo. Gaya ng sinabi ko noong una, mahal na mahal namin kayo at handa kaming mabuhay o mamatay kasama ninyo.

4Malaki ang tiwala ko sa inyo, at ipinagmamalaki ko kayo! Labis na napalakas ang aking loob at nag-uumapaw sa galak ang aking puso sa kabila ng lahat ng aming mga paghihirap.

5Sapagkat nang dumating kami sa Macedonia, wala rin kaming pahinga, dahil sa lahat ng pagkakataon hinarap namin ang kabi-kabilang paghihirap, mga pagtuligsa mula sa labas at pangambang nasa aming kalooban.

6Ngunit ang Diyos na nagpapalakas ng loob ng mga nanghihina ay pinalakas ang loob namin sa pagdating ni Tito.

7At hindi lang ang pagdating ni Tito ang nagpalakas ng aming loob, kundi maging ang balitang pinalakas din ninyo ang loob niya. Ibinalita niya ang pananabik ninyo sa akin, ang inyong pananaghoy, at ang katapatan ninyo sa akin. Dahil dito, lalo akong nagalak!

8Kahit na nagdulot sa inyo ng kalungkutan ang aking sulat, hindi ko ito pinagsisisihan. Nagsisi ako noong una dahil nakita kong pinalungkot kayo ng aking sulat, ngunit panandalian lamang iyon.

9Ngunit masaya ako ngayon, hindi dahil malungkot kayo, kundi dahil naging paraan iyon para magsisi kayo. At iyan nga ang nais ng Diyos na mangyari, kaya hindi nakasamâ sa inyo ang aking mga sinulat.

10Sapagkat ang kalungkutang naaayon sa kalooban ng Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi at pagbabagong patungo sa kaligtasan. Hindi pinagsisisihan ang kalungkutang iyon. Subalit ang kalungkutang dulot ng mundo ay humahantong sa kamatayan.

11Tingnan ninyo ang idinulot nitong kalungkutang naaayon sa kalooban ng Diyos! Nagsumikap kayong patunayan na wala kayong kasalanan. Galit kayo sa ginawang pagkakasala at natakot sa idudulot nito. Kayo ay sabik, masigasig at handang-handang itaguyod ang katarungan. Pinatunayan din ninyo sa lahat ng paraan na wala kayong kinalaman sa pagkakasalang iyon.

12Ang dahilan ng pagsulat ko ay hindi upang tuligsain ang nagkasala o ipagtanggol ang ginawan niya ng kasalanan, kundi upang maipakita ninyo sa presensya ng Diyos kung gaano kayo katapat sa amin.

13At dahil dito, pinalakas na ninyo ang aming loob.

At lalo pa kaming sumigla nang makita naming masaya si Tito dahil sa kasiyahang naranasan niya sa inyong piling.

14Ipinagmalaki ko kayo sa kanya, at napatunayan niyang totoo ang lahat ng sinabi ko sa kanya tungkol sa inyo, kaya hindi ako napahiya.

15At sa tuwing naaalala ni Tito ang inyong pagkamasunurin at ang inyong pagtanggap at paggalang, lalo kayong napapamahal sa kanya.

16At masaya naman ako dahil mapagkakatiwalaan ko kayo nang lubos.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.