The chat will start when you send the first message.
1Pagsapit ng tagsibol ng taóng iyon, ang panahong karaniwang nakikipagdigma ang mga hari, inutusan ni David si Joab kasama ang mga opisyal niya, at ang buong hukbo ng Israel na salakayin ang mga Amonita. Tinalo nila ang mga ito at sinakop nila ang Rabba. Samantala, si David ay nanatili sa Jerusalem.
2Isang hapon, bumangon si David at naglakad-lakad sa bubungan ng palasyo. Habang nakatingin siya sa ibaba, may nakita siyang isang magandang babaeng naliligo.
3Nag-utos si David na alamin kung sino ang babaeng iyon. Napag-alaman niyang ang babae ay si Batsheba na anak ni Eliam at asawa ni Urias na Heteo.
4Ipinasundo ni David si Batsheba at nang dumating ito, sinipingan siya ni David. (Katatapos pa lang noon ni Batsheba ng seremonya ng paglilinis dahil sa buwanan niyang dalaw.) Pagkatapos nilang magsiping, umuwi siya.
5Nabuntis siya, at ipinaalam niya ito kay David.
6Nagpadala si David ng mensahe kay Joab na papuntahin sa kanya si Urias na Heteo. Kaya pinapunta ni Joab si Urias kay David.
7Pagdating ni Urias, tinanong siya ni David kung ano na ang kalagayan ni Joab at ng mga sundalo sa kanilang pakikipaglaban.
8Pagkatapos, sinabi ni David sa kanya, “Umuwi ka muna at magpahinga.” Kaya umalis si Urias sa palasyo, at pinadalhan siya ni Haring David ng mga regalo sa bahay niya.[#11:8 : O sumiping sa asawa mo. Sa literal, hugasan mo ang paa mo.]
9Pero hindi umuwi si Urias sa kanila kundi sa may pintuan ng palasyo siya natulog kasama ng mga lingkod ng kanyang among si David.
10Nang malaman ni David na hindi umuwi si Urias, ipinatawag niya ito, at tinanong, “Bakit hindi ka umuwi? Matagal kang nawala sa inyo.”
11Sinabi ni Urias, “Ang Kahon ng Kasunduan ng Diyos at ang mga sundalo ng Israel at Juda ay naroon po sa mga kampo sa kapatagan, at nandoon din ang pinuno naming si Joab at ang mga opisyal niya. Maaatim ko po bang umuwi sa amin para kumain, uminom at sumiping sa asawa ko? Isinusumpa ko na hinding-hindi ko ito gagawin!”
12Sinabi sa kanya ni David, “Manatili ka pa rito ng isang gabi, at bukas pababalikin na kita sa kampo.” Kaya nanatili pa si Urias sa Jerusalem ng araw na iyon. Kinabukasan,
13inanyayahan siya ni David na kumain at uminom kasama niya. At nilasing siya ni David. Pero nang gabing iyon, hindi pa rin umuwi si Urias kundi roon ulit siya natulog kasama ng mga lingkod ng kanyang amo na si David.
14Kinaumagahan, sumulat si David kay Joab at ipinadala niya ito kay Urias.
15Ito ang isinulat niya: “Ilagay mo si Urias sa unahan ng labanan, kung saan matindi ang labanan. Pagkatapos, umatras kayo upang siya ay matamaan at mamatay.”
16Kaya habang pinaliligiran nila ang Rabba, inilagay ni Joab si Urias sa lugar kung saan alam niyang malalakas ang mga kalaban.
17Lumabas ang mga sundalo ng lungsod at nakipaglaban kina Joab. Napatay sa labanan ang ilang mga sundalo ni David, kasama si Urias na Heteo.
18Nagpadala si Joab ng balita kay David tungkol sa lahat ng nangyari sa labanan.
19Sinabi niya sa mensahero, “Pagkatapos mong sabihin sa hari ang nangyari sa labanan,
20maaaring magalit siya at tanungin ka, ‘Bakit masyado kayong lumapit sa lungsod habang nakikipaglaban? Hindi nʼyo ba naiisip na maaari nila kayong mapana mula sa pader?
21Hindi ba ninyo naaalala kung paano namatay si Abimelec na anak ni Jerub-beshet sa Tebez? Hindi baʼt hinulugan siya ng isang babae ng gilingang bato mula sa itaas ng pader, at namatay siya? Bakit lumapit kayo sa pader?’ Kung magtatanong siya nang ganito, sabihin mo sa kanya, ‘Namatay din po ang lingkod ninyong si Urias na Heteo.’ ”[#11:21 : Ito ay isa pang tawag kay Gideon.]
22Lumakad ang mensahero, at pagdating niya kay David sinabi niya rito ang lahat ng ipinasasabi ni Joab.
23Sinabi niya kay David, “Sinalakay po kami ng mga kalaban sa kapatagan, pero hinabol po namin sila pabalik sa pintuan ng lungsod nila.
24Pagkatapos, pinana po kami ng mga mamamana na nandoon sa pader at napatay po ang ilan sa mga sundalo nʼyo pati na ang lingkod ninyong si Urias na Heteo.”
25Sinabi ni David sa mensahero, “Sabihin mo kay Joab na huwag ikalungkot ang nangyari, dahil hindi natin masasabi kung sino ang mamamatay sa labanan. Sabihin mo sa kanya na lakasan niya ang loob niya, at pagbutihin pa niya ang pagsalakay sa lungsod hanggang sa maibagsak ito.”
26Nang malaman ni Batsheba na napatay ang asawa niyang si Urias, nagluksa siya.
27Pagkatapos ng pagluluksa, ipinasundo siya ni David at dinala sa palasyo. Naging asawa siya ni David at hindi nagtagal, nanganak siya ng isang lalaki. Ngunit ang ginawa ni David ay hindi kalugod-lugod sa paningin ng Panginoon .